Balik-probinsya-Balik Pag-asa Program, isang recycled na programang balak pagkakitaan ng rehimeng US-Duterte

HUNGKAG AT AMPAW ang planong Balik Probinsya – Balik Pag-asa Program (BP-BP) ng rehimeng US-Duterte bilang haligi daw ng balanseng pag-unlad sa mga malalayong rehiyon! Walang patutunguhan ang programang BP-BP hanggat hindi nauugat at nareresolba ang pundamental na problema ng masang anakpawis sa kawalan ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalsasyon.

Hindi naman bago ang “Balik Probinsya” program na Pet project daw ng sabwatang Rodrigo Duterte at Sen. Bong Go. Ang Senate Resolution 380 ni Bong Go na pinagbatayan ng EO #114 ni Digong ay ginaya lamang sa mga naunang programa nina Marcos na “Balik Barangay” at sa mga sumunod na mga rehimen na nagsagawa na rin ng Balik Probinsya Program upang i-decongest ang Metro Manila at iba pang urban center. Sa kabilang banda, ito rin ang kanilang solusyon sa lumalaking bilang at lumalalang kahirapan, kawalan ng kabuhayan at kabahayan ng mga maralitang lunsod.

Hindi sasapat ang isang simpleng resolusyon at programang hindi dumaan sa masusi, siyentipiko at komprehensibong pag-aaral na iprinoseso sa malawakan at malalimang konsultasyon sa lahat ng stake holders o apektadong mamamayan. Lalo na at sa taya ng gobyernong Duterte ay aabot sa 1 milyong pamilyang maralita ang plano nilang ibalik sa probinsya dahil daw sa idinulot na kahirapan sa pagbibigay ng ayuda at pagkontrol sa populasyon sa panahon ng pandemyang Covid-19.

Nakakabigla at nakapagtataka ang mabilisang pagnanais ng gubyerno ni Rodrigo Duterte na madaliin ang kanilang planong malawakang pagpapalayas sa mga maralita at manggagawa sa Metro manila sa balangkas ng “Balik Probinsya Program” nito, sa kabila ng hindi pa nga nila malutas-lutas na problema sa pandemyang Covid-19. Dahil lang ba ito sa udyok ni Sen.Bong Go na maibsan ang kahirapang nararanasan ng mga maralita sa Metro Manila ngayon sa pananalasa ng Covid-19 o ang bilyon-bilyong pondo na ilalaan nila sa pinakamalaking “Human Resettlement” project sa kasaysayan ng bansa na gusto din nilang mapakinabangan at kurakutin gaya ng ginagawa nila sa pondo ng Covid-19.

Hindi naman simpleng pumunta lamang sa kalunsuran ang mga magsasaka o pamilya nila, kundi dahil sa pwersahan silang itinulak ng kahirapan, kagutuman at karahasan ng militar upang iwanan ang buhay sa kanayunan. Habang nagpapatuloy ang kawalan ng lupa, malawakang pang-aagaw at pagpapalayas sa mga magsasaka’t katutubo sa kanilang lupang sinasaka gamit ang mga militar, malawakang pagpaslang at pagkakaroon ng kumbinasyon ng atrasadong agrikultura’t mababang antas ng industriya ay hindi magiging matagumpay ang programang balik probinsya. Anti-maralita at pagsasayang lamang ng panahon at pondo ng bayan ang ginagawa ng gobyernong Duterte.

Nahihibang at nanaginip ng gising si Duterte at alipures nitong senador na si Bong Go sa pag-aakalang kaya nitong lokohin ang sambayanan na ang BP-BP ay naglalayong makatulong sa mga maralita. Para bigyang katuwiran ang EO114, maglalabas daw ng kinakailangang pautang at subsidiyo sa mga magpapalista sa BP-BP. Na para bagang sinasabi na kapag may dala-dala kang kaunting puhunang-pautang sa probinsya ay mabubuhay na ang isang maralitang pamilya doon, na wala man lang pagkonsidera sa hikahos at mahirap na kalagayan ng mga kanayunan sa kabuuan.

Ang reyalidad ng buhay ng mga magsasaka sa mga kanayunan ay kawalan ng lupang masasaka’t industriya, kawalan ng suportang pang agrikultura at serbisyo sosyal gaya ng pabahay, kalusugan at edukasyon. Kung mananatiling wala ang mga batayang serbisyong panlipunan at pundamental na pangangailangan at karapatan ng mamamayang magbabalik sa probinsya, babalik at babalik sila sa mga kalunsuran gaya ng Metro Manila para mabuhay.

Para maipakitang epektibo ang programa, kanya-kanyang pagyayabang ang mga kalihim ng ahensya ng gobyerno na nakapaloob sa programang balik probinsya. Agad agad nagyabang si General Manager Marcelino Escalada Jr ng National Housing Authority (NHA) na may nasa 10,000 katao na daw ang mga nagpaglista para sa balık probinsya program at agaran na rin daw nagpasabi ang 10 probinsya na tatanggapin nila ang mga maralitang lunsod na magbabalik probinsya. Ipinangangalandakan naman ni Sen. Bong Go, na magbibigay daw ng ayuda ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga job-fairs para makahanap ng trabaho at ayudang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program and Government Internship Program (TUPAD-GIP) sa mga mawawalan ng trabaho kapag nagpalipat na sila sa probinsya. Kamakailan lamang ay inamin na ni Sec. Bello ng DOLE na wala na silang natitirang pondo para sa TUPAD, CAMP kaya itinigil na nila ang kanilang pagtanggap ng mga aplikasyon sa mga manggagawang humihingi ng ayuda.

Habang ang boladas naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ay magpapatuloy daw silang magtayo ng negosyo at kabuhayan sa mga probinsya sa pamamagitan ng kanilang proyektong Negosyo sa Barangay na nagpapautang. Ipinagyayabang naman ni Sec. Eduardo Del Rosario isang dating Heneral at kasalukuyang kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na ipapasa sa mga kwalipikadong nasa listahan ng BP-BP ang mga pabahay na para sana sa mga kasundaluhan na nakatayo sa mga probinsya.

Sa BP-BP na ito, tataas talaga ang BP (Blood Pressure) ng mga maralita, dahil magreresulta ito ng malawakang demolisyon at pwersahang pagpapalayas sa bulto-bultong maralitang komunidad, paglalayo/pag-aalis sa kanilang mga kabuhayan at trabaho habang ang makikinabang lamang ay ang mga malalaking negosyante na nasa proyektong Build-Build-Build (BBB). Sa balangkas ng kunyaring pagresolba sa nakamamatay na pandemyang Covid-19, gustong ilusot ni Rodrigo Duterte ang kanyang imbeng pakana na malawakang demolisyon sa lahat ng mga komunidad maralita na dadaanan ng mga proyektong inprastraktura sa Metro Manila at karating na rehiyon. Sa Timog Katagalugan nakahanay ang ibat-ibang proyektong makakaapekto sa kabuhayan at kabahayan ng mga maralita gaya ng Laguna Lake Expressway-Dike Project, Sangley Point Airport Project , PNR North – Southlink Project, Project Calabarzon at Taal Development Project na pwersahang magpapalayas sa mga maralita.

Bakit hindi unahin ng rehimeng Duterte na bigyang kalutusan ang pagbibigay ng katanggap-tanggap na pabahay at kabuhayan sa mga maralitang lunsod sa mismong mga komunidad nila. Ang “Adequate Housing” na kinikilalang karapatan ng mamamayan sa buong mundo at pinirmahan ng bansang Pilipinas sa United Nation sa balangkas ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) ay hindi lamang tumitigil sa pagbibigay ng bahay, kundi pagkilala rin sa karapatan ng mamamayan na magkaroon ng kabuhayan o pagkakakitaan, pagbibigay ng serbisyong panlipunan, pagtitiyak na hindi sila pwersahang palalayasin o idedemolis, karapatan sa pribadong pamumuhay, malayo sa harassment ng mga nasa otoridad at kaseguruhan sa paninirahan. Bahagi din ng kriterya nito ang pagiging abot kaya, garantiya na maayos na matitirahan – may sapat na espayo – ligtas, malapit sa kanilang kabuhayan o pinagtatrabahuhan – eskwelahan – palengke – ospital – simbahan at malayo sa mapanganib na lugar.

Sa kabilang banda, matagal ng inihapag kay Rodrigo Duterte ng mga kinatawan ng Partido Komunista ng Pilipinas – Pambansang Nagkakaisang Prente (CPP – NDF) sa naganap na serye ng usapang pangkapayapaan ang ikalawang mayor na pagkakaisahan ng dalawang Partido para sana sa pagpapatupad ng tunay na repormang pang ekonomiya sa kanyang rehimen. Pagkaupo pa lang sa pwesto, inirekomenda na ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reform (CASER), na layuning maresolba ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa, maliban sa pagpapatupad ng sistematiko’t seyentipikong pagpapaunlad sa ekonomiya ay pagkilala din ito sa mga karapatan at interes ng masang anakpawis pero sa kasamaang palad ay dagliang tinanggihan ni Duterte at kanyang mga militaristang heneral.

Bakit mahalaga ang CASER?

Laman ng CASER ang pagresolba sa armadong tunggalian, pagsupil sa karalitaan at matinding kagutuman at sa hinaharap ay pag-abot sa makatao at mapayapang bukas. Pangunahing layunin nito na magsilbi sa interes at kagalingan ng malawak na hanay ng masang anakpawis na nasa hanay ng magsasaka, mangingisda, manggagawa, IP’s at maralitang lunsod, sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng pambansang industriyalisasyon at pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo.

Kaya pangunahin dito ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pagpapaunlad ng batayang industriya at manupaktura upang maresolba ang kawalan ng trabaho ng mga manggagawa at pagbibigay ng mga serbisyong panlipunan gaya ng katanggap-tanggap na pabahay sa mga maralita, mahusay na serbisyo sa kalusugan at edukasyon. Layunin din nitong baguhin ang mga anti-mamamayan at anti-maralitang mga polisiya na sumasagka sa proresibong pag-unlad upang hindi maging pabalat bunga lamang ang magiging reporma kundi maging makatotohan.

Kinakailangang labanan ang militaristang tunguhin at pagpapatupad ng Martial Law na ginagawa ng rehimeng US-Duterte. Ang lahat ng ginagawang polisiya at programa ng rehimeng US-Duterte ay nakabalangkas na sa pagpapatupad ng NTF-ELCAC na gumagamit ng mapanupil at marahas na pamamaraan. Makikita ang mga imbeng pakana na kagaya ng panunupil sa malayang pamamahayag, kalayaan sa pagsasalita, pagpapatupad ng Martial Law sa ECQ, pagsusulong muli ng CHACHA, paglalarga ng mga panukalang batas na magbabago sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan gaya ng paglilimita sa 15,000 populasyon ng mga tao sa isang barangay at pagbubukas ng mga batayang yutilidad sa pag-aaring dayuhan. Kaya malinaw na hindi tutuong para sa pagresolba sa pandemyang Covid-19 o di kaya ay para sa kaunlaran ng mga maralita ang kanyang mga proyektong pangkaunlaran at hindi rin pagsalba sa buhay at kabuhayan kundi panunupil at pamamaslang ang kanyang isinusulong upang makapanatili pa rin sya sa poder ng kapangyarihan lagpas ng 2022.

Sa ganitong balangkas, mas kinakailangang maging malawak at solido ang pagkakaisa ng sambayanang lumalaban. Aktibong magmulat, magorganisa at magpakilos upang lumakas ang pakikibaka ng mamamayan laban sa isang rehimeng, pahirap, kriminal, pabaya, mapanupil at pumapaslang para mabilis na mapabagsak ang tiranikong rehimeng US-Duterte at makamit ang maaliwalas na bukas ng mamamayan.

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

Balik-probinsya-Balik Pag-asa Program, isang recycled na programang balak pagkakitaan ng rehimeng US-Duterte