Ambus sa mga kriminal na pulis sa Catanduanes, panimulang tagumpay ng masang Catandunganon laban sa tumitinding kahirapan at militarisasyon sa prubinsya
Buong galak na nagdiriwang ang mamamayang Catandunganon sa matagumpay na ambus na ilinunsad ng kanilang Pulang Hukbo sa ilalim ng Nerissa San Juan Command – Bagong Hukbong Bayan Catanduanes laban sa pinagsamang mga intel operatives ng San Miguel MPS at Catanduanes 1st Provincial Mobile Force Company na maglulunsad sana ng operasyong nanlaban-patay sa So. Tucao, Brgy. GMA, bayan ng San Miguel nitong Pebrero 1. Sa naturang ambus, napaslang ang team leader na si Police Senior Master Sergeant Johnny Tiston. Nasamsam din ng Pulang Hukbo ang tatlong maiiksing armas at iba pang kagamitang militar.
Ang naturang ambus ay panimulang tugon sa panawagan ng mamamayang Catandunganon para sa panimulang hustisya matapos mabiktima ng kriminal na kapabayaan at atakeng militar ng rehimeng US-Duterte sa Catanduanes. Taliwas sa ipinalalabas ng PNP Region V na pag-iral ng katiwasayan sa prubinsya, nagdurusa ang masang Catandunganon sa labis na kahirapan at malawakang militarisasyon. Mula pagbagsak ng industriya ng abaka, malubhang pinsalang dulot ng sabayang paghagupit ng sunud-sunod na kalamidad at pandemya, paulit-ulit na pagsasailalim ng prubinsya sa pinakamahigpit na antas ng lockdown at paglipana ng mga kontra-mamamayang proyekto, patung-patong na paghihirap ang pinasan ng masa sa prubinsya sa ilalim ni Duterte.
Sa halip na i-ahon ang masang Catandunganon sa kumunoy ng kahirapan, militarisasyon ang naging sagot ng rehimeng US-Duterte sa prubinsya. Isa ang Catanduanes sa mga prubinsyang unang nagpatupad ng maruming kampanyang kontrainsurhensyang EO 70 – National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Hindi makakalimutan ng mamamayang Catandunganon ang krimen ng Catanduanes Provincial Mobile Force Company, 83rd Infantry Battalion at noo’y bagong tatag na Bicol RTF-ELCAC sa pagpatay sa mga sibilyang sina Christopher Abraham at Lito Aguilar habang pinagbabaril din ang tatlo pa nilang kasamahan. Pinalabas silang mga kasapi ng NPA. Sa kabila ng malawakang pagkundena ng publiko sa naturang pamamaslang at sa halip na panagutin ang militar at pulis, pinahintulutan pa sa prubinsya ang pinatinding okupasyong militar. Sa katunayan, sa gitna ng pandemya ibinuhos ang mga tropa ng militar sa prubinsya. Nasundan pa ang pagpatay kina Abraham at Aguilar ng apat pang biktima ng pampulitikang pamamaslang, kabilang ang panibagong kaso nito sa bayan ng Bagamanoc. Kasabwat din ang PNP Catanduanes sa malaganap na red-tagging sa prubinsya kabilang ang ilang mga kasapi at lider ng progresibong bayan at mga sibilyang upisyal tulad nina Vice Governor Shirley Abundo at isa pang provincial board member.
Itinulak ng tumitinding kundisyon ng pang-aapi’t pagsasamantala ang mamamayang Catandunganon na ibayong isulong ang armadong pakikibaka sa prubinsya. Hindi kailanman nawala at sa halip ay sumusulong ang armadong paglaban sa prubinsya ng Catanduanes. Sa katunayan, pinakahihintay ng mamamayan ng prubinsya ang paparami pang armadong paglaban mula sa kanilang tunay na Hukbo! Marami sa kanilang dumaranas ng kahirapan at abusong militar ang lalong napukaw upang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumahok sa mga taktikal na opensibang yayanig sa rehimeng US-Duterte at kasabwat nitong naghaahring uri sa prubinsya.
Sa desperadong tangka ng PNP Catanduanes at PNP Region V na ikubli ang pinsalang tinamo sa naturang ambus at maghabi ng mga kasinungalingan upang siraan at palabnawin ang tagumpay ng armadong kilusang Catandunganon, lalong nalalantad ang katotohanang bigo ang Joint Task Force Bicolandia na durugin ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Tiyak ngayong binabangungot ang mga upisyal ng JTFB sa epekto ng talamak nilang militarisasyon at teroristang karahasan sa Catanduanes. Sa pag-aakalang napatahimik nila ang masang Catandunganon, lalo lamang nag-alab ang kanilang kapasyahang lumaban!
Nananawagan ang BHB-Catanduanes sa masang Catandunganon na isustine ang nakamit na tagumpay sa paghadlang sa anumang tangka ng Joint Task Force Bicolandia na maglunsad ng nag-uulol na ganting atake kabilang ang posibilidad na paggamit ng mga modernong kagamitang militar para mambomba ng mga komunidad, magsagawa ng mararahas na okupasyong militar at bweltahan ang mga sibilyan upang pagtakpan ang kanilang kabiguan.#