“Ang mga mamamayan at hindi ang mga bagay ang mapagpasya”
“Ang sandata ay isang bagay na mahalaga sa digmaan ngunit hindi ito ang bagay na magpapasya. Ang mga mamamayan at hindi ang mga bagay ang mapagpasya”
Nagmistula na namang payaso ang Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (SOLCOM-AFP) sa harap ng mamamayan ng Timog Katagalugan dahil sa pahayag kamakailan ni Lt. Colonel Dennis Cana, SOLCOM Public Information Officer, na mayroon na silang mga modernong kagamitang pandigma tulad ng night capable helicopters, signal equipment tulad ng drones, range finders, thermal imagers, at dagdag na naval assets na magagamit para tuluyan nang magapi ang CPP-NPA-NDFP sa buong Timog Luzon.
Nangangarap nang gising ang pamunuan ng SOLCOM-AFP na kaya nitong gapiin o kahit sindakin man lamang ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan dahil sa mayroon na silang hawak na mga makabagong kagamitang pandigma mula sa pangunahing amo nilang US.
Nalantad lamang na mangmang ang pamunuan ng SOLCOM-AFP sa kasaysayan at batas ng mga rebolusyonaryong digma na tao ang mapagpasya at hindi ang sandata. Hindi naiintindihan ng pamunuan ng SOLCOM-AFP na ang lakas at suporta na tinatamasa ng rebolusyonaryong kilusan mula sa mamamayan ay nagmumula sa pagiging makatarungan nito. Sa kabilang banda, itatapon ang SOLCOM at mga reaksyunaryo sa basurahan ng kasaysayan dahil sa kanilang malupit na kontra-mamamayang gera na pinakakawalan sa sambayanang Pilipino.
Tinangkilik at sinuportahan ng mamamayan ang Demokratikong Rebousyon ng Bayan (DRB) na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP dahil ito ay lehitimo, makatarungan at para sa kanilang interes at kapakanan. Ipinaglalaban ng rebolusyonaryong kilusan ang isang maaliwalas na kinabukasan ng sambayanan mula sa kasalukuyang bulok-sa-kaibuturang sistemang panlipunan sa Pilipinas.
Kung hindi minamahal at tinatangkilik ng mamamayan ang rebolusyonaryong kilusan hindi na sana ito lumaki at lumakas mula sa pagiging maliit at mahina. Hindi na sana nito kinayang makatagal nang may mahigit nang 50 taon ngayon at mapagtagumpayan ang malulupit at madugong kontra-rebolusyonaryong gyera na pinakawalan ng mga nagdaang pasistang rehimen mula pa sa diktador na si Marcos gamit ang higit na superyor na pwersa, kagamitang militar at ng labis na kalamangan sa rekurso mula sa ayudang militar at ekonomiko ng US.
Pinatunayan na sa kasaysayan kung paano itinaguyod at tinangkilik ng mamamayan ang rebolusyonaryong kilusan. At kung paano nila kinanlong at iniligtas ang rebolusyonaryong hukbo mula sa mga mababagsik na kampanya ng pagtugis at paglipol na pinakawalan ng pasistang tropang AFP at PNP. Ganundin kung paano nila itinaguyod at nilahukan ang mga matatagumpay na taktikal na opensiba na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan.
Walang makagagapi sa lakas na magmumula sa mamamayan gaano man kalakas at ka-moderno ang hawak na armas ng reaksyunaryong estado. Pinatunayan ito ng mga nagtagumpay na rebolusyon sa China at Byetnam. Magmimistula lamang itong tigreng papel at walang bisa para tapatan ang kahit anumang katutubong sandata na hawak ng mamamayan.
Ang rebolusyonaryong kilusan ay malalim nang nakaugat sa masa at hindi na kakayanin pa itong bunutin at ihiwalay ng anumang uri ng panlilinlang at paghahasik ng teror ng pasistang tropa ng AFP at PNP. Ang lakas na tinatamasa ng rebolusyonaryong kilusan ay nagmumula sa naipundar nitong lakas sa hanay ng mamamayang inaapi’t pinagsasamantalahan. Ito ang katotohanan na hindi kayang tapatan ng anumang lakas ng sandata o kalamangan sa rekurso ni bilhin ng iba’t ibang anyo ng panunuhol tulad ng programang E-CLIP at pekeng pagpapasurender.
Ang masa ng sambayanan ang pinakamalakas na base na pinanggagalingan ng lakas ng rebolusyonaryong kilusan at siyang di matutuyong balon ng mga opisyal at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
Tiyak na hahantong sa kabiguan ang mga kontra rebolusyonaryong digma ng reaksyunaryong estado dahil wala itong popular na suporta mula sa mamamayan. Sa kabilang banda tiyak naman ang tagumpay ng digmaang nakasalig sa lakas ng masang anakpawis at nagtatamasa ng malawak na suporta ng taumbayan. Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan sa pamumuno Partido Komunista ng Pilipinas ay tiyak ang tagumpay dahil ito ay nakasalig at nakasalalay sa gahiganteng lakas at suporta ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino.###