Ang AFP-PNP ang tunay na banta sa seguridad ng bansa sa darating na halalan
Palasak at purong paninira ang pahayag ni AFP spokesperson Col. Ramon Zagala na ang NPA ang pinakamalaking banta sa seguridad ng bansa sa darating na eleksyon. Ang totoo, ang AFP-PNP ang nangunguna sa paghahasik ng takot at teror sa lahat ng panahon, laluna ngayong darating na halalan kung kailan nakataya ang elektoral na ambisyon ng mga Duterte at Marcos na syang dinidiyos at sinasamba ng mersenaryong AFP at PNP.
Walang pasintabi ang AFP-PNP sa paglulunsad ng malawakang operasyong militar at pangseguridad kung saan makikinabang ang kandidatura ng mga lokal na naghaharing angkan ngayong halalan. Habang papalapit ang eleksyon at pagwawakas ng termino ni Duterte, nag-iibayo ang pagkaulol ng mersenaryong tropa sa paglulunsad ng malupit na mga FMO sa kanayunan. Layunin nitong maghasik ng teror sa masang botante at pigilan ang panalo ng mga kandidatong nasa anti-Duterteng oposisyon, sa isang panig, at paboraan ang tambalang BBM-Sara at mga kaalyado ng pasistang rehimen, sa kabilang panig.
Kasalukuyang binabantayan ng AFP-PNP ang pitong siyudad at 39 bayan sa buong bansa dahil pinaghihinalaan nila itong mga balwarte ng rebolusyonaryong kilusan. Hindi lamang karaniwang mamamayan ang tinatakot nila, kundi ginigipit ang mga makabayang pulitiko at pinagbabantaan laban sa diumano’y pakikipag-ugnayan sa mga rebolusyonaryong pwersa. Tinukoy ang mga election hotspot sa iba’t ibang parte ng bansa upang isailalim ito sa kontrol ng COMELEC, militar at pulisya. Sa ganito, magagawa nilang manipulahin ang resulta ng botohan at sikilin ang mamamayan at masang botante.
Kapal-mukha rin ang mga opisyal ng AFP-PNP na nagsasabing sila ang tagatiyak ng malinis at mapayapang halalan, samantalang may kanya-kanya silang mga pinoprotektahang interes at mga kandidato. Pinakamasahol sila sa paninira at pagpapakalat ng pekeng balita laban sa mga progresibo at mga kandidato nila. Ginigipit nila ang kampanya ng mga tagasuporta ng pangunahing kandidato ng oposisyon sa pagkapresidente.
Mahaba ang rekord ng AFP-PNP sa pagiging pangunahing kasangkapan sa pandaraya sa eleksyon bago pa man maging de-kompyuter ang sistema ng eleksyon sa Pilipinas. Hindi nagsagawa ng kinakailangang pagbalasa sa mga opisyal ng AFP upang maiwasang makaimpluwensya sila sa mga lugar kung saan naroon ang kanilang mga kamag-anak at pulitikong patron. Nagsisilbi rin ang mga sundalo na gunrunner at bagman ng mga sindikatong karaniwang may koneksyon sa mga kandidato. Patunay rito ang naganap na Atimonan rub-out sa Quezon noong 2015 kung saan nagkaroon ng shoot out sa pagitan ng matataas na opisyal ng AFP-PNP para makopo ang pera sa jueteng.
Taliwas dito, tinitiyak ng NPA ang seguridad ng mamamayan sa gitna ng maruming halalan. Sa mga eryang saklaw ng mga sona’t larangang gerilya at lokal na organo ng Pulang kapangyarihan, hindi pinapayagan ng rebolusyonaryong gubyerno ang pagpasok ng mga armadong goons na na naghahasik ng teror sa mamamayan, panunuhol at sapilitang pagpapaboto sa pinagsisilbihang kandidato. Mariing kinukundena ng NPA ang paggamit ng demonyong alyansang Marcos-Arroyo-Duterte sa makinarya ng estado kabilang ang militar para manalo sa eleksyon. Bagama’t naniniwala ang NPA na ang reaksyunaryong halalan sa Pilipinas ay huwad, marumi at batbat ng pandaraya, iginagalang nito ang karapatan ng bawat mamamayang Pilipino na iehersisyo ang kanilang karapatang sa pagpili ng bagong pinuno ng bansang na sa tingin nila ay maghahatid ng pagbabago at pag-unlad sa kanilang pamumuhay.
Hindi rin sarado ang NPA sa pagpasok at pangangampanya ng mga makabayan, progresibo at tunay na lingkod-bayan na magtataguyod ng adyenda at interes ng taumbayan sa lahat ng saklaw ng mga sona at larangang gerilya nito.
Nananawagan ang MGC-NPA ST sa mamamayang Pilipino na patuloy na labanan ang pasismo ng AFP-PNP. Paigtingin ang mga anti-pasistang pakikibaka para palayasin ang mga pwersa-militar sa kanayunan. Kasabay nito, habang patuloy na pinaiigting ang digmang bayan sa kanayunan bilang tanging solusyon sa suliranin ng lipunang Pilipino, kasama ng mamamayan ang MGC-NPA-ST sa pagmamatyag sa nalalapit na eleksyon laban sa mga pakana ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte at ng kasapakat na AFP at PNP.###