Bagong “peace panel” ni Duterte, isang kontra-rebolusyonaryong military panel
Kahungkagan ang muling pagbubuo ng sira-ulo at ulyaning si Duterte ng bagong “peace panel” nito matapos buwagin ito noong nakaraang buwan. Sa kahangalan niya, nangangarap pa siyang mapasusuko ang rebolusyonaryong kilusan at mapapaniwala ang taumbayan na makakamit nito ang kapayapaan sa bansa.
Taliwas sa ipinangangalandakan ni Duterte, isang military panel ang planong buuin bilang pamalit sa binuwag na GRP peace panel matapos talikuran ang usapang pangkapayapaan. Isinakatuparan ni Duterte ang pagbuwag ng naunang peace panel sa layuning isantabi at hindi na matupad ang nararapat na balangkas ng usapang pangkapayapaan at maipagkaloob ang mga reporma na pagkakaisahan dito. Matatandaang nauna na niyang itinalaga ang isang retired general sa OPAPP na magtitiyak sa pagkawasak ng usapang pangkapayapaan.
Layunin ni Duterte na mapawalambisa ang mga naunang napagtibay na kasunduan at napagkaisahan sa pagitan ng GRP at NDFP. Wala siyang ibang tunguhin kundi ihatid ang usapan sa kapitulasyon ng rebolusyonaryong kilusan at isuko nito ang prinsipyo at mga karapatang ipinaglalaban ng taumbayan upang malayang makapaghari si Duterte sa bansa.
Samantala, ang pagbubuo ng panibagong military panel ay singkahulugan ng pag-aming bigo ang localized peace talks ng rehimen. Dahil hindi na nito malinlang ang sambayanan, gumawa na lamang ito ng bagong pakana upang isalba ang kanilang kahihiyan.
Walang ibang landas na dapat tahakin ang mamamayan sa kasalukuyang kalagayan kundi patuloy na isulong ang rebolusyon. Hindi seryoso si Duterte na humarap at umupo sa usapang pangkapayapaan at ipagkaloob ang isang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa. Kailangang pagkaisahin at buuin ng mamamayan ang sariling hanay sa isang malapad na alyansa na magpapabagsak sa rehimeng Duterte upang makamit ang tunay na kapayapaang maglilingkod sa kanilang mga interes.###