Anti-mamamayang Kaliwa Dam project: Pribatisasyon at tuluyang pagtalikod ng rehimeng US-Duterte sa pagbibigay serbisyo sa mamamayan
Isinasangkalan ngayon ni Duterte ang kahilingan ng mamamayan para sa sapat na serbisyo sa tubig upang bigyang daan ang higit na pribatisasyon ng mga batayang serbisyong dapat na natatamasa ng mamamayan. Nakatudla ngayon ang rehimeng Duterte na isakatuparan ang konstruksyon ng anti-mamamayang Kaliwa Dam project na magdudulot lamang ng malaking kapinsalaan sa mamamayan.
Kapag nakumpleto, tinatayang palulubugin ng Kaliwa Dam ang mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa Tanay, Rizal at General Nakar, Quezon na may kabuuang lawak na 28,000 ektarya. Ang mga lugar na ito ay bahagi ng lupang ninuno ng mga grupong Dumagat at Remontado na matagal na ring nakikibaka upang pigilan ang anti-mamamayang proyektong katulad nito. Kung matatapos, kakayaning magsuplay ng aabot sa 2,400 million liters of water per day ang Kaliwa Dam at lumikha ng 30 megawatts hydropower na kalauna’y pagkakakitaan lamang ng mga kasosyong pribadong korporasyon tulad ng Maynilad ng pamilyang Lopez at Manila Waters ng pamilyang Zobel.
Tulad ng mga nagdaang rehimen, bukambibig ni Duterte ang tuluyang pagsasapribatisa ng mga batayang serbisyong panlipunan upang diumano’y makaagapay sa pangangailangan ng mamamayan. Subalit, ang totoo’y nais ni Duterte na buu-buong isandig sa mga pribadong korporasyon ang mga serbisyong tulad ng tubig at kuryente upang pagkakitaan ang mga ito. Ngayon, isinama pa ni Duterte ang ibang bansa tulad ng China upang makialam sa mga proyektong ito at pakinabangan nang malaki sa kapinsalaan ng mamamayan.
Sa pamamagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS, isinasagawa na ang proyektong Kaliwa Dam sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng mamamayan. Ginamit lamang ni Duterte ang isyu sa kasalatan sa suplay ng tubig upang bigyang-katwiran ang proyektong New Centennial Water Source-Kaliwa River Low Dam Project sa ilalim ng kanyang programang Build Build Build. Bahagi ang Kaliwa Dam sa malalaking proyekto na popondohan ng maanomalyang Overseas Development Assistance mula sa China na nakakabit sa mga di pantay na loan agreement sa pagitan ng bansang China at rehimeng Duterte.
Ganun na lamang paglawayan ng mga nagdaan at kasalukuyang rehimen ang proyektong ito na tiyak na ibubulsa ang nakalaang malaking pondong aabot sa mahigit Php 13 bilyon. Sa umpisa pa lang, nakabalangkas na sa layuning pribatisasyon ang mga proyekto ng reaksyunaryong gubyerno na dapat sana’y tutugon sa mga batayang pangangailangan ng mamamayan. Ito ang itinatakda ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya na itinataguyod ng imperyalismong US. Sa ganito ibinalangkas ang mga proyektong CALABARZON ng rehimeng Corazon Aquino, Philippines 2000 ni Ramos, mga proyektong pang-ekonomiya at pang-imprastruktura ng rehimeng Estrada at Arroyo hanggang sa Public-Private Partnership ng rehimeng US-BS Aquino.
Sa pamamagitan ng pribatisasyon at iba pang neoliberal na mga patakaran sa ekonomiya, tuluyan nang tinalikuran ng reaksyunaryong gubyerno ang tungkulin nitong tugunan ang pangangailangan ng mamamayan at ipapasan sa kanila ang pagbabayad-utang para sa mga proyektong ito. Tanging pagkawasak lamang sa kabuhayan hanggang sa lupang panirikan ng mamamayan ang epekto ng proyektong ito.
Wala nang aasahan ang mamamayan sa rehimeng US-Duterte kundi higit na pasakit lamang. Sila ang mayor na bumabalikat sa pang-ekonomiyang krisis at panlipunang ligalig na dulot ng dominasyon ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing-uri. Nananawagan ang National Democratic Front-Southern Tagalog sa mamamayan na magkaisa at kumilos upang tuluyang ibagsak ang naghaharing rehimeng US-Duterte. Ang mga batayang serbisyong panlipunan ay makakamit lamang sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na siyang magbibigay daan sa sosyalismong tunay na tutugon sa kanilang mga karaingan at pangangailangan. ###