Ang Partido: Dakilang Taliba ng kilusang kababaihan tungong pambansang pagpapalaya!

,

Sinasalubong ng malawak na hanay ng kababaihan at mamamayan ng buong saya at militansya ang anibersayo ng pinakadakilang saligang alyansa ng mga rebolusyonaryong manggagawa at magsasaka, ang muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas. Higit pang mayaman at matatag sa larangan ng ideolohiya, pulitika, at organisasyon sa kabila ng napakatinding panunupil ng kasalukuyang rehimen. Mahigpit itong nakaugat sa masang inaapi at pinagsasamantalahan kung kaya naman hindi magapi-gapi ng reaksyunaryong estado. Sa loob ng 52 taon, matatag at magiting na pinamunuan ng Partido ang bagong demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino upang mapawi ang pagsasamantala sa ilalim ng malapyudal at malakolonyal na sistema ng naghaharing malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa’t mga burukratang kapitalista.

Napakayaman ng kasaysayan ng Partido. Kaya habang natututo at nagpapaunlad pa ng mga bagong praktika, stratehiya, at taktika sa pakikidigma, matibay ang pagtangan nito sa mga saligang prinsipyo sa pagtatagumpay ng armadong pakikibaka sa kanayunan na sinasabayan ng parlamentaryong pakikibaka bilang segundaryong anyo. Mahigpit nitong hawak ang ideolohiyang Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang teoretikong sandata sa pagsusulong ng proletaryong rebolusyon sa konteksto ng lipunang Pilipino.

Sa buhay-at-kamatayang pakikibaka ng Partido at mamamayang Pilipino, walang pag-iimbot na inialay ng mga matatapat na kadre at kasapi ng Partido at Bagong Hukbong Bayan ang kanilang buhay sa rebolusyonaryong kilusan. Marapat lamang na bigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay ang ating mga dakilang bayani at martir katulad nina Rona Jane “Ka Orya” Manalo, Andrea “Ka Naya” Rosal, Justin Ella “Ka Star” Vargas, Lorilyn Saligumba, at Eugenia Magpantay.

Ang Pakikibaka ng Aping Kababaihan
Mayorya ng mga kababaihan ay nakapaloob sa uring inaapi at pinagsasamantalahan. Mga magsasaka at manggagawa ang bumubuo sa 90% ng kababaihan sa buong bansa. Ang mga magsasaka sa kanayunan ay biktima ng kawalan ng lupa, mataas na upa sa lupa, at militarisasyon. Ang mga manggagawa ay uhaw sa regular na trabaho, nakasasapat na sahod, at mga benepisyo sa paggawa. Maging ang mga kababaihang kabilang sa petiburgesyang lunsod ay nakararanas ng pagliit ng kanilang kinikita mula sa kanilang trabaho at/o negosyo dahil sa taas ng interes sa utang, taas ng buwis at lagayan sa burukrasya.

Sa pagtindi ng epekto ng pandemya sa malakolonya at malapyudal na lipunan at ekonomya, dobleng pinapasan ng kababaihan ang pang-aapi dahil kaakibat nito ang pyudal-patriyarkal na sistema dulot ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo. Ang kababaihan ay nakararanas ng dagdag sekswal na pang-aabuso dahil sa busabos na katayuan nila batay sa kasarian. Sa kasalukuyang rehimen, masahol ang trato ni Duterte sa babae kung paano maliitin, murahin, bastusin o harasin, at dustain.Ibayong kahirapan sa mamamayan at kultura ng terorismo ng estado ang solusyon ng rehimeng US-Duterte sa krisis ng pandemya sa bansa. Kaya maugong na ang kampanyang pagpapatalsik sa papet na presidente sa hanay ng mga kababaihan dahil wala na itong kakayanang mamuno at solusyunan ang problema ng mga Pilipino.

Malaon nang tumatawag ang pangangailangan ng kilusang magpapalaya sa kababaihan. Ang pagkatatag ng rebolusyonaryong organisasyon ng ating hanay ay patunay lamang na handa na ang kababaihan na tahakin ang landas ng matagalang digmang bayan. Sa gabay ng Partido, ang MAKIBAKA ay unang nag-organisa sa hanay ng mga kababaihang estudyante, at umabante hanggang lumawak na sa mga maralitang komunidad at pagawaan. Nagpasimuno rin ng isang alyansa para sa kampanya laban sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin na nagpasikad sa unang rali ng kababaihan noong 1971.

Nang ideklara ang batas militar noong 1972, pumunta sa kanayunan ang mga kasapi ng MAKIBAKA upang lumahok sa armadong pakikibaka. Patuloy pa rin itong nag-organisa at kumilos nang lihim sa kalunsuran, nakiisa sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at nagpunyagi para ibayo pang maisulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ang Partido bilang Tanglaw ng Kababaihan sa Paglaya
Tulad ng Partido, sa gabay ng aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang MAKIBAKA (maging dito sa Timog Katagalugan) ay mahigpit na nakatalima sa syentipikong paraan upang malutas ang ugat ng kahirapan at karahasan—demokratikong rebolusyong bayan. Tanging sa DRB lamang na lalahukan din ng hanay ng kababaihan tunay na lalaya ang buong bayan.

Tunay na maihahalintulad ang kababaihan sa mga bulaklak, at ang Partido bilang siyang araw na nagbibigay buhay at sigla sa mga ito. Walang bulaklak ang magiging mayabong, sariwa at matikas na tatayo saanman umulan at umihip ang hangin, kung walang araw na magbibigay init at liwanag. Ang Partido ang tanglaw ng kababaihan tungong sosyalismo—sa lipunang malaya, payapa, at masagana. Tanging ang Partido lamang ang seryosong nagpapatupad ng programa na pataasin ang antas ng pamumuhay at pagkilala sa mga kababaihan sa lipunan. BIlang abanteng taliba ng kababaihan at mamamayan, taglay nito ang komprehensibo at matibay na pundasyon sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon.

Sa ika-52 anibersaryo ng Partido, kinikilala natin ang mga dakilang ambag nito sa pagmulat at pagkilos ng aping kababaihan sa kalunsuran at kanayunan upang ang kilusang kababaihan ay mapalahok sa armadong rebolusyon, pabagsakin ang impersyalismo, at itatag ang sosyalismo!

Ang Rebolusyonaryong Tungkulin ng Kababaihan
Kasama ang Partido at buong sambayanang nakikibaka, patuloy nating isulong ang mahigpit nating mga tungkulin para sa pagpapalaya ng kababaihan at ng buong bayan:

  1. Ibagsak ang reaksyunaryong estado at itayo ang demokratikong gubyernong bayan.
  2. Ipaglaban ang isang ekonomyang umaasa-sa-sarili at malaya sa kontrol ng malalaking dayuhan at lokal na interes.
  3. Itaguyod ang partisipasyon ng kababaihan sa sandatahang pakikibaka.
  4. Labanan ang reaksyunaryong kulturang mapang-api’t mapagsamantala sa kababaihan at palaganapin ang kulturang rebolusyonaryo at mapagpalaya sa kababaihan.
  5. Itaguyod ang pantay at demokratikong relasyon ng mga kasarian at ng pamilya.
  6. Ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mga bata.
  7. Pahigpitin ang pakikiisa sa kababaihan ng buong daigdig laban sa imperyalismo at lahat ng anyo ng reaksyon.

Kababaihan, puspusan at determinadong abutin ang landas tungong mas mataas na subyugto ng estratehikong depensiba!

Kababaihan, umambag sa patatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan! Sumapi sa New People’s Army!

Mabuhay ang ika-52 taon ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Ang Partido: Dakilang Taliba ng kilusang kababaihan tungong pambansang pagpapalaya!