“Ang halimbawa ay ‘di mamamatay!”

Taos pusong nakikiramay ang ipinapaabot ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) Balangay Deborah Stoney sa mga naiwanan ng kamakailang pinatay na si Ka Parts Bagani – rebolusyonaryong artista at pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Si Ka Parts ay pinaslang noong Lunes, ika-16 ng Agosto, sa isang mala-EJK na pagpatay ng mersenaryong 5th Special Forces Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).

Wala syang bitbit na armas at wala sa kundisyong makipaglaban noong sya ay pinatay ng mga pwersang pasista sa kanyang pinagtutuluyan sa Polomok, South Cotabato. Kasabay nito ang pagkadakip ng kanyang asawa na kasulukuyang nakakulong sa Polomok.

Bilang dakilang artista, malaking inspirasyon si Ka Parts sa mga rebolusyonaryong artista ng Timog Katagalugan. Para sa marami sa amin, ang kanyang mga likhang-sining ay pinanghuhugutan namin ng inspirasyon sa proseso ng pagpapanibagong-hubog upang maging mga matatag na rebolusyonaryo.

Kung kaya’t masakit para sa puso namin noong nalaman ng aming Balangay ang balita. Kami ay nananawagan para sa hustisya at sinisingil ang pasistang AFP-PNP para kanilang krimen.

Pumanaw man na si Ka Parts, sya ay mananatiling buhay sa puso ng sambayanang pinaglingkuran. Sya ay mananatiling halimbawa para sa paglalahok ng mga rebolusyonaryong artista at manunulat sa armadong pakikibaka.

PINAKAMATAAS NA PAGPUPUGAY KAY KA PARTS BAGANI, DAKILANG MARTIR NA ARTISTA NG SAMBAYANAN! ###

"Ang halimbawa ay 'di mamamatay!"