Bangon Bikolano! Ibayong magkaisa at palakasin ang paglaban para sa mga batayang karapatan!
Ang hindi na maipaliwanag na kahirapan ng mamamayan ang nagmumulat sa higit na bilang ng taumbayan, nagtutulak sa kanilang maorganisa at makibaka para sa kanilang mga panlipunan at pang-ekonomiyang karapatan. Kaliwa’t kanan ang sapin-saping daing ng iba’t-ibang sektor ng lipunan: mga kontra-maralitang patakaran ng gubyerno, hindi pa masawatang pandemya at ngayon naman ang abot-langit na presyo ng langis.
Nanggagalaiti ang mga Bikolano sa pahayag ng rehimen kaugnay ng krisis na idinudulot ng pagtaas ng presyo ng petrolyo. Ayon sa sunod-sa-layaw-ng-mga-kapitalistang rehimeng US-Duterte, hindi masususpinde ang excise tax ng langis dahil nakalaan na ang kukulektahing buwis dito sa mga gastusin ng gubyerno kabilang na ang mapangwasak na mga programang Build, Build, Build.
Ang baluktot na pagpaprayoridad nang bulok na pag-iisip na rehimeng US-Duterte ay nagreresulta sa malawakan at masidhing pagdurusa ng mamamayan. Walang katulad ang nararanasan ngayong hirap ng sektor ng mga mangingisda at magsasaka dahil sa sunud-sunod na mga patakarang nagpapako sa kanila sa krus nang labis na paghihikahos. Ang mga manggagawa naman na malaon nang pinagtitiyagaan ang hindi nakasasapat na sahod ay lalo lamang pinipiga sa pamamagitan ng panukalang dagdag oras sa trabaho. Ang kababaihan naman ay nag-aalumpihit sa pagpilit na mapagkasya, kung meron man, ang kita ng kanilang mga asawang magsasaka, mangingisda o manggagawa.
Napakainam ngayon ng kalagayan upang ibayong mapagkaisa ang lahat ng mga Bikolano sa mga panawagan para isuspinde ang excise tax sa langis, ibasura ang Oil Deregulation Law at iba pang hindi makataong mga batas tulad ng Rice Tariffication Law, Philippine Fisheries Code Amendments of 2015, TRAIN Law at iba pa. Dapat sagpangin ang sitwasyong ito upang higit maparami ang namumulat, naoorganisa at napapakilos at mas mapalakas ang pakikibaka para sa karapatan ng mamamayang mabuhay nang disente. Ang pagbibigkis ng mga Bikolano at iba pang mamamayan ay isang matibay na muog na bibigo sa mga patakaran at hakbangin ng mapangwasak na rehimeng US-Duterte.
Hindi dapat tanggapin ng mga Bikolano na maigupo ng labis na karukhaan maisalba lamang ng sugapang rehimeng US Duterte ang naghaharing-uri. Dapat maging mas aktibo ang mga Bikolano upang higit na lumakas ang kanilang pakikibaka at mabigyan lunas ang kanilang mga suliranin. Bunsod ng hindi masukat na kahirapan, mas lalo lamang tumitingkad ang katotohanang tanging sa pagwasak ng malakolonyal at malapyudal na sistema makakamit ang katarungang panlipunan.