Batang Mangyan-Buhid, hindi NPA, pinatay ng PNP-SAF at 4th IBPA sa Roxas, Oriental Mindoro!
Kasuklam-suklam at dapat na kondenahin sa pinakamataas na antas ang ginawang pagpatay sa isang batang Mangyan-Buhid ng berdugong pwersa ng 203rd Bde – PNP MIMAROPA noong July 3. Para pagtakpan ang kanilang krimen, nagpakalat ng fake news ang 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA na may naganap na engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng Lucio De Guzman Command – NPA – Mindoro (LDGC-NPA-Mindoro) at ng pinagsamang pwersa ng 4th Infantry Battallion ng 203rd Brigade Philippine Army at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Philippine National Police (PNP) sa sitio Tauga Daka, bayan ng Roxas, Oriental Mindoro noong Linggo, Hulyo 3, 2022.
Ang totoo, pamamahay ng Mangyan Buhid na si G. Inyab ang niratrat ng PNP-SAF at 4th IBPA sa sityo Tauga Daka, Brgy. San Vicente Roxas noong Hulyo 3 at hindi yunit ng Lucio de Guzman Command – New People’s Army (NPA) Mindoro. Resulta nito, namatay ang isang menor de edad sa walang habas na pamamaril sa pamamahay ni G. Inyab. Hindi pa nasiyahan, hinuli ang maybahay na si G. Inyab kasama ang isang matandang babae at isang bata at dinala sa sityo Hingin, Bgy. Lisap, Bongabong Oriental Mindoro.
Nagalit ang mga pasistang sundalo’t pulis nang aksidenteng matapakan ng mga nag-ooperasyong pwersa ng PNP-SAF at 203rd Bde ang mga inilagay na balatik ni G. Inyab sa saklaw ng kanyang lupain. Ang mga balatik ay gamit ni G. Inyab sa panghuhuli ng baboy damo. Dahil sa nalikhang sugat sa ilang mga sundalo’t pulis, naghuramentado ang mga itong niratrat ang pamamahay ni G. Inyab na nagresulta sa pagkapinsala ng mga biktima. Upang pagtakpan ang ginawang krimen ng mga sundalo’t pulis, ipinakalat nila sa media at cyber-media na merong “engkwentro” sa pagitan ng kanilang pwersa at NPA para maitago ang katotohanan at palabasing nananalo sila laban sa NPA.
Para gawing kapani-paniwala ang nilubid nilang kwento, tinamnan ng M16, bandoler ng magasin at mga bala ang bangkay ng pinaslang nilang binatilyo, kinunan ng litrato at ipinaskel sa social media para pagmukhaing NPA ang nasawi. Inilagay din sa tabi ng M16 ang katutubong pana at palaso. Inilantad lamang nito ang pagiging ignorante ng mga pasistang militar sa tradisyon at kaugalian ng mga Mangyan na ang pana at palaso ay ginagamit lamang nila sa pangangaso ng hayop gubat at hindi bilang sandata laban sa tao. Isa itong nakasusulasok at krudong pamamaraan na matagal nang ginagawa ng mga mamamatay-taong AFP-PNP upang pagtakpan ang kanilang krimen sa mamamayan.
Ito ang isa sa mga unang krimen ng nagpapatuloy na pananalasa ng JCP-Kapanatagan at NTF-ELCAC sa mamamayang Mindoreño sa ilalim ng ilehitimo at magnanakaw na rehimeng US-Marcos II. Dapat itong kondenahin, ilantad at labanan sa lahat ng paraan.
Tinatawagan namin ang mamamayang ilantad at labanan ang ganitong karahasan at krimen ng mga pwersa ng estado laban sa mamamayan. Tinatawagan din namin ang mga makabayan at makamamamayang lokal na opisyales sa Mindoro at ang Commission on Human Rights (CHR) na imbistigahan ang nasabing krimen, tulungan ang mga biktimang magsampa ng kaso at kamtin ang hustisya sa kanilang sinapit at panagutin ang mga opisyal ng 203rd Bde at PNP-MIMAROPA.
Makakaasa ang mga biktima at mamamayan na gagawin ng rebolusyonaryong kilusan sa pangunguna ng LDGC – NPA – Mindoro at National Democratic Front of the Philippines – Mindoro ang lahat ng kanyang kakayanin upang bigyan ng rebolusyonaryong hustisya ang mga biktima. Lalung kailangan ang armadong paglaban na isinusulong ng NPA para sa katiyakan ng sariling armadong lakas ng sambayanan upang ipagtanggol ang Pambansa at demokratikong aspirasyon ng sambayanang Pilipino.###