Atake ng 1st IB ng Philippine Army, binigo ng NPA Batangas!


Matagumpay na binigo ng magigiting na Pulang mandirigma ng NPA Batangas sa ilalim ng Eduardo Dagli Command ang isang operasyong militar ng 1st IB ng Philippine Army ngayong ika-2 ng Setyembre, bandang alas 5:45 ng umaga sa Sityo Silyaran, Kalumpit, Lobo. Inasahang nagtamo ng malaking pinsala ang militar matapos silang pasabugan ng anti-personnel na bomba at paputukan ng mga riple ng ating hukbo. Pilit na pinagtatakpan ng balita sa Bombo Radyo na walang patay sa kanilang hanay o anumang sugatan at sa halip ay nagpabalita na may sugatan sa hanay ng Pulang hukbo. Sa katunayan, ang mga kasamang napalaban ay walang natamong ni anumang pinsala at ligtas na nakaalis sa pinaglabanan. Ipinagbunyi ng baseng masa ang pagbigwas ng Pulang hukbo laban sa yunit ng pasistang militar na marami nang utang na dugo sa buong mamamayan ng Timog Katagalugan. Sila ang protektor ng mga burgesya kumprador tulad ni Federico Campos III sa Laiya, San Juan sa ginawa nitong iligal na demolisyon sa komunidad ng masang magasasaka noong Hulyo 23.

Patuloy na magiging aktibo at mataas ang diwang mapanlaban ng NPA Batangas upang biguin ang pangangarap nang gising ng rehimeng US-Duterte na paliitin ang bilang sa kalahati ng NPA sa lalawigan. Desperado na ang rehimen, kung kaya wala itong puknat sa paglulunsad ng mga operasyong militar sa mga kanayunan at nagpapakalat ng gawa-gawang balita ng pagsurender ng mga Pulang mandirigma ng NPA. Kaugnay nito, pinapabulaanan ng EDC na walang sumusukong NPA sa Batangas at sa katunaya’y matatag at aktibo nitong tinutugunan ang pangunahing tungkuling ipagtanggol ang interes ng mamamayan. Ang naunang balita na inilabas sa TV noong Agosto 30 na kinaratulahan nina DILG Secretary Eduardo Año na sumukong kumander ng NPA na si Michael “Ka Goma” Cabrera, tubong Calatagan, ay matagal nang bumaba sa hukbo noon pang 2014.

Tiyak na mabibigo ang pasistang AFP lalo’t dumarami ang nagnanais na sumampa sa NPA dahil sa matinding kahirapang nararanasan ng mamamayang Batangueño at kawalan ng estratehikong programang pangkaunlaran ng rehimeng US-Duterte. Walang siyang ipinatupad na tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Malinaw na kinakatawan lamang ang kanyang estado ng mga panginoong maylupa at burgesya kumprador. Ipinagpapatuloy lamang niya ang mga neoliberal na programa alinsunod sa kagustuhan ng kanyang imperyalistang among US. Wala siyang pinagkaiba sa kanyang idolong si Marcos at sa kanyang kasanggang si Gloria Macapagal Arroyo.

Dahil sa patuloy na lumalawak na tagumpay ng rebolusyong agraryo sa anyo ng malawakang pagpapaunlad ng produksyon, pagpapataas ng upa sa lupa, pagtatanggol sa mga pondohan at pangisdaan, karapatan sa paninirahan at pagpapataas ng sahod at produktong bukid sa industriya ng asukal, lalo pang kumakapit ang mga masang inaapi at pinagsasamantalahan sa landas ng armadong pakikibaka bilang tanging solusyon sa pamalagiang krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino.

Ibagsak ang Pasistang Rehimeng US-Duterte !
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Apolinario Matienza
Spokesperson
Eduardo Dagli Command – NPA Batangas

Atake ng 1st IB ng Philippine Army, binigo ng NPA Batangas!