Ang pinakamayayaman at pinakamakapangyarihan sa Pilipinas ang mga pinaka-korap
Translation/s: English
Ang korapsyon sa ilalim ng gubyernong Duterte ang isa sa pinakamalaking problema ng mamamayang Pilipino. Sa halip na mapunta sa mga programang magpapaunlad sa pang-ekonomya, panlipunan at pangkalusugang kapakanan ng mamamayan, ibinubulsa lamang mga burukrata-kapitalista at mga kroni nilang malalaking burgesyang kumprador ang dambuhalang halagang rekurso ng estado na umaabot ng bilyon-bilyong piso.
Sa nagdaang tatlong buwan sa ilalim ng Covid-19, lumala at lantaran ang korapsyon ni Duterte at kanyang mga susing upisyal. Mismong si Duterte ang utak ng korapsyon. Ginamit niya ang kanyang emergency powers upang atasan ang mga upisyal na bumili ng mga kagamitang labis ang patong sa presyo, maggawad ng kontrata sa pinaburang mga pribadong korporasyon para sa pagtatayo ng mga imprastruktura, at kaltasan ang buwis ng mga kumpanya kapalit ng kanilang “donasyon.” Paulit-ulit niyang inamin sa publiko na siya ang nag-utos kay Sec. Duque ng Department of Health na isagawa ang pagbili ng mga kagamitan.
Hindi lamang sa DOH ang korapsyon, kundi sa lahat ng ahensya ng gubyerno na dinidirihe ng Inter-Agency Task Force, kabilang ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, kung saan nakasentralisa ang mga binili para sa Covid-19.
Ang korapsyon sa bansa ay negosyo ng mga pinakamayaman at pinakamakapangyarihan. Labis na pambabaluktot ang sinasabi ni Duterte na “hindi na kailangang magnakaw ang mayayaman mula sa gubyerno” sa walang-saysay na tangkang tabunan ang kanyang korapsyon at mga krimen laban sa mamamayan. Ang totoo, ang pinakamayayaman at pinakamakapangyarihan sa Pilipinas ay mayaman at makapangyarihan dahil nagnanakaw sila mula sa gubyerno o di kaya’y nagkakamal ng yaman sa pamamagitan ng panunuhol sa gubyerno.
Si Duterte mismo ay nagmula sa pamilya ng mga burukrata-kapitalista na nagpayaman sa pamamagitan ng estado poder at mga pribilehiyo nito. Nakipagkutsabahan at nag-alaga sila ng mga kroni sa hanay ng malalaking burgesyang kumprador na nanunuhol o nagbibigay ng suporta sa pulitika at eleksyon sa sinumang nasa kapangyarihan kapalit ang mga prankisa mula sa estado at proteksyon, sa takot na makasuhan at maparusahan sa pulitika at masamsam ang ari-arian.
Sa ilalim ni Duterte, sumanib na rin ang burukratang kapitalismo sa mga operasyong kriminal ng mga sindikato sa pagpupuslit at pagbebenta ng iligal na droga, bigas, asukal at iba pang kontrabando.
Tulad noon ni Marcos na may mga Cojuangco, Benedicto, Disini at iba pa, mayroon ring sariling pinaka-pinapaburang malalaking burgesyang kumprador ang rehimeng Duterte kabilang ang mga Villar (na ang anak ay kalihim ng Department of Public Works and Highways, susing ahensya sa negosyong real estate ng mga Villar), Lucio Tan, mga Sy, Ramon Ang, Dennis Uy, Razon at iba pa.
Bawat gubyerno sa kasaysayan ng bansa – mula Quezon hanggang Duterte – ay kinatampukan ng korapsyon at mga iskandalo. Oras na maupo sa kapangyarihan, lahat ng punong burukrata-kapitalista, na siyang presidente ng Pilipinas, ay naghangad na manatili sa kapangyarihan. Habang tumatagal sila sa Malacañang ay lalo silang nagkakamal ng yaman at kapangyarihan. Gayunpaman, habang tumatagal sila sa kapangyarihan, lalong tumitindi ang mga kontradiksyon, sa pagitan ng iba’t ibang seksyon ng naghaharing iilan, sa pagitan ng mga nasa kapangyarihan, at yaong mga nasa labas; sa loob ng iba’t ibang paksyon ng naghaharing pangkatin; gayundin sa pagitan ng naghaharing estado at inaaping mamamayan, na siyang pinakanagdurusa sa burukrata-kapitalismo at korapsyon.
Sawang-sawa na ang mamayang Pilipino sa korapsyon ng rehimeng Duterte, na sa katunayan ay lumala sa likod ng maskara ni Duterte na “Ayoko sa korapsyon.” Sa pamamagitan ng pagdambong at pagbulsa sa pera ng bayan habang hinaharap ng mamamayang Pilipino ang pandemyang Covid-19, lalupang pinupukaw ni Duterte ang pagkamuhi ng mamamayan sa naghaharing estado at pinapagbangon sila tulad ng pag-aklas nila laban sa korap na diktaduryang Marcos noong 1986 at laban sa rehimeng Estrada noong 2001.