Bagong mapagmumulan ng kurakot ang silbi ng “Barangay Development Fund” ng NTF-ELCAC

Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2021, nilaanan ng P120 million ang anim na baryo sa Cagayan Valley bilang bahagi ng Barangay Development Fund (BDF) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Bahagi ito ng kabuuang P16.44 billion na BDF ng NTF-ELCAC na ilalaan diumano para sa 822 baryo sa buong bansa.

Ang NTF-ELCAC na pinamumunuan mismo ni Rodrigo Roa Duterte kasama ang matataas na opisyal ng AFP ang kabilang sa mga nangungunang pinagbubuhusan ng dambuhalang pondo – P19.2 billion para sa taong 2021– ng reasyunaryong gubyerno ng Pilipinas. Pero habang ga-bundok ang inilaang badyet para sa kampanyang kontra-insurhensya ng rehimen, ga-bunton lamang ang inilaan nito para sa bakuna kontra sa COVID-19 at sa kabuuang badyet pangkalusugan ng bansa!

Ang pagpapanguna ng malaking badyet para sa kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimeng Duterte ay taliwas sa ibinabando ng mga tagadakdak ng AFP na dumaranas ng malaking paghina ang New People’s Army. Kasabay niyon, ang paglalaan lamang ng maliit na badyet para sawatain ang pandemya at para sa pampublikong kalusugan kumpara sa badyet pang-militar ay pruweba sa palso at pabayang pagharap nito sa COVID-19 at kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Sa pagkakahati ng BDF, nilaanan lamang sa Cagayan Valley ang aanim (!) na baryo mula sa tatatlong (!) bayan sa iisang (!) probinsya rito. Napunta lahat ito sa Cagayan, at wala ni kusing ang iwinisik sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya. Nilaanan ang Brgys. Apayao at Villa Reyno sa bayan ng Piat; ang Brgys. Anurturo, Liwan at Minanga sa Rizal; at ang Brgy. Balanni sa Sto. Nino – pawang sa kanlurang Cagayan.

Sa kaunting tingin lamang, makikitang aminado ang AFP na sa kabila ng ilan taon nang paglulunsad nito ng focused military operations at pagbababad ng mga tinaguriang retooled community support program sa maraming baryo sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya – wala ni isa sa mga baryo rito ang maipagyayabang nilang sabihing “nalinis” na sa presensya ng NPA!

Hindi lamang ito pag-amin sa kabiguan ng NTF-ELCAC na pahinain at itaboy sa pagkilos ang mga yunit ng NPA sa mga baryo sa mga naturang lalawigan, naglalantad din ito sa kasinungalingang nilulubid ng AFP na wala nang presensya at lubhang napahina na ang NPA sa malalaking bahagi ng mga probinsyang iyon.

Sa gayong paglalaan sa BDF, di sinasadyang ibinulgar ng NTF-ELCAC ang kawalang-kuwenta ng pinagkakaabalahan sa nagdaang halos kalahating dekada na ng mga batalyon at dibisyon ng AFP na pagbraso at paglinlang sa napakaraming LGU sa mga baryo at bayan upang magdeklarang “persona non grata” ang NPA sa kani-kanilang saklaw. Walang dami ng mga diumanong pormal na kasunduan at pahayag sa midya, na sa kalakhan ay ginawa ng mga militar at isinalaksak sa mga LGU, ang nakahadlang sa malayang pag-ikot sa maraming mga baryo at bayan at paglubog ng mga yunit ng NPA sa masang magsasaka at pambansang minorya, na sa kalahatan ay mainit na sumasalubong at mahigpit na yumayapos sa mga tunay na hukbo ng sambayanan.

Ang malaking kwestyon ay bakit pinili ng NTF-ELCAC ang mga napangalanang baryo sa Cagayan na laanan ng tig-P20 million ng BDF?

Halos lahat ng mga baryong ito ay hindi saklaw o di kaya’y nasa dulo ng malalawak na mga sonang gerilya at pinakahuli sa prayoridad na puntahan ng mga sandatahang yunit ng NPA. Kaya kahit hindi magpatulo ng pawis ang AFP, napakadali nitong ideklarang “cleared barangay” na ang mga ito kaya laanan na ng NTF-ELCAC ng tig-P20 million!

Gagastusin diumano ang BDF para sa pagpapatayo ng mga kalsada, eskwelahan at mga katulad na proyektong pang-imprastraktura. Pero lahat ng mga baryong tinukoy ay may mga paaralan na, may mga gumaganang barangay health group na may opisina sa mga barangay center o may sariling klinika, at ang marami ay may nagawa nang maaayos na kalsada!

Singliwanag ng sikat ng araw na ang BDF ng NTF-ELCAC ay isa na namang mapagmumulan ng kwartang maibubulsa at paghahati-hatian ng mga heneral at iba pang matataas na opisyal militar, kasapakat ang mga kasangga nilang opisyal ng LGU na katulad ni Cagayan governor Manuel Mamba at ng mangangamkam-ng-lupang meyor ng Sto Nino na si Pagurayan at iba pang burukrata-kapitalista at mga kadikit nilang kontraktor. Dagdag na balon ito ng kurakutan at pagmumulan ng pondo para sa eleksyon, kagaya ng ginagawa nila sa pondo para sa mga diumanong “maramihang sumusurender” na NPA at milisyang bayan!

Kahit noong wala pa ang NTF-ELCAC, matagal nang ginagawa ng mga LGU na kahit papaano ay magkaroon ng mga kalsada, paaralan at ilan pang maliliit na proyektong pang-imprastraktura at pangkabuhayan, sa kabila ng malaking kapabayaan dito ng pambansang gubyerno. Sa saligan ay tungkulin naman ito ng sibilyang awtoridad at hindi ng mga militar; ngunit ngayon ay ipinapasa sa militar sa layuning “kontra-insurhensya” ang dating papel ng burukrasyang sibilyan. Dagdag din itong patunay sa aktwal nang pagkamkam at pangingibabaw ng militar sa pampulitikang awtoridad sa mga lokalidad, na taliwas sa prinsipyo ng pangingibabaw ng awtoridad ng sibilyan sa militar.

Pero sa kabila ng napakalaking badyet ng BDF, ang mga itinakdang proyektong isasagagawa ay hindi tumutugon sa mga saligang pangangailangan, hindi lumulutas sa mga batayang problema at hindi makabuluhang makakapagpagaan sa hilahil na kalagayan ng masang magsasaka at iba pang dalita sa Cagayan Valley at sa buong bansa. Ang mga masa ng kanayunan ay patuloy na wala o salat ang sariling lupang pinagmumulan ng ikabubuhay dahil hindi naman tinitinag ng sistema ang monopolyo sa lupa ng iilan, laging nakagapos sa tanikala ng pagsasamantala ng mga usurero at komersyante at muli’t muli’y nakaamba ang mga mapang-agaw-sa-lupa at mapanira-sa-kapaligirang mga proyekto ng estado at dayuhang pamumuhunan.

Dahil hindi sinasaling ang sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal ng bansa, tiyak na patuloy na malulugmok ang malawak na masa sa kasalatan at kawalan, na siya ring saligang dahilan kung bakit napakadali nilang maunawan ang pagka-mapagsamantala at -mapang-api ng sistemang idinidirihe ngayon ng papet at pasistang rehimeng Duterte. Tiyak na patuloy silang magbabalikwas sa dumarami nilang bilang, at matututo mula sa sarili nilang karanasan sa pangangailangang lumahok sa makatarungang armadong pakikibaka bilang tanging landas para makamit ang panlipunan at pambansang kalayaan!

Bagong mapagmumulan ng kurakot ang silbi ng "Barangay Development Fund" ng NTF-ELCAC