Ang katotohanan sa likod ng surrender campaign ng rehimeng U.S. Duterte
Lumang tugtugin na at lalong tumitindi pa ang korapsyon sa loob ng reaksyunaryong gubyerno at ng AFP-PNP sa programang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Marami nang karansan sa probinsya hinggil sa mga peke at gawa-gawang surrenderee. Noong 2016, idineklara ng AFP-PNP na surrenderee ang 69 katao mula sa Lubuagan na dumalo lamang sa isang pulong-masa. Maliwanag na ang mga ito ay sibilyan at hindi kasapi ng NPA. Isang pang halimbawa rito ang paggamit mismo ng mga CAFGU upang magpanggap bilang mga NPA at magsuko ng kanilang mga armas nitong 2019. Gayun din, pinaiigting ng AFP-PNP ang saywar operasyon at direktang pananakot bilang bahagi ng whole-of-nation approach ng Oplan Kapanatagan na ang pangunahing target ay ang mga sibilyan. Nagpapakalat ng saywar ang AFP-PNP para pilitin ang mga sibilyan na magsurender upang pagkakitaan ang mga ito. Isa pa sa mga pakulo ng AFP-PNP ang pagrerecycle hindi lang ng iligal na droga kundi maging ng mga surenderees upang paulit-ulit na pagkakitaan ang mga naloloko nilang ex-NPA.
Nitong nakaraang Oktubre 21, naglabas ng pahayag ang Police Provincial Office (PPO) ng Kalinga hinggil sa pagsurender ng isang alias Ka Diwa kung saan kasama niyang isinuko ang ilang mga high-powered firearms.
Si Ka Diwa ay dating NPA na matagal nang bumababa dahil sa kahirapan sa pagsunod sa disiplina at kabiguan na magpanibagong-hubog upang mas epektibong makapagsibli sa masa. Si Ka Diwa ay nagsurrender na noong 2017 sa kaaway kaya mula noon ay wala na siyang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Sa dami ng mga peke at gawa-gawang surrenderees ng AFP-PNP para pagkakitaan ang programa ng gobyerno na E-CLIP ang sinasabing pagsurender muli ni Ka Diwa ay recycling at isang malaking kasinungalingan. Fake news at recycled surrenderees din ang sinasabing iba pang sumukong NPA nitong buwan din.
Walang ibang niloloko ang AFP-PNP sa mga ganitong fake news kung hindi ang kanilang mga sarili. Dahil sa malawakang korapsyon sa hanay ng AFP-PNP ay lalong lumalala ang kabiguan ng kanilang mga inilulunsad na programang kontra-mamamayan. Desperado ang AFP-PNP at lalo na ang rehimeng Duterte na ipagtagumpay ang pinagmamayabang nilang dudurugin ang rebolusyonaryong kilusan. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan nilang mag-imbento ng mga kwento upang ipakitang nagtatagumpay sila kahit sa kwento man lang.