Ang mapanlinlang na NTF-Elcac at teroristang 203rd Brigade-PNP-MIMAROPA ang dapat itakwil at palayasin sa mga komunidad ng Mangyan!

,

Sukdulang kahangalan at desperasyon ang muling ipinamalas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang galamay nitong berdugong 203rd Brigade-PNP-MIMAROPA sa panibagong panlilinlang sa sambayanang Mindoreño!

Sa bayan ng Mansalay, inilunsad noong Marso 25 ang isang pulong talakayan para sa diumano’y mga nagbalik-loob na myembro ng CPP-NPA, walang kahihiyang tinipon ng kaaway ang mga inosenteng sibilyan upang ipresenta bilang mga dating NPA at mga mamamayan na tahasang itinatakwil ang rebolusyonaryong kilusan. Iba’t ibang tagapagsalita mula sa mga grupo at ahensya, tulad ng relihiyosong grupong Seventh Day Adventist (SDA) at National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) ang naging bahagi ng aktibidad na sa esensya ay isang sikolohikal na opensibang operasyon laban sa bayan. Tampok sa palabas ng NTF-ELCAC ang sapilitang pagpapasumpa sa mga katutubo na itinatakwil nila ang rebolusyonaryong kilusan sa kanilang mga komunidad. Sinunog din ang bandilang may maso’t karet na simbolo ng rebolusyonaryong kilusan, habang kinukuhanan ng litrato ang mga inosente’t nahihintakutang masa.

Hindi lamang luma kung hindi maruming estilo ito ng kaaway upang palabasing nagtatagumpay sila na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Layunin nitong lumikha ng lamat sa hindi malagot-lagot na pagkakaisa ng masa at kanyang hukbo. Desperado ang kaaway na makuha ang puso at isip ng mga mamamayan, sukdulang lumikha ng isang laos nang palabas para pagmukhaing wala nang suporta ang mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan. Ngunit ang totoo, sukdulan na ang pagkamuhi ng mamamayang Mindoreño sa teroristang rehimeng US-Duterte dahil sa mga kasong kriminal nito laban sa bayan.

Matatandaang Marso 25, 2021, eksaktong isang taon na ang nakakaraan, mula nang kanyunin ng pasistang AFP-PNP ang hangganan ng kabundukan sa Mansalay at Roxas matapos nitong bigong kubkubin ang isang yunit ng NPA sa lugar. Nagresulta ito ng pagbakwit ng 18,000 na mga katutubo, dalawang kaso ng ilegal na pag-aresto at tortyur, at hamletting sa mga komunidad na kalapit ng pinaglabanang lugar. Ang pagtitipong naganap ngayong taon ay lansakan at dagdag na pang-iinsulto sa mga katutubo na hindi pa lubusang nakakabawi mula sa pangyayari.

Kung nakikinig at ipinapatupad lamang ang rehimeng Duterte at mga alipures nito ang mga kahilingan at tunay na interes ng mamamayang Mindoreno—ang pagpapatupad sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at kilalanin at igalang ang mga karapatan ng pambansang minoryang Mangyan sa kanilang lupang ninuno at pagpapasya-sa-sarili , tiyak na hindi na kailangang magrebolusyon ang mamamayan. Subalit inilalantad mismo ng mga anti-mamamayang batas at mga programa nila ang masugid nilang pagsisilbi sa interes ng mapagsamantala at mapang-aping uri na kaaway ng malawak na masa ng sambayanan–mga panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at imperyalismong amo nila. Sa Mindoro, nakaasa ang ikinabubuhay ng mamamayan sa pagbubungkal ng lupa ngunit malupit at malaganap ang pangangamkam sa lupa ng mga mapagsamantala at mapang-aping uri ito! Walang pakundangan ang kanilang mga proyekto—pastuhan, minahan, dam, Tamaraw Reservation Expansion na walang habas na sumisira sa kalikasan, nangangamkam ng lupain ng mga minorya at magsasaka. Kaya makatwiran ang pasusulong ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago at hinding-hindi nila magagapi ito.

Nananaginip nang gising ang buhong na kaaway sa pag-aakalang natalo na nito ang rebolusyonaryong kilusan sa isla! Katunayan ay sila ang bigo sa kanilang final push kaya kumakapit na lamang sila sa mga laos na palabas at pasong mga taktika sa panlilinlang! Ang tunay na sigaw ng mga mamamayang Mindoreño ay hindi ang paglayas ng Pulang Hukbo sa kanilang komunidad, kundi ang paglayas ng pasistang AFP-PNP, ang tunay na terorista sa mamamayan!

Nananatiling buo ang loob ng mamamayang Mindoreño na patuloy na biguin ang final push ni Duterte! Tatlong buwan na lamang ang itatagal nito sa kapangyarihan! Sama-samang sisingilin ng mamamayan ang rehimen sa lahat ng inutang nitong dugo. Gagamitin ang iba’t ibang anyo ng paglaban—armado at di-armado, iligal at ligal, hayag at lihim, kasama ang paggamit ng balota upang ilantad at pagkaitan ng espasyong maniobrahan ang kampo ng pasista, kriminal, terorista, korap at magnanakaw na alyansang Marcos-Arroyo-Duterte.

Mahigpit pa ring tangan ng rebolusyonaryong mamamayan sa Isla ang pagtupad sa makasaysayang tungkuling isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay! Ito lamang ang tanging paraan upang maitatag ang tunay na lipunang makatarungan at masagana para sa lahat!

AFP-PNP LAYAS SA KOMUNIDAD NG MGA MANGYAN!
ISULONG ANG DIGMANG BAYAN! MABUHAY ANG REBOLUSYON!

Ang mapanlinlang na NTF-Elcac at teroristang 203rd Brigade-PNP-MIMAROPA ang dapat itakwil at palayasin sa mga komunidad ng Mangyan!