Ang SIM card registration ay pasistang atake sa karapatan sa pribasiya, kalayaan sa pagpapahayag sa tabing ng paglaban sa krimen

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagratsada sa SIM Card Registration Act na direktang atake sa karapatan sa pribasiya at kalayaan sa pagpapahayag sa tabing ng paglaban sa online trolling at kriminal na mga aktibidad. Ang panukala, na nakatakdang pirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte, ay mag-oobliga sa kasalukuyan at bagong mga subscriber ng lahat ng porma ng telekomunikasyon, pati na mga platapormang social media, na irehistro ang kanilang tunay na mga pangalan gamit ang kanilang mga ID card.

Oobligahin din ng panukalang batas ang mga kumpanya sa telekomunikasyon na magtabi ng datos at impormasyon tungkol sa kanilang mga kliyente nang 10 taon mula sa panahon ng pagtigil sa paggamit sa kanilang serbisyong mobile o account sa social media.

Ang panukalang ito ay tahasang atake sa karapatan sa pribasiya. Palulubhain nito ang dati nang matinding pagyurak sa pribasiya na ginagawa sa pagkulekta ng personal at meta data ng malalaking korporasyon at gubyerno. Alam natin kung gaano kalaki ang kantidad ng impormasyong tinaguriang Big Data na tinitipon at imbing ginagagamit ng malalaking kumpanya at gubyerno laban sa ordinaryong mamamayan.

Mahigpit na lilimitahan ng pagrerehistro ng SIM card ang karapatan ng mamamayan sa anonimidad (hindi paggamit ng pangalan o paggamit ng hindi totoong pangalan sa paghahayag). Susing sangkap ang anonymity sa karapatan sa pagpapahayag ng mamamayan at sa pagtitiyak ng kaligtasan ng buhay ng mamamayan. Maging ang kalayaan sa pamamahayag ay nakasalalay dito. Pansalag ito laban sa tiraniya at hindi pagpaparaya.

Sa pagrerehistro ng SIM card at malawak na kantidad ng impormasyong makulekta mula sa mga selpon, smartphone at mga gamit na nakukunekta sa intertet, magkakaroon ng ligal na akses ang reaksyunaryong estado at malalaking korporasyon sa personal na buhay ng kahit sinong indibidwal na magbubunyag sa kanyang komunikasyon at paggalaw, gayundin ang kanyang mga ugnayang pampulitika, propesyunal, relihiyoso, pampamilya at sekswal. Higit lalo sa ilalim ng isang tiranikong pinuno, ang sapilitang pagrerehistro ng SIM card ay magbibigay sa reaksyunaryong estado ng labis-labis na kakayahan na tiktikan ang ordinaryong mamamayan at mamamahayag lagpas sa kahit anong lehitimong interes ng gubyerno.

Sa pagtatanggal nang lahat ng posibleng anyo ng anonimidad, permanenteng mananaig ang takot sa mamamayan na pipigil sa kanila na malayang magpahayag ng kanilang saloobin o lumahok sa pampublikong debate. Ang panukalang pagrerehistro ng SIM card ay tiyak na pipigil sa marami na maglahad ng kanilang lehitimong mga hinaing sa takot na sila’y paghigantihan ng abusadong mga upisyal militar at pulis, malalaking burukrata, upisyal sa gubyerno at malalaking korporasyon, at relihiyosong awtoridad.

Paiiralin ng panukalang SIM card registration ang kultura ng takot at pananahimik. Mababawasan ang mga ulat ng koruasyon sa gubyerno, krimen ng mga pulis at militar, paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, pang-aabuso sa kumpanya, pangwawasak sa kalikasan at iba pang maling gawain at krimen ng mga makapangyarihan. Ito ay dahil lagi na lamang magdadalawang-isip na mag-ulat ng kabulastugan ang mga tao, kabilang yaong mga biktima ng pag-abuso, dahil alam nilang maaari silang matunton na pinanggalingan ng impormasyon at gayo’y balikan.

Kaya naman, ang panukala sa pagrerehistro ng SIM card ay isang pasistang batas na lalong magpapakitid sa espasyong demokratiko. Sa harap ng red-tagging, pagbabansag na terorista at ng namamayaning kultura ng kawalang-pakundangan ng mga pwersa ng estado na gumagamit ng armadong intimidasyon, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pagkukulong, pagdukot, tortyur at pagpaslang sa mga kritiko, at patriyotiko at demokratikong mga pwersa, magiging isang dagdag na kasangkapan ng terorismo ng estado laban sa bayan ang SIM card registration na kukumbina sa “Anti-Terrorism Law”.

Huwad ang pagdadahilang paglaban sa krimen at mga troll. Imbes tiyaking ligtas ang mga transaksyong pinansyal, ligal o komersyal sa internet, buung-buong inaapakan ang karapatan sa pribasiya bilang huwad na solusyon sa pagpapatigil ng panloloko at krimen. Imbes itaas ang kakayahan sa cyber-forensics ng mga tagapagpatupad ng batas para matunton ang mga salarin, oobligahin nito ang lahat ng mamamayan na isuko ang kanilang karapatan sa pribasiya at anonimidad at ibunyangyang ang lahat elektronikong pagsisiyasat at imbestigasyon.

Sa buong mundo, bigo ang pagpaparehistro ng SIM card sa pagpapababa ng krimen, at katunaya’y pinalubha pa ito. Ang oragnisadong krimen, gayundin ang mga pwersa ng estado, ay mayroong malawak na rekurso na kanilang magagamit para ikutan ang pagrerehistro ng SIM sa pamamagitan ng SIM-cloning (o pagkopya sa SIM), o pagggamit sa dayuhang SIM card na naka-roaming, o paggamit ng mga satellite phone. Nagpalitaw rin ang pagpapatupad ng pagrerehistro ng SIM card ng mga black market para sa mga iligal na SIM, gayundin ang pagnanakaw ng personal na impormasyon.

Ang pagrerehistro ng SIM card ay ipinatupad sa Mexico noong 2009 pero ibinasura matapos ang tatlong taon matapos mapag-alamang wala itong silbi sa pagpigil, imbestigasyon at pag-uusig sa mga krimen. Nagresulta rin ito sa paglitaw ng black market ng hinddi rehistradong SIM at panggantso sa identidad sa Pakistan.

Dapat tutulan ng mamamayang Pilipino ang pagrerehistro ng SIM card. Dapat nilang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa pribasiya at anonimidad at labanan ang lahat ng patakaran at hakbang ng gubyerno para yurakan ang kanilang mga demokratikong karapatan sa ilalim ng rehimen ng terorismo ng estado.

Ang SIM card registration ay pasistang atake sa karapatan sa pribasiya, kalayaan sa pagpapahayag sa tabing ng paglaban sa krimen