Ang mga traydor sa kilusan ay lehitimong target ng NPA
Nanawagan kamakailan si Maj. Gen. Henry Robinson Jr., kumander ng Joint Task Force Bicolandia at ng 9th Infantry Division, sa CPP-NPA sa rehiyon na tigilan na ang pagpatay sa mga sumukong NPA na aniya’y nagbabagong-buhay na at namumuhay nang tahimik. Reaksyon niya ito sa pinakahuling operasyon ng NPA-Sorsogon nitong Abril 22 kung saan napatay ang “rebel returnee” na si Norberto Bandojo Jr.
Nais lang naming ilinaw na ang rebolusyonaryong kilusan ay walang polisiya ng pagpatay sa mga dating kasamang sumusuko sa reaksyunaryong gobyerno. Boluntaryo ang pagsapi sa NPA kaya nasa pasya ng bawat indibidwal na kasapi ang pag-alis sa organisasyon kapag hindi na nila kaya ang sakripisyo ng buhay-gerilya o hindi na nila kayang tumalima sa bakal na displina ng hukbo o di kaya nama’y hindi na sila naniniwala sa rebolusyonaryong adhikain. Kanilang-kanila rin ang desisyon kung ano ang nais nilang gawin matapos umalis sa Pulang hukbo—patuloy bang susuporta sa pakikibaka bilang sibilyan o tuluyan nang tatalikod sa rebolusyonaryong landas? Sabihin pa, ang pagsuko sa kaaway ay isang opsyon na tanging sila lamang din ang makapagpapasya.
Hindi ang pagsurender ang dahilan ng parusang ipinataw sa mga dating NPA na sina Antonio Benzon Jr. alyas Hazel, Michael Donaire alyas Abe at Norbert Bandojo Jr. alyas Patrick. Pinarusahan sila dahil sa pagtataksil nila sa rebolusyon na ginawa nila sa pamamagitan ng pagsasalong ng mga baril na pag-aari ng CPP-NPA, aktibong paglahok sa mga combat at intelligence operation ng AFP at PNP, at panggigipit at pagpatay sa mga pinagbibintangang kaanib ng rebolusyonaryong kilusan.
Ang mga aktibidad nila mismo matapos sumurender ang nagpapabulaan sa sinasabi ni Major General Robinson na namumuhay na sila ng tahimik. Ang totoo lamang sa kanyang mga sinabi ay ang kanilang pagbabagong-buhay—mula sa pagiging mga rebolusyonaryong naglilingkod sa masang inaapi tungo sa pagiging armadong ahente ng estadong nang-aapi.
Ang mga surendering nabanggit ay ipinahamak ng mismong estadong nagpasuko sa kanila. Kung hindi sila ginamit ng AFP at PNP sa armadong kontrarebolusyon, hindi sana sila naging lehitimong target ng NPA.
Sa ngayon ay mukhang walang plano ang reaksyunaryong militar at pulisya na tigilan na ang paggamit sa mga surenderi bilang mga kombatant at ahenteng paniktik laban sa rebolusyon. Ang mga tumatangging magpagamit ay maaaring matulad kay Michael Bagasala alyas Teban na pinatay mismo ng mga tropa ng PNP at 31st IB dahil ayaw niyang ipahamak ang mga kaanak na inaakusahang aktibo sa NPA. Sala sa init, sala sa lamig—ganito ang nakalulungkot na kinasasapitan ng mga sumusko sa ilalim ng E-CLIP.
Kaya nasa estado ang bola, wika nga. Nasa estado ang desisyon kung talagang ayaw nito na malagay sa panganib ang buhay ng mga sumusukong NPA.