Atake sa mga progresibo, desperasyon ng rehimeng US-Duterte upang patahimikin ang oposisyon

Mariing kinukondena ng MGC-NPA-ST ang garapalang pagbuhay sa matagal nang ipinawalambisang gawa-gawang kaso ng pagpatay sa dalawang magsasaka sa Nueva Ecija sa apat na militante at dating kongresistang sina Liza Maza, Rafael Mariano, Satur Ocampo at Teddy Casiño. Binuhay ang kaso ng Philippine Watch Crime at Volunteers Against Crime and Corruption sa pangunguna nina Ferdinand Topacio at Dante Jimenez sa layuning patahimikin ang ligal na oposisyon. Sina Topacio at Jimenez ay kilalang attack dog ni Gloria Macapagal-Arroyo at ng pamilya Marcos.

Malinaw itong sabwatan ng naghaharing paksyong Duterte-Marcos-Macapagal-Arroyo at mga sagad sa butong pasista at mandarambong sa loob ng gobyernong Duterte. Labis na pinaglalawayan ng mga ito ang National Anti-poverty Commission na kasalukuyang pinamumunuan ni Liza Maza. Nais nilang walisin ang mga militante sa loob ng gobyernong Duterte upang malayang makapaghari at busalan ang mga itinuturing nilang kaaway ng estado at mga karibal sa pulitika. Sa gayon, malayang iiral na sa bansa ang diktadurang US-Duterte.

Ang ganitong mga panggigipit sa mga militante ay manipestasyon ng desperasyon ng kampon ni Duterte na ganap ng patahimikin ang anumang oposisyon. Ang garapalang pambabraso ng Malakanayang ay patunay na walang demokrasya sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Isang anyo ito ng lantarang panunupil ng pasistang rehimeng US-Duterte sa lahat ng demokratikong uri’t sektor, mga demokratikong organisasyon ng mga magsasaka, manggagawa, estudyante-kabataan, mga propesyunal at mga makabayan at patriyotiko lumalaban sa pasismo ng estado.

Nananawagan ang buong rebolusyunayong kilusan sa sambayanang Pilipino na labanan ang pasista at nagbabadyang diktadurya ng rehimeng US-Duterte. Sa nakaambang paglukob ng batas militar sa pambansang saklaw, determinado ang mamamayang Pilipino na magsama-sama at biguin ang hayok-sa-kapangyarihang si Duterte. Sa harap ng lumalalang krisis sa ekonomiya at pasismo ng gobyernong Duterte, ibabagsak ng lakas ng sambayanan ang kasalukuyang bulok na sistema at itatayo demokratikong gobyernong bayan na tunay na naglilingkod sa mga interes at mithiin ng mamamayan.###

 

Press Statement
August 9, 2018
Reference Person: Jaime “Ka Diego” Padilla, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog

Atake sa mga progresibo, desperasyon ng rehimeng US-Duterte upang patahimikin ang oposisyon