Ang NTF-ELCAC at ang AFP-PNP ang mga kriminal at teroristang dapat singilin ng mamamayang Pilipino
Nakakatawa, pilit na pilit at desperado ang pang-uudyok ni National Security Adviser Hermogenes Esperon kahapon sa Department of Justice (DOJ) na simulan na ang imbestigasyon sa diumano’y mga krimen ng CPP-NPA-NDF sa mamamayang Pilipino dahil “sapat na ang mga batayan para rito”. Ito ay kasunod ng pahayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na magpapatupad ng aksyon ang ahensya laban sa mga grupong iniuugnay sa CPP-NPA na masasangkot sa mga akto ng karahasan, paghahasik ng teror at kaguluhan. Ito ang pahayag ni Guevarra na karugtong pa rin ng walang-basehang red-tagging at pag-aakusa sa diumano’y nabubuong alyansa sa pagitan ng CPP at isang burukratang tumatakbo para sa eleksyong 2022 na ilang beses nang itinanggi at pinasinungalingan ng magkabilang-panig.
Ang mga batayan at ebidensyang tinutukoy ni Esperon sa diumano’y mga krimen ng CPP ay ang mga nilubid na kwento at testimonya ng mga hawak nilang mga dating kasapi umano ng rebolusyonaryong kilusan. Mga testimonyang puno ng kasinungalingan at inimbento ng makinarya sa propaganda ng estado sa pangunguna ng NTF-ELCAC. Ang kakatwa pa, ang ilan sa mga ipinagmamalaki nilang “dating kadre” ng CPP tulad ni Jeffrey “Ka Eric” Celiz ay huwad, mapagpanggap at mangmang sa prinsipyo’t adhikain ng kilusan dahil sa katunaya’y isang inalagaang asset at propagandista ng AFP na walang anumang kinalaman sa rebolusyonaryong kilusan. Ang iba nama’y nagsimulang napilitan hanggang sa naluto na sa mga kasinungalingan at nabili ng malaking halagang isinuhol ng estado sa kanila—na ngayo’y lumuluwa ng mga inimbentong kasinungalingan laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Ibinabato ni Esperon sa CPP-NPA-NDF ang uling sa mukha ng NTF-ELCAC sa pamamagitan ng paghahanay ng mga krimeng malinaw na sila ang nagpapakana. Mula nang itayo ang NTF-ELCAC, ininstitusyunalisa nito katuwang ang AFP-PNP at ang iba pang ahensya ng gubyerno tulad ng DOJ ang walang pakundangang pamamaslang at paghahasik ng pasismo at terorismo laban sa mamamayan. Ang DOJ mismo ang naglabas ng listahan ng mga diumano’y kasapi at kadre ng CPP na ang karamiha’y mga sibilyan, lider-aktibista, mga kasapi ng iba’t ibang makabayan at progresibong organisasyong nagtataguyod sa karapatang-tao at demokratikong interes ng mamamayan. Ang listahang ito ang unang nag-redtag sa ilang indibidwal at grupo, na kalauna’y magiging biktima ng mga pamamaslang at iligal na pag-aresto tulad nina Sara Alvarez, Manny Asuncion, Erlindo Baez at marami pang iba.
Ang NTF-ELCAC rin ang may utos sa mahigit 200 beses ng pambobomba at atakeng panghimpapawid ng iba’t ibang yunit ng AFP-PNP sa iba’t ibang bahagi ng kanayunan ng bansa na puminsala sa buhay, kabuhayan at ari-arian ng mga magsasaka, setler at pambansang minorya at nagdisloka sa puu-puong libong pamilya ng mga ito. Ang NTF-ELCAC ang utak sa likod ng dumaraming kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ng mga ahente ng estado sa mga sibilyan, lider-aktibista, mga progresibo’t makabayang elementong tumutuligsa sa maling pamamalakad ng rehimeng korap, tiraniko at pasista. Ang NTF-ELCAC ang palasak na lumalabag sa mga pandaigdigang kasunduan hinggil sa digmaan at internasyunal na makataong batas sa walang-awang pagpaslang sa sa mga hors de combat o wala nang kakayahang lumaban, gayundin sa mga maysakit na’t maeedad nang retiradong kadre ng CPP-NPA.
Ang mga krimeng ito ay sariwang-sariwa sa mata at isipan ng mamamayang Pilipinong biktima ng anti-komunistang gera ng rehimen. Mga krimeng naghuhumiyaw ng kasagutan at tunay na hustisya.
Ipinagpipilitan ni Esperon, sampu ng mga sinungaling na propagandista ng NTF-ELCAC na pagmukhaing terorista at gawing demonyo ang mga kasapi ng CPP-NPA-NDF para bigyang-matwid ang inihahasik na gera kontra-terorismo ng rehimen na sa esensya’y isang gera kontra-mamamayan. Nais nilang likhain ang opinyong publiko sa niluluto nilang kaguluhan bago o habang nagagaganap ang eleksyon sa Mayo 9 at isisi ito sa rebolusyonaryong kilusan, isang lumang tugtugin, at ala-Marcos na estilo ng pakana para lamang mangibabaw ang kanilang interes.
Natatakot si Esperon, sampu ng mga militaristang alipures ni Duterte na kapag natalo ang kanilang manok sa pagka-presidente ay tuluyan nang mabubuwag ang NTF-ELCAC dahil sa napakarumi nitong rekord sa paglabag sa karapatang-tao at isinusuka na ito ng mamamayang Pilipino. At higit sa lahat, minumulto si Esperon ng ibayong paglakas at pagpupunyagi ng kilusang rebolusyonaryo sa buong bansa sa gitna ng pinaigting nilang mga pag-atake. Hindi niya nauunawaan na ang tumitinding krisis pang-ekonomya at ang inihahasik nilang pasismo at terorismo laban sa mamamayan ang lalong nagpapalakas sa CPP-NPA-NDF at nagpapasulong sa rebolusyong inilulunsad nito tungo sa mas mataas na antas. Sukang-suka na ang taumbayan sa rehimeng sa halip na nagbibigay ng ayuda at tulong sa kanila sa gitna ng kahirapan at kagutuman ay naaatim na bumili ng mamahaling mga armas-pandigma, mga bomba at bala na ginagamit laban sa kanila. At sa bandang huli, ang mga pasimuno sa krimen ng estado laban sa mamamayan na tulad ni Esperon ang siyang hahabulin, sisingilin at pananagutin ng mamamayan.###