Bakit gusto ng NTF-Elcac ang “lokalisadong usapang kapayapaan” at bakit ito dapat tutulan
Siyempre irerekomenda ng NTF-Elcac ang “lokalisadong usapang kapayapaan” dahil malaking bahagi ng kanilang pondo (ang tinatawag na “barangay development program”) ay nakasalalay dito. Wala namang nagulat.
Dala ang militaristang pananaw na tulad ng sa mga upisyal ng rehimeng Duterte, ang mga upisyal ng NTF-Elcac sa ilalim ni Marcos ay nakatakdang isulong ang parehong palpak na patakarang kontra-insurhensya na bigong pigilan ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng Bagong Hukbong Bayan at ang pagpapalawak nito ng mga erya ng operasyon.
Pantabing lamang ang “lokalisadong usapang kapayapaan” ng NTF-Elcac sa mga operasyong saywar, pasipikasyon at panunupil ng AFP, katuwang ang largadong gerang binibuo ng malalawak na operasyong kombat, panganganyon at pambobomba mula sa ere.
Lubos na sinusuportahan ng mga upisyal militar, laluna sa antas dibisyan at batalyon, ang “lokalisadong usapang kapayapaan” dahil napakalalaking pagkakataon ang ibinubukas nito para sila ay kumita mula sa mga kikbak at komisyon.
Para bigyang katwiran ang kanilang pasusulong sa “lokalisadong usapang kapayapaan,” si National Security Adviser Clarita Carlos, na nagpakilalang akademiko, ay hindi makatotohanang nagdeklara na: “batay sa pagtatasa namin sa higit 50 negosasyon natin, wala po tayong nakuhang maganda doon sa national peace talks.”
Sigurado akong alam naman ni Prof. Carlos na noong Nobyembre 1986 lamang nagsimula ang usapang pangkapayapaan, kayat hindi lampas sa 36 na taon ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP-GRP. Dapat alam rin niyang kadalasan, ang mga negosasyon ay nasususpinde, at sa kabuuan ay ilang buwan lamang tumagal ang mga harapang pag-uusap lamang, dahil hindi magawang panindigan ng nagdaang mga rehimen ang pagpapanggap nito na para sa kapayapaan.
At, bilang isang akademiko, dapat alam niya ang kahalagahan ng mga kasunduang nabuo at pinirmahan sa nagdaang mga taon, kabilang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Para bang hindi siya nakipag-usap sa nagdaang panel sa negosasyon ng GRP? Dahil alam niya sana kung paanong makabuluhang umusad ang usapan noong 2017 kasama ang katapat na grupo sa NDFP sa pakikipagnegosasyon sa Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms (CASER), bago tuldukan ni Duterte ang usapan sa sulsol ni US President Trump.
Ipinagpipilitan ni Gen. Carlito Galvez, dating hepe ng AFP, na sa kabalintunaan ay itinalaga ngayong “adviser sa kapayapaan” ni Marcos, na marami nang naabot na tagumpay ang “lokalisadong usapang kapayapaan.” Anu-ano at nasaan ang mga tagumpay na ito? Malinaw na hindi niresolba ng “lokalisadong usapang kapayapaan” ang matagal nang mga problema ng kawalan ng lupa, pang-aapi at pagsasamantala, kahit sa lokal na antas. Ang ginawa lamang ng NTF-Elcac ay pondohan ang karampot na palabas na mga proyekto para makapagpalabas sila ng press release na nagdedeklara ng “tagumpay,” habang ang mayorya ng mamamayan, sa katotohanan, ay patuloy na nagdurusa sa kagutuman at kahirapan.
Paano ba sinusukat ni General Galvez ang tagumpay ng “lokalisadong usapang kapayapaan?” Sa bilang ng mga barangay na nasa ilalim ng kontrol ng militar, hinahamlet, binoblokeyo at pinaghaharian ng mga sundalo? O marahil sa bilang ng mga magsasakang pinipigilan nilang makapagtrabaho sa kanilang sakahan dahil daw makikipag-ugnayan sa BHB? Sa bilang kaya ng mga taong inililistang “surrenderee” matapos silang walang-tigil na sindakin, pilitin at ipailalim sa interogasyon? O marahil sa milyun-milyong pisong hinuhuthot ng mga upisyal militar mula sa programang E-CLIP?
Hindi makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ang gusto ng NTF-Elcac. Ang gusto talaga nila ay katahimikan kung saan hindi aatungal ang mga inaapi at pinagsasamantalahan. Ang gusto nila’y maging maamo ang mga tao at tanggapin ang mga “proyektong pangkaunlaran” na naghahatid ng tubo sa mga korporasyong multinasyunal at kasosyong malalaking negosyante. Sa Davao City, ginamit ni dating mayor Sara Duterte ang “lokalisadong usapang kapayapaan” at ang militar para palayasin ang mga magsasaka at magbigay daan sa pagpapalawak ng mga plantasyon ng saging at pinya at kanilang mga planta sa packaging.
Gusto ng NTF-Elcac ang “lokalisadong usapang kapayapaan” para magbigay daan sa pagpapalawak ng mga plantasyon ng oil palm, kumpanyang mina, eko-turismo at proyekto sa enerhiya na umaagaw sa lupa ng mga magsasaka at minoryang mamamayan, na nagreresulta sa malawakang pagkawala ng kabuhayan. Kaya suportadong-suportado ng US ang rehimeng Marcos, dahil gusto ng mga multinasyunal na koporasyong pag-aari ng US na walang tututol sa kanilang mga planong angkinin ang higit 250,000 ektaryang lupain sa Northern Mindanao, gayundin sa iba pang bahagi ng bansa.
Pero sa katapusan, magtatagumpay lamang ang NTF-Elcac na udyukan ang mamamayan na lumaban at ipagtanggol ang kanilang lupa sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos, gayundin sa pagsanib sa armadong rebolusyon.
Tinutuligsa ng Partido–mula sa Komite Sentral hanggang sa libu-libong mga sangay nito–at ng Bagong Hukbong Bayan–mula sa National Operations Command hanggang sa mga yunit sa larangang gerilya–ang “lokalisadong usapang kapayapaan” ng NTF-Elcac at rehimeng Marcos.
Ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay patuloy na maglulunsad ng lahat ng porma ng pakikibaka, laluna ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, para isulong ang adhikain ng bayan para sa pambansang kalayaan at panlipunang hustisya, na sa kahuli-hulihan, ay silang susi sa pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.