Barangay Development Program, instrumento ng pasismo at korupsyon
Read in: English
Hindi linikha ng rehimeng US-Duterte ang Barangay Development Program (BDP) para pakinabangan ng mamamayan. Layunin nitong bulagin ang mamamayan mula sa reyalidad – na sinasalanta ng militarisasyon ang buhay at kabuhayan ng taumbaryo, na hungkag ang lahat ng programang pangkaunlaran ng rehimen at ng galamay nitong NTF-ELCAC at walang inuusad ang kampanyang kontrainsurhensya ng rehimen. Idaragdag lamang nito ang bawat sentimo ng P20 milyong pondo kada barangay sa bulsa ng mga kontraktor, pulitiko at militar at sa pondo para sa pasismo.
Ilang buhay ng bata’t kabataan, magsasaka at kababaihan ang ilalagay sa panganib ng BDP. Alinsunod sa EO 70, tiyak pamumunuan ng AFP ang pagpapatupad nito. Sa pagitan ng mga pakitang-taong proyekto, sasamantalahin ng mersenaryong hukbo ang pagkakataong dakipin, piliting sumuko, paslangin at palabasing BHB ang mga taumbaryong pinaghihinalaan nilang kasapi at tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.
Umaabot na ng 46 ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa buong rehiyon mula Enero 2020 hanggang kasalukuyan. Pinakamaraming insidente nito ang naitatala sa mga eryang mayroong Retooled Community Support Program (RCSP). Nitong Enero, pinaslang ng 2nd IBPA si Ronnie Villamor, isang pastor at kagawad ng midya, sa Milagros, Masbate.
Ngayong Pebrero, napabalita ang sunud-sunod na pamamaslang at masaker sa Camarines Norte. Sa loob lamang ng isang linggo, anim na sibilyan ang pinaslang ng militar at pulis. Minasaker sina Enrique Cabilles, Arnel Candelaria at Nomer Peda ng Brgy. Lanot, Mercedes at pinaslang naman si Brgy. Kagawad Melandro Verso ng Brgy. Dumagmang, Labo. Pinagnakawan din ang pamilya ni Kgd. Verso ng mga alahas at iba pang ari-ariang aabot umano sa ilang milyong piso. Sa parehong linggo, pinaslang din ang isang magsasakang pinaratangang mayroong kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan sa Pasacao, Camarines Sur. Sa lahat ng kaso, pinalabas ng militar at pulis na ‘nanlaban’ ang mga biktima.
Dinukot din ng 83rd IBPA ang isang menor-de-edad matapos ang isang engkwentro sa BHB sa Brgy. Toytoy, Garchitorena, Camarines Sur nitong Pebrero 1. Halos isang buwan nang makalipas, itinatago pa rin ng militar ang kinaroroonan ng biktima mula sa kanyang mga magulang.
Hindi malilinlang ng mga farm-to-market road at iba pang hungkag na programa ang mamamayang sistematikong ninanakawan, pinagsasamantalahan at dinarahas ng pasistang estado. Sa halip, higit nitong pinatutunayang ang tanging itinataguyod nito ay ang interes ng mga diktador at burukrata kapitalista. Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolanong walang puknat na ilantad ang BDP bilang isang hungkag na programa ng teroristang rehimen at labanan ang pagpapatupad nito. Dapat nilang igiit ang pag-aalis ng pondo ng ganitong mga pasistang pakana at ipanawagan ang paglipat nito sa mga sosyoekonomikong programang tunay na pakikinabangan ng masa.
Higit kailanman, ngayon kinakailangang magkaisa’t ipagtanggol ang mga komunidad mula sa pananalasa ng mga militar at iba pang ahente ng pasistang estado. Ipanawagan ang pagpapabasura sa EO 70, ang pangunahing batayan ng kapangyarihan ng NTF-ELCAC, at sa huli, ang pagpapabagsak sa pasistang rehimeng US-Duterte.