Ambus, pasalubong sa ika-53 anibersaryo ng NPA
Bigwas sa AFP-PNP ang matagumpay na ambus ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA Rizal laban sa 80th IBPA sa Maugraw, Sityo Quinao, Brgy. Puray, Rodriguez, Rizal. Inilunsad ito alas-7:52 ng umaga ng Marso 26, tatlong araw bago ang ika-53 anibersaryo ng New People’s Army.
Nag-iigib ang anim na elemento ng 80th IBPA sa Maugraw nang tambangan sila ng mga pulang mandirigma ng NAAC-NPA-Rizal malapit sa mismong kampo ng pasistang tropa sa nasabing lugar. Dalawa ang napatay at dalawang sugatan sa mga pasistang tropa. Ligtas namang nakaatras ang yunit ng NPA sa lugar.
Ang aksyong militar na ito ay tugon sa kahilingan ng mamamayan, sa mga pagpapahirap at pandarahas na ginagawa ng 80th IB sa probinsya. Kamakailan lamang, nitong Marso 23, ay dinukot ang isang katutubong dumagat na si Rene Villarama, ng mga elemento ng 80th IBPA at dinala sa kampo sa Baras. Lubhang nababahala ang mga mamamayan ng Puray at natatakot na maaring anumang oras ay sila naman ang susunod na dudukutin ng pasistang tropa na ito.
Patunay ang mga ambus at iba pang aksyong militar ng NAAC na hindi nito alintana ang todo-largang kampanya ng rehimeng US-Duterte para durugin ang CPP-NPA. Patuloy nitong nahahawakan ang inisyatibang militar at ginagawang inutil ang AFP sa kabila ng pinatitinding Focused Military Operations (FMO) nito.
Marapat lamang na bigwasan ang pasistang tropa ng AFP na naghahasik ng kaguluhan at teror sa mamamayan. Makakaasa ang mamamayan sa lalawigan na laging nakahanda ang NPA-Rizal na papanagutin at pagbayarin ang mga pasistang tropa at ang mamamatay-tao at teroristang rehimeng US Duterte. ###