Batikusin ang kudetang militar sa Myanmar, labanan ang lumalaking poder ng militar sa Pilipinas
Read in: English
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa internasyunal na komunidad sa pagbatikos sa naganap na kudeta sa Myanmar noong Pebrero 1 at imposisyon ng national emergency. Sa pamumuno ni Gen. Min Aung Hlaing, inagaw ng mga lider ng militar ang kapangyarihang pampulitika at ikinulong ang mga sibilyang lider kabilang si Aung San Suu Kyi at iba pang lider ng National League for Democracy (NLD).
Pinigilan ng kudeta ang pagbubukas ng parlamento na iniluklok sa eleksyon noong Nobyembre 2020. Tumangging ang mga lider ng militar na kilalanin ang resulta ng eleksyon kung saan ang sinusuportahan nilang partido ay tinambakan ng NLD.
Pandanda ang kudeta ng panunumbalik sa monopolyong kapangyarihan ng militar na mahigit 50 taong namayani sa Myanmar. Sa ilalim ng absolutong paghaharing militar, dumanas ang malawak na hanay ng mamamayan ng Myanmar ng labis na pang-aabuso, paglabag sa karapatang-tao, mga gerang henosidyo, pandarambong sa rekursong pang-ekonomya at kurapsyon ng mga upisyal ng militar. Nitong 2016 lamang pumayag ang militar ng Myanmar sa “power-sharing” o pakikihati sa kapangyarihan sa mga inihalal na sibilyang lider, ngunit sa kundisyon lamang na mabibigyan sila ng tiyak na pwesto sa parlamento at ng kapangyarihang italaga ang bise presidente, upisyal sa depensa, usaping panloob at ibang susing upisyal.
Hawak ang di nahahanggang kapangyarihan, walang pakundangang niyurakan ng militar ng Myanmar ang demokratikong aspirasyon ng mamamayan, inilugmok sa matinding kahirapan ang malawak na hanay ng masa at pinalawig ang kanilang ekonomikong interes. Ang crackdown ng militar noong 2017 sa estado ng Rakhine, na pwersahang nagpalikas sa 700,000 mamamayang Rohingya patungong Bangladesh, ay bumundat sa mga kumpanyang pag-aari ng militar. Sa harap ng kapangyarihang militar, dinepensahan ni Suu Kyi ang pagmasaker sa mga Rohingyan sa International Court of Justice, na sumira sa kanyang reputasyon at katayuang internasyunal.
Sinusuportahan ng PKP ang paglaban ng mamamayan ng Myanmar sa kudeta noong Pebrero 1 at ang panunumbalik ng absolutong paghaharing militar. Pinupukaw ng diktadurang militar ang malawak na masa ng Myanmar para tumungo sa lansangan, maglunsad ng mga welga, tumangan ng armas at lumaban.
Dapat matuto mula sa Myanmar ang mamamayang Pilipino kung saan malinaw na ipinamamalas ang kabuktutang antidemokratiko ng paghawak ng mga pwersang militar sa kapangyarihang pampulitika at pamumuno sa mga usapin ng estado.
Sa kabila ng isinasaad ng konstitusyong 1987 na “ang sibilyang awtoriad, sa lahat ng panahon, ay mas mataas sa militar,” ang pampulitikang kapangyarihan ng mga heneral ay lumawig sa ilalim ng rehimeng Duterte. Para itatag ang sarili bilang diktador, pinalawig ni Duterte ang mga kapangyarihan ng militar at pulis, pinalaki ang badyet ng AFP at PNP, naglunsad ng mga gera at itinalaga ang dating mga upisyal ng militar sa mga susing ahensya ng gubyerno.
Aktibong ginagamit ng mga dati at kasalukuyang heneral ng AFP ang antikomunismo para bigyang katwiran ang pakikialam nito sa pulitika sa eleksyon, at ang umiigting nitong papel sa pagdidikta ng patakaran at prayoridad sa badyet.
Ang buong gubyerno ni Duterte ay nasa ilalim na ng awtoridad ng NTF-ELCAC. Hawak ang maraming kapangyarihan, ang NTF-ELCAC ay isang hunta ni Duterte at militar na tinutulak ang mga ahensya ng gubyerno na sumunod sa bawat dikta nito sa takot na mabansagang simpatisador ng mga komunista.
Dapat labanan ng mamamayang Pilipino ang umiigting na poder ng miitar. Kung magpapatuloy ang paglawig ng kapangyarihan ng militar, lalo na sa ilalim ng NTF-ELCAC, hindi malayong humantong ang Pilipinas sa madugong landas ng diktaduryang militar ng Myanmar.