Ang digmang bayan ay para sa tunay na kapayapaan ng mamamayan
Nananaginip nang gising ang AFP-PNP-CAFGU, NTF-ELCAC at buong pasistang estadong kung inaakala nilang makukumbinsi nila ang mamamayang umayon sa kanilang kampanyang pagpapasuko at pagpapasalong ng armas sa mga kasapi ng NPA sa gitna ng walang patumangga nilang pang-aatake sa sibilyang populasyon. Nitong Hunyo 8, tatlong sibilyan na naman ang pinaslang ng mga berdugo para palabasing napahihina na nila ang rebolusyonaryong kilusan at na may tinutungo ang kanilang kontrarebolusyonaryong gera. Madaling-araw ng Hunyo 7 nang dukutin ng mga elemento ng 2nd IBPA at PNP Masbate ang mga magsasakang sina Ramon ‘Boy’ Valenzuela Brioso, 58 taong gulang, residente ng So. Mabuaya, Matiporon, Milagros, Ailyn ‘Eket’ Bulalacao Gracio, 38 taong gulang, residente ng So. Bantolinao, Brgy. Amutag, Aroroy at Antonio ‘Tony’ Polegrantes, 50 taong gulang, mula sa Brgy. Hermosa, Cawayan. Pinalabas silang mga napaslang na kasapi ng NPA sa isang pekeng labanan sa So. Porang, Brgy. Anas, Masbate City kinabukasan. Si Brioso ay chief cowboy sa 7R Ranch habang si Polegrantes naman ay chief tanod ng kanilang barangay. Sa pagtindi ng pasismo ng estado, mulat ang sambayanang ngayon higit kailanman kailangan nila kinakailangang sumalig sa armadong pakikibaka.
Bagamat nagpoposturang para sa tunay na kapayapaan, interesado lamang sa usapang pangkapayapaan ang reaksyunaryong gubyerno dahil kinakasangkapan nila ito para sa pasipikasyon at upang maggiit ng isang pangmatagalang tigil-putukang magtatali sa kamay ng sambayanang nag-aarmas at nagtatanggol ng kanilang sarili. Ilang ulit nang napatunayan ng mga karanasan sa Bikol at buong bansang sinasamantala lamang ng mersenaryong pwersa ang panahon ng tigil-putukan upang i-atas ang pagdeploy ng mga armadong tropa sa mga larangang gerilya at ang walang humpay na sakyada at okupasyon sa mga baryo sa layuning takutin at gipitin ang masa.
Noong 2016, sa unang pagkakataong nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng GRP at CPP-NPA-NDF para sa isang unilateral na tigil-putukan, sunud-sunod na paglabag ang naitala sa hanay ng kaaway. Sa Sorsogon, limang buwang nagmantini ang mga operasyong militar sa mga barangay ng Fabrica, San Antonio, Sta. Lourdes at San Ramon sa bayan ng Barcelona at Brgy. Cabagahan, Matnog. Ayon sa mga reklamong ipinaabot ng mga residente sa tanggapan ng NDF-Bikol, paulit-ulit na hinaras at tinakot ng nag-ooperasyong yunit ng 31st IBPA sa pangunguna ni 1st Lt. Meneses at Sgt. Asares ang mga dumalo sa kilos-protesta sa Maynila noong unang SONA ni Duterte. Kabilang sa mga pang-aabusong militar ang pilit na pagpapaamin sa kanilang kasapi o sumusuporta sa NPA, sapilitang pagkuha ng kanilang mga litrato at pagpapapirma sa isang blangkong papel. May isang upisyal din ng barangay na sinaktan habang iniinteroga. Kinikikilan din ng pera ang mga residente.
Sa panahon ng tigil-putukan noong Marso hanggang Abril 2020 sa kasagsagan ng paglaganap ng pandemya, umabot sa 94 na operasyong militar ang naitala sa buong Timog Katagalugan at Kabikulan. Kakambal nito ang sunud-sunod na paglabag sa karapatang tao kabilang ang 15 kaso ng pang-aabusong militar sa Bikol.
Naninindigan ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan at bansa na ang landas tungo sa tunay na kalayaan, katarungan at kapayapaan ay sa pamamagitan ng pagtatagumpay ng makatwirang digma ng mamamayan. Hindi kailanman kusang titigil ang imperyalistang kapangyarihan at mga lokal na naghaharing uri sa pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis. Lagi’t lagi nilang gagamitin ang papet na estado bilang marahas na makinarya ng panunupil.
Upang makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan, kinakailangang mapawi ang mga ugat ng kahirapan at sosyo-ekonomikong ‘di pagkakapantay-pantay. Mawawala lamang ang karahasan at kaguluhan kung ganap nang maipamamahagi sa milyun-milyong magsasaka sa bansa ang lupang kanilang maaaring linangin, kung mayroon nang tunay na pagrespeto at pagkilala sa lupang ninuno ng mga pambansang minorya at mamamayang Moro, kung mapapawi na ang pang-aalipin sa pamamagitan ng sistemang sahuran at mawawakasan ang lahat ng tipo ng pagsasamantala sa mga manggagawa at kung makakamit na ang tunay na katarungan para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang tao at pang-aapi ng estado. Ang natatanging paraan upang matupad ang mga ito ay sa pamamagitan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan.