Anti-kapayapaan at kontra-rebolusyonaryo ang EO 158 ni Duterte at “local peace talks”

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Pilipino, laluna sa mga nagtataguyod sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, na iwaksi at kundenahin ang Executive Order (EO) 158 ni Duterte na inilabas noon Disyembre 27, 2021 na umano’y “magpapatatag sa kapayapaan, rekonsilasyon at pagkakaisa” ngunit sa katunayan ay anti-kapayapaan at kontra-rebolusyonaryo. Pekeng kapayapaan ang itinataguyod ng EO 158 ni Duterte at tuluyang nagsasara sa pintuan para sa seryosong usapang pangkapayapaan.

Patuloy na ilalantad at tutuligsain ng lahat ng komite ng Partido at yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang “localized peace talks” sa ilalim ng EO 150 at pakikilusin ang mamamayan para igiit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa pagtugon sa pambansa at demokratikong adhikain ng mamamayan. Maaaring ilantad at igiit ng mga progresibo, patriyotiko at demokratikong pwersa ang pagbabasura sa E0158 at manawagan sa lahat ng mga kandidatong tumatakbo sa eleksyong 2022 na makiisa sa pagtuligsa sa “local peace talks” at igiit na ibalik ang seryosong negosasyong pangkapayapaan.

Sa tabing ng “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian”, nilalayon lamang ng EO 158 na patahimikin ang mamamayan nang hindi tunay na tinutugunan ang problema ng sistematikong pang-aapi at pagsasamantala. Ang pinakalayunin ng pekeng kapayapaan ni Duterte ay patayin ang paglaban ng mamamayan sa pangangamkam ng lupa, mababang pasahod, at ekspansyon ng mga plantasyon at kumpanyang mina at iba pang malalaking kapitalistang interes.

Ang “balangkas sa kapayapaan” ni Duterte ay isang sandata sa kontra-insurhensya. Ginagamit nito ang tinaguriang “localized peace talks” para magsagawa ng operasyong saywar at intelidyens laban sa mamamayan at kanilang hukbong bayan. Sa tabing ng “grassroots engagement,” pinupuntirya, inaatake at winawasak ang independyenteng mga organisasyon ng masa para buwagin ang pagkakaisa at tanggalin ang kanilang kakayahang depensahan ang kanilang lupa, at kanilang mga karapatan at interes. Nagbubuo ang militar ng pekeng mga organisasyon. Inilulunsad ang mga pekeng “programa sa kabuhayan,” mga proyektong daanan at pabahay, para tabunan ang pundamental na problema sa kawalan ng lupa, bunutin ang mamamayan sa kanilang mga lupa, at magsilbing palabigasan para sa mga kurakot na upisyal militar.

Sa ilalim ng EO 158, tinatabunan lamang ng satsat tungkol sa “kapayapaan” tumatabon ang walang-puknat na kampanya para sindakin ang mamamayan sa pamamagitan ng pagtatatag ng napakaraming kampo at detatsment ng militar upang palibutan at kontrolin ang mga sibilyang barangay, sapilitang irekrut ang mamamayan sa mga grupong paramilitar, mangreyd sa mga bahay ng masa sa kalaliman ng gabi, walang-tigil na i-harass ang taumbayan para “umamin” at “sumuko” bilang mga taga-suporta ng BHB at targetin ng ekstrahudisyal na pagpaslang ang mga tumatangging makipagtulungan at magsuko ng kanilang mga prinsipyo. Buu-buong barangay ang sinisindak sa paghuhulog ng bomba at panganganyon sa gabi o madaling araw na tumatarget sa kanilang mga bukid, komunidad at kabundukan.

Ang EO 158 ni Duterte ang kinahantungan ng pagpatay ng rehimen sa negosasyong kapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Simula 2017, sistematiko niyang niyurakan ang lahat ng nagdaang kasunduan at binaligtad ang pinaghirapang mga tagumpay ng mga negosasyon ng NDFP-GRP, kabilang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Pingilan niya na mapirmahan ang Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms (CASER). Pataksil niyang ikinulong at pinaslang ang mga konsultant at tauhang pangkapayapaan ng NDFP na tahasang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Ang “kapayapaan, rekonsilasyon at pagkakaisa” ay manipis na tabing para pagtakpan ang paghahari ng terorismo ng estado na ipinataw ni Duterte at ng kanyang National Task Force (NTF)-Elcac sa mamamayan sa ngalan ng kontra-terorismo. Sa ilalim ng Anti-Terror Law ni Duterte, na sistematikong sumisira at umaatake sa karapatang-tao at mga prosesong ligal at tumatarget sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko, naging imposible na ang pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Anti-kapayapaan at kontra-rebolusyonaryo ang EO 158 ni Duterte at "local peace talks"