Ang pang-uupat ng militar na ipagbawal ang mga libro ng NDFP sa mga silid-aklatan
Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa panggigipit at pamimilit nito sa mga upisyal sa mga paaralan na tanggalin at ipagbawal sa kani-kanilang silid-aklatan ang mga libro at iba pang babasahing inakda o inilathala ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ni Prof. Jose Ma. Sison.
Hindi bababa sa tatlong pamantasan na ang napaluhod sa atas na ito ng AFP at PNP sa nagdaang mga linggo, kabilang ang Kalinga State University, Isabela State University at Aklan State University. Sa Isabela, ang mga libro ay “isinulit” sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA). Sa Aklan, ang mga libro ay pinalitan ng mga akdang bigay ng AFP.
Karamihan sa mga librong ipinagbawal mula sa mga silid-aklatan ng pampulikong paaralang ito ay pumapatungkol sa negosasyong pangkapayapaan at mga pananaw ng NDFP at ng rebolusyonaryong kilusan sa usapin ng makatarungan at matagalang kapayapaan at tampok na mga isyu sa lipunan, ekonomya, pulitika, kultura, at militar sa bansa.
Ang mga pagbabawal na ito na itinulak ng militar ay walang-hiyang aksyon ng pagsensura at panunupil. Lantaran nitong niyuyurakan ang karapatan sa akademikong kalayaan na dapat tinatamasa ng mga mag-aaral at guro sa loob ng mga kolehiyo at pamantasan. Ipinaaalala nito ang “book burning” ng mga Nazi noong dekada 1930 kung saan sinilaban sa publiko ang mga librong binansagang subersibo at taliwas sa Nazismo, na kadalasang makikita rin ngayon sa mga palabas na inoorganisa ng AFP sa buong bansa.
Alinsunod sa direksyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at gamit ang “konstra-insurhensya” bilang sangkalan, ang mga militar at pulis ay walang hiyang nanghihimasok sa teritoryo ng may teritoryo, at niyuyurakan ang karapatan sa pag-iisip at karapatan sa pagpapahayag. Ginagamit nila ang hangal at mapanghamak na dahilan na “pagprotekta sa kabataan” na para bang walang kapasidad sa kritikal na pag-iisip ang mga mag-aaral at kanilang guro.
Sinasamantala ng NTF-ELCAC ang pandemya habang ang mga estudyante ay wala sa kani-kanilang kampus. Una nilang pinuntirya ang maliliit na malalayong pamantasan sa prubinsya sa pag-aakalang makakalagpas ang mga aksyong ito ng panunupil sa mata ng publiko. Malamang ay hindi sila magtatagumpay sa kampanyang pagsesensura sa mga kampus ng malalaking pamantasan dahil lilikha ito ng higit na kritikal na paglaban.
Hawak ang armas, umaakto silang tulad ng mga lumang Nazi na diyos sa ideolohiya at kultura—–mga panatikong iisa ang takbo ng utak. Kung tutuusin, ang mga sundalo at pulis ay walang kahit anong karapatang magdikta kung ano ang pwede at hindi pwedeng basahin o pag-aralan ng mga tao. Ang interbensyon nila sa akademya ay pumipigil sa pagkatuto at kritikal na pag-iisip at dapat lang mahigpit na tutulan.
Dapat tuligsain ng mamamyang Pilipino ang mga aksyong ito ng pagsesensura ng AFP at PNP sa akademya. Kung hindi lalabanan, tiyak na magiging simula lang ito at magpapalakas sa loob ng AFP at PNP na manghimasok sa mas maraming teritoryo sa edukasyon at kultura, at marahil saklawin ang midya, ang simbahan at iba pa.
Ang mga panatiko sa NTF-ELCAC ay di natututo sa kasaysayan. Ang pagsesensura at pagbabawal ng mga libro at babasahin ay hindi pipigil sa mamamayan na tanganan ang katotohanan na pilit itinatago at ibinabaon ng mga pasista sa pamamagitan ng mga taktika ng malawakang manipulasyon sa isip ng mga tao. Ang pagsensura sa Noli Me Tangere at El Filibustersmo ay nabigong pigilan ang mamamayan na mag-armas laban sa kolonyalismong Kastila. Kinontrol ni Marcos ang lahat ng itinuro sa mga paaralan at isinahimpapawid sa mga radyo at telebisyon, ngunit nabigong pigilan ang paglakas ng demokratikong rebolusyong bayan.
Gayundin, ang walang-tigil na panlilinlang ni Duterte sa mamamayan at pag-redtag ng militar at kasalukuyang mga tangka na ipagbawal ang mga librong kritikal sa rehimen sa tabing ng kontra-insurhensya ay mabibigo. Nagtatagumpay lamang ang mga ito na ibayong pasiklabin ang interes ng mga kabataan sa progresibo at rebolusyonaryong kaisipan at udyukan ang mas maraming tao na hanapin at isiwalat ang katotohanan ng mga krimen, korapsyon at pambansang pagtatraydor ng rehimen.
Tiyak kami na ang pagbabawal sa mga libro ng rebolusyonaryong kilusan sa silid-aklatan ng mga pampublikong paaralan ay hindi makapipigil sa mga estudyante at guro na pag-aralan kung ano ang paninindigan ng PKP, ng NDFP at ng BHB, at isiwalat bilang hungkag ang “paglilista bilang terorista” ng militar. Ang mga iskemang pagsesensurang ito ay hindi makapipigil sa mas maraming tao, kabilang ang mga intelektwal, na lumahok sa rebolusyonaryong adhikain na kumakatawan sa malapad na demokratikong adhikain ng masang api at pinagsasamantalahan.