Badoy at NTF-ELCAC – mga neo-pasistang kriminal

Mariing kinukundena ng buong rebolusyonaryong kilusan lalo na sa Timog Katagalugan ang pagpuri at pagpaparangal ng NTF ELCAC sa mga pasistang kriminal at pinakamalalang lumalabag sa karapatang pantao. Nitong Marso 30, 2022 ay walang kahihiyang pinuri at ipinagtanggol ni Usec. Lorraine Badoy at ng NTF-ELCAC ang dating heneral at kriminal na si Palparan at pinalalabas pang biktima lamang daw ito ng propaganda ng CPP/NPA/NDFP.

Lalong inilalantad ni Badoy ang neo-pasistang mukha ng NTF ELCAC at rehimeng Duterte at ang pagsusulong ng pasistang ideolohiyang ito sa lipunang Pilipino. Pinakawalan ng rehimeng Duterte ang isang madugo ngunit pekeng gera kontra droga at ang malupit na gera laban sa mga rebolusyonaryo sa ngalan ng “gera laban sa terorismo”. Ginagamit nitong sandata ang mga mapanupil na batas at programa upang bantaan, gipitin, tugisin at paslangin ang mga nire-redtag na mga aktibista, progresibo at kritiko sa ngalan ng “anti-komunismo.” Dagdag pa ang malalang kultura ng impyunidad na laganap sa reaksyunaryong makinarya ng estado ng rehimeng US Duterte.

Sa bagong paglaladlad ni Badoy, kanyang ikinararangal, pinupuri at nais pang i-abswelto o pawalang sala si dating heneral Jovito Palparan, Jr.- isang kriminal na nasentensyahan ng habambuhay na pagkakakulong dahil napatunayan ng hukuman na walang dudang maysala ito sa dalawang kaso ng kidnapping at serious illegal detention sa dalawang estudyante ng UP na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan may 15 taon na ang nakalilipas at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan kahit na ang bangkay ng mga nasabing biktima.

Isa lamang istupido, mangmang, bulag at makahayop na tulad ni Badoy ang maaaring pumuri kay Palparan na maliban sa pagdukot kina Cadapan at Empeño ay responsable rin sa pagdukot at pagpatay kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy noong 2003 habang nagdodokumento ng mga malalalang paglabag sa mga karapatang pantao ng 204th Bde at Oplan Habol Tamaraw sa Oriental Mindoro. Naidokumento ng mga grupo at organisasyon sa karapatang pantao sa loob at labas ng bansa na sa panahon mula taong 2001 hanggang 2003 ay umabot sa 66 ang mga biktima ng pagpaslang sa buong TK kung saan 33 dito ay sa Mindoro na kagagawan ng mga tropa ng 204th Infantry Brigade sa pamumuno noon ni Col. Jovito Palparan. Bunga ito ng deklarasyon na ang probinsya ay isang “national priority” sa kontra-rebolusyonaryong kampanya ng gubyerno.

Higit pang mas marami ang mga iligal na inaresto, ikinulong at libong mga magsasaka at mga Mangyan ang sapilitang lumikas dahil sa mga operasyong militar ng 204th Bde na nagpapatupad ng kontra-insurhensyang taktikang “shock and terror” ni Palparan. Mahigpit na kinundena ng sambayanang Pilipino ang mga krimen at ang kriminal na si Palparan ngunit magpahanggang ngayon, mailap pa ang katarungan sa mga biktima ni Palparan.

Naghuhumiyaw pa rin para sa katarungan ang mga pamilya ng pinaslang na sina Eden Marcellana, Eddie Gumanoy, Atty. Juvy Magsino at Leima Fortu; Isaias Manano at Bong Ternida; ang mga pinugutan ng ulong katutubong Mangyan na si Budbud Usting at mga mangingisda sa Puerto Galera at San Teodoro, ang pagmasaker sa mag-asawang Albarillo, pamilyang Apolinar sa San Teodoro, at pamilyang Blanco sa Magsaysay Occidental Mindoro, at marami pang kaso. Ilan lamang ito sa mahabang listahan ng krimen ng berdugong si Palparan. Hindi pa kasama dito ang mga krimen ni Palparan at kanyang mga pasistang tropa sa Eastern Visayas at sa Central Luzon kung saan siya natalaga matapos ang pananalasa sa Timog Katagalugan.

Talo pa ni Badoy ang isang asong ulol na para ipagtanggol ang sarili sa mga kaso laban sa kanyang sanga-sangang dila at redtagging ay gusto nang saklawin lahat ng maaari niyang angkining kapangyarihan. Dapat na kundenahin at imbestigahan si Badoy at ang NTF-ELCAC at kung sino pa ang nagbigay sa kanya ng pahintulot na makapanayam si Palparan sa NBP at ilarawan ito bilang isang “biktima”. Malinaw na isa itong pang-uuyam sa sistemang hudisyal ng bansa at lansakang paglabag sa desisyon ng hukuman ng isang empleyado ng gubyernong naturingan pang tagapagsalita.

Hindi na lamang redtagger si Badoy at ang NTF ELCAC ngayon kundi nag-aastang abugado at tagapagtanggol sa berdugong si Palparan. Hindi na lamang ginagampanan ni Usec. Badoy ang kanyang tungkulin bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC at PCOO kundi gusto na rin niyang agawin ang kapangyarihan ng hudisyal, ng pulisya at bilangguan. Ang pag-aasal-haring ito ni Badoy at tiyak na pinapalakpakan at ipinagdiriwang ng mga pasista, mamamatay tao at teroristang tulad ni Palparan, Parlade at ng kanilang among si Duterte.

Dahil sa ginawa ni Badoy na direkta at live na panayam kay Palparan, natuklasan ngayon na sa halip na nakakulong siya sa maximum security compound ng NBP ay nasa Reception and Diagnostic Center pala siya ng NBP na isang medium security compound bilang isang pribilehiyadong kriminal. Kung inaakala ni Badoy na nakatulong siya kay Palparan sa kanyang mga papuri, nagkakamali siya. Lalo lamang nalantad ang kabulukan ng sistemang hudisyal ng reaksyunaryong rehimen sa ginawa ni Badoy, na ang mga malalaking taong malinaw na nagkasala at gumawa ng karumal-dumal na krimen laban sa mamamayan ay tinatamasa pa ng ispesyal na pagtrato sa kulungan.

Nagmistulang pyesta para sa mga pasista ang palabas na pinagbidahan ni Palparan, dinirehe ni Badoy at ng NTF-ELCAC at inilabas ng SMNI, ang network na pag-aari ng isang wanted sa US na sex-trafficker at tagasuporta ni Duterte na si Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC). Ika nga, birds of the same feather, flock together.

Ang gawi ni Badoy ay tunay na kasuklam-suklam at unbecoming of an officer. Kunsabagay, wala namang pakialam si Badoy kahit anong sabihin sa kanya dahil tulad ng asong ulol, magpapatuloy siya sa pagtatahol hanggang sa mamaos at maglaway at ang bawat malawayan niya ay nagkakasakit at namamatay.

Kinukundena ng buong Timog Katagalugan laluna ng Mindoro ang bagong pakanang ito ni Badoy. Hindi pa nga napananagot si Palparan sa pinaslang na mga karaniwang mamamayan at mga aktibista sa Mindoro sa panahon ng OHT sa pamumuno ng berdugong si Palparan sa ilalim ng rehimeng Gloria Macapagal Arroyo noong 2000-2004, heto at sumisigaw ng papuri si Badoy para sa kanya. Hindi malayong ang susunod niyang itatahol ay palayain ang berdugong si Palparan.

Hindi makapapayag at kinukundena ng sambayanang Pilipino ang asta at kondukta ni Badoy. Walang ibang dapat paglagyan sa mga katulad nina Badoy, Palparan, Parlade at maging ang amo nilang si Duterte kundi ang kulungan para sa mga sinungaling, pasista at mamamatay-tao!

Tunay din na walang aasahan ang sambayanang Pilipino sa sistemang hudisyal sa bansa. Patuloy na mailap at ipinagkakait sa sambayanang Pilipino at mga biktima ni Palparan ang katarungang dalawang dekada na nilang ipinaglalaban. Sa kalagayang nagsama-sama na ngayon ang pinakamasasama, pinakakorap at pinakapasistang pamilya sa alyansang Marcos-Arroyo-Duterte-Estrada, at naghahangad ang mga tagapagmana nila ng pinakamatataas na pusisyon sa bansa sa darating na eleksyon sa Mayo, hindi kataka-takang kaharapin ng sambayanang Pilipino ang isang napakahirap na kalagayang mas masahol pa sa martial law ni Marcos, panahon ng OBL ni Arroyo at ang martial law ni Duterte. Itutulak lamang nito ang mamamayan na hanapin ang katarungan at kalutasan sa kanilang mga hinaing at problema sa labas ng reaksyunaryong gubyerno; itutulak nito ang sambayanang Pilipino na puspusang itaguyod at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay na magbabagsak sa mga pasista, magnanakaw, korap at magtatayo ng isang demokratikong gubyernong bayan na tunay na nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay, katarungan at kaginhawaan sa inaapi at pinagsasamantalahang mga uri sa Pilipinas.##

Badoy at NTF-ELCAC - mga neo-pasistang kriminal