Ang pagrerebolusyon ay pangangailanan!

Isang rebolusyonaryong pagbati ang ipinapahatid ng balangay ng Kabataang Makabayan sa Europa sa ika-56 na anibersaryo nito!

Sa anumang yugto, saan mang sulok ng mundo, hindi maipagkakaila ang makasaysayang ambag ng mga kabataan at estudyante. Mula sa Rebolusyong Pransya o Storming of Bastille noong 1789. Maging sa panahon ng gera kontra pasismo sa Europa noong Ikalawang Digmaang Pangdaigdig; daang libong mga kabataan ang tumindig laban sa mga Nazi. Kabilang dito ang tampok na White Rose Resistance ng mga estudyante sa Aleman noong 1942-1943. At sa muling pagusbong ng pasismo sa rehiyon sa kasalukuyang panahon, nangunguna ang mga kabataan sa pagoorganisa at pagmomobilisa laban sa mga neo-liberal na patakaran. Nariyan ang Yellow Vest sa Pransya, ang mga kontra-neo Nazi sa buong Europa maging ang Black Lives Matter.

Sa Pilipinas naman, hindi makakaila ang dakilang ambag nina Andres Bonifacio laban sa higit tatlong daang taong pananakop ng mga Kastila noong 1896. Katunayan, itinatag ang Kabataang Makabayan sa araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, alinsunod sa kaniyang diwang rebolusyonaryo. Buong giting at tapang din na hinarap ng mga kabataan ang pasistang rehimeng US-Marcos, kung saan marami ang nagmartir para sa bayan. Ngunit, gaano man kagiting ang mga kabataan, gaano man kasigasig at gaano man ito kahanda na magbuwis ng buhay, hindi magtatagumpay ang ating rebolusyon kung hindi sasandig at makikiisa ang mga kabataan sa hanay ng masang anakpawis sa pangunguna ng mga manggagawa at magsasaka. Kung kaya’t noong 1968, naikisa ang mga kabataan, sa pangungunan ng KM sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa gabay ng Marxismo- Leninismo-Maoismo. Tatlong buwan matapos muling maitatag ang PKP, naitayo ang Bagong Hukbong Bayan – ang pinaka-konkretong ekspresyon ng pagkakaisa ng mga manggagawa at magsasaka. Sa pamumuno ng Partido, layunin ng BHB na agawin ang kapangyarihan mula sa naghaharing uri at itayo ang isang sosyalistang lipunan.

Kasalukuyang kumakaharap sa matinding krisis pang-kalusugan, pulitika at ekomya ang buong daigdig. Isinambulat ang kapalpakan ng sistemang monopolyo kapitalismo nang humagupit ang pandemyang COVID19. Ang mga monopolyo kapitalistang bansa, partikular sa Europa ay unti unting na-aagnas. Napatunayan ang kahinaan sa mga sistemang pangkalusugan at ang limitasyon ng social welfare system.

Lampas sa kalahati ng lakas paggawa ang hindi na makakabalik pa sa produksyon. Sa katunayan, sa Europa ay tinatayang 174M na mangagawa ang mawawalan ng trabaho sa katapusan ng taon. Ang bilang na ito ay sa sektor pa lamang ng turimso. Sa laki ng prosyento ng nawalan ng trabaho, mas lalong maghihimutok ang uring manggagawa. Pinaka-apektado at pinaka-bulnerable dito ang mga migrante, kasama ang mga Pilipino. Sukdulan na nga ang kapabayaan gobyerno sa mga host countries, mas kapabayaan pa ang tugon ng walang silbi at utak pulburang rehimeng US-Duterte.

Parang mga surot kung makatago ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng embahada ng Pilipinas, mga konsulado at labour attache upang makaiwas sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga migrante sa panahon ng krisis. Bilang litaw ang mga taga embahada at konsulado sa sunod sunod na kilos protesta ng mga kabataan at migrante sa Europa. Unang una pa sila sa pang-reredtag at paniniktik sa mga progresibong pwersa sa rehiyon. Direkta rin ang pagatake nina Lorraine Badoy at Gen. Antonio Parlade.

Sa ating bansa naman, minamaksima ng pasistang rehimen ang mga sakuna upang kamkamin ang mga pondo at iposisyon sa kalunsuran ang mga militar. Mas marami pa ang hindi nakakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan lalo ng humagupit ang sunod sunod na bagyo sa ating bayan. Ngunit, mas marami pa rin ang pinasalang ng administradyong US-Duterte kesa sa mga namatay sanhi ng COVID19 at bagyo sa bansa. Habang tuloy-tuloy at mas umiigting ang panunupil at pagkitil sa mga makabayang organisasyon at indibidwal.

Malayo na ang inabot ng ating organisasyon. At malayo pa ang maabot nito.

Ilang daang taon na nagdurusa ang masang anakpawis at hanggat nariyan ang naghaharing uri, ilang daang taon pa rin magpapatuloy ang ating pagdurusa. Ngunit, saksi ang kasaysayan at sigurado ang hinaharap na hindi mauubos ang balon na pagkukunan ng rebolusyonaryong pwersa dahil sa mga kabataan.

Gagap ng mga kabataan na ang pagrerebolusyon ay pangangailangan. Lumalahok ang mga kabataan sa pakikibaka dahil sa pagmamahal sa pamilya at sa lipunan. Una naming nakita ang kahirapan na dulot ng imperiyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa mga pasakit na dinaranasa ng aming mga magulang. Ito ang nagtulak sa amin upang magpasyang sumapi sa mga rebolusyonaryong organisasyon. Hindi ito isang laro o pampalipas oras lamang. Hindi naliligaw ng landas ang mga kabataan sa loob ng mga progresibong grupo o rebolusyonaryong kilusan, bagkus, nahanap namin ang aming mga sarili sa hanay ng masa at rebolusyon. Ito ang aming panahon. Ito ang aming digmaan.

Buong tatag at buong giting na tinatangangan ng mga kabataan ang hamon ng aming panahon. Milyon mliyong mga kabataan ang lumaki malayo sa mga magulang dala ng pwersahang migrasyon. Milyong milyong mga kabataan ang nakakaranas ng rasismo, diskriminasyon, identity crisis bilang mga migrante. At sa ilalim ng sistemang monopolyo kapitalismo, mas marami pang mga kabataan ang makakaranas nito.

Nagkakamali ang pasistang rehimen kung inaakala nito na ang pwersahang migrasyon ay magtutulak sa mga kabataang migrante upang makalimot at mapalayo sa tunay na kalagayan ng bansa, sa pagmamahal dito. Patunay ang pagtatayo ng Kabataang Makabayan sa Europa na mas dumarami ang mga progresibong kabataan na nais lumahok sa pambansang demoktratikong rebolusyon. Patunay ito na mas lumalakas ang rebolusyonaryong pwersa saan may may Pilipino. Habang lumalaki ang bilang ng mga migranteng Pilipino, lumalaki din ang ating responsibilidad na magpukaw,magorganisa at magpakilos ng mga migrante.

Ngayon araw din, ay ipinapaabot ng Kabatang Makabayan Europa ang pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng kabataang martir! Pinakamataas na pagpupugay kila Jo Lapira, Kamil Lamangan, Renz Lee, Jevilyn Callumat….! Kayo ang aming inspirasyon at lakas upang ipagpatuloy ang laban. Ang inyong rebolusyonaryong diwa ang patuloy na naguugnay sa amin sa ating bayan.

KABATAAN AT MIGRANTE, IPAGPATULOY ANG REBOLUSYONARYONG TRADISYON NI ANDRES BONIFACIO! MAKIPAMUHAY SA MASANG API! IPAGTAGUMPAY ANG PAMBANSANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYON!

MABUHAY ANG MGA KABATAANG LUMALABAN! MABUHAY ANG MGA KABATAANG MIGRANTE!

MABUHAY ANG KABATAANG MAKABAYAN!
ISULONG DIGMANG BAYAN HANGGANG SA GANAP NA TAGUMPAY!

Ang pagrerebolusyon ay pangangailanan!