Ayudahan ang mga apektado ng krisis na bunga ng “community quarantine”

Minomobilisa ngayon ng NPA at mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa Sorsogon ang mga rekursong mayroon ito para ibsan ang kagipitang dulot sa mamamayan ng “community quarantine” na ipinatutupad ng rehimeng Duterte.

Dito sa prubinsya, ang pinakaapektado ng drastikong hakbangin ng reaksyunaryong gubyerno sa pagharap sa COVID-19 ay ang mga umaasa sa araw-araw na pagkayod para tugunan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Pinakamalubhang nasasagasaan ang mga naninirahan at naghahanapbuhay sa mga poblasyon at sa sentro ng Sorsogon City. Mistulang iginapos sila ng sapilitang kwarantina para hindi makapagtrabaho at kumita.

Relatibong mas mainam ang sitwasyon ng mga nagpoproduksyon sa kanayunan, laluna sa loob ng mga sonang gerilya, dahil malaya pa nilang maaasikaso ang kanilang mga sakahan at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan. Ang mga kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ay patuloy na nakalalahok sa kanilang kolektibong produksyon kaya may masasaligan pang mga rekursong pangkabuhayan.

Ang mga mandirigma ng NPA ay nakapagpapatuloy din sa kanilang gawaing produksyon para sa mga pangangailangan ng Hukbo at masa sa mga eryang kinikilusan nito. Sa katunayan, may reserbang bigas at iba pang pagkain ang rebolusyonaryong kilusan dito sa prubinsya na maaaring iayuda sa masang apektado ng kwarantina sa mga sentrong bayan at sa syudad.

Idinadaan namin ngayon sa iba’t ibang daluyan ang mga rekursong ito para makarating sa mga komunidad na pinakapinahihirapan ng kwarantinang ipinataw ng reaksyunaryong rehimen. Nananawagan din kami sa lahat na magtulung-tulong para mahatidan ng asistensya ang mga pinakanangangailangan hanggang malampasan nila ang krisis na bunsod ng kwarantina.

Ayudahan ang mga apektado ng krisis na bunga ng "community quarantine"