ARMAS-Bikol: Limampung taon ng pagsusulong ng rebolusyong pangkultura
Nakikiisa ang Artista at Manunulat ng Sambayanan – Bikol (ARMAS-Bikol) sa pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLM). Mula sa pagkakatatag nito ay naging malaking bahagi ang gawaing kultura sa pagpapalaganap ng pambansa, siyentipiko at makamasang kultura.
Sa loob ng 50 taon naglunsad ng mga kampanya ang rebolusyonaryong kilusan upang pataasin ang antas ng kultura sa lipunang Pilipino. Ngunit sa sistemang malakolonyal at malapyudal, nananatiling kontrolado ng mga naghaharing-uri at imperyalistang US ang lahat ng daluyan na humuhubog sa kultura kung kaya’t namamayagpag ang kulturang burges.
Ang rebolusyong pagkulturang isinusulong ng PKP ay naglalayong iangat ang kakayahan at kapasidad ng mamamayan na tanganan ang kapasyahang baguhin ang lipunang kanilang ginagalawan sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan. Hindi pa man ganap ang tagumpay ng digmang bayan, tuluy-tuloy na ang kampanya para sa literasiya at edukasyon at pagpapalaganap ng mga likhang sining na sumasalamin sa rebolusyonaryong diwa at disiplina. Sa masiglang pagsasabuhay ng pagpuna at pagpupuna sa sarili, pagtatasa at paglalagom, nakakintal sa ubod ng PKP ang tuluy-tuloy na pagpapanibagong-hubog at pagwawasto upang bakahin ang kaisipang burges at modernong rebisyunismo.
Bilang mahalagang bahagi ng mga humuhubog sa pambansang usapan, makabuluhan ang papel ng mga artista at mamamahayag bilang daluyan ng mga lehitimong kahingian ng mamamayan at tunay na kalagayan ng bayan. Sa gitna ng tumitinding kontra-rebolusyonaryong atake ng rehimeng US-Duterte, nararapat na ihango ang mga obra sa tunay na kalagayan ng malawak na masa tungo sa pagpupukaw at pagpapakilos ng sambayanan. Gamitin natin ang sining at pamamahayag sa pagsulong ng rebolusyon.
“Ang lahat ng ating panitikan at sining ay para sa masa ng sambayanan, at unang-una’y para sa mga manggagawa, magsasaka at kawal: nilikha ang mga ito para sa mga manggagawa, magsasaka at kawal at para sa kanilang kapakinabangan.” – Mao Tse Tung
Pasiglahin ang rebolusyong pangkultura!
Manggagawang pangkultura, lumahok sa digmang bayan!