Batikusin ang No Vaccine, No Right patakaran ni Duterte! Karapatan ng mamamayan itaguyod at ipaglaban!
Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng mga Bikolano na batikusin at labanan ang tahasang pagkakait ng rehimeng US-Duterte sa kanilang mga karapatan sa tabing ng pandemya. Habang patuloy na binabaka ng taumbayan ang pag-igting ng pagkalat ng Omicron variant ng Covid-19, binabaka rin nila ang ala-Martial law na panunupil at pagsikil ng kanilang mga karapatan dulot ng patung-patong na mga panukalang tulad ng No Vaccine, No Pay; No Vaccine, No Ride; No Vaccine, No Labas at iba pang polisiyang baluktot na ibinabangga ang karapatan ng mamamayan sa solusyong medikal.
Sa rehiyong Bikol, nagsimula na ang papasahol na mukha ng mga restriksyon na ito. Sa Albay, magsisimula na ang panukalang no vaccine, no ride habang nagaganap na rin ang no vaccine, no work sa ilang mga bayan. Pinupog ang rehiyon ng hindi bababa sa 120 checkpoints sa iba’t-ibang mga hayway at kalsada upang harangin at bantayan ang mga pumapasok sa mga hangganan ng mga prubinsya. Inoobliga ang mga tao na dalhin ang kanilang vaccination card kahit saan man sila pumunta. Bukod pa rito, ibinaba rin ang direktiba ng DILG sa pagkuha ng mga pangalan ng mga hindi bakunado sa mga barangay. Hinuhuli at ikinukulong o pinagmumulta ang mamamayang mahuling lumabag sa mga mahigpit na kautusan ng gubyerno. Sinamantala rin ng pulis at militar ang pandemya upang maglunsad ng malalawakan at matatagalang operasyon hanggang sa mga liblib na baryo at komunidad.
Anumang pagbibigay-katwiran na gawin ng rehimeng US-Duterte sa panibagong kautusang ito, hindi sinasagot ng mapaniil na patakarang ito ang kawalan ng libreng mass testing, kakulangan sa mga contact tracers, kakulangan sa gamot at bakunang sasapat sa lahat ng 110 milyong Pilipino at komprehensibong information drive upang mapataas ang pag-unawa ng masa sa bakuna at Covid-19. Hindi mababawi ng mga mapanupil na patakaran ni Duterte ang kawalan ng maaasahan at nakasasapat na sistemang pangkalusugang ibinunga ng deka-dekadang pribatisasyon at komersyalisasyon ng serbisyo. Ang mga ito ang tunay na ubod ng problema sa pandemya.
Alam ng lahat na patakaran ng rehimeng US-Duterte ang pagpaslang. Ito ang nasa likod ng kanyang mga kautusang tulad ng MO32, EO 70 at NTF-ELCAC at Anti-terror Law. Ginagamit ni Duterte bilang sandata laban sa lahat ng kumukontra sa kanyang gubyerno ang mga batas na tulad ng naturan. Lagi niyang bukambibig ang pagpatay sa mga taong hindi susunod sa kanyang mga kautusan. Hindi siya nagkakasya sa pagkalugmok ng kanyang mamamayan sa matinding pang-aapi at kahirapan. Bagkus nais pa niyang ilibing sila ng buhay sa pamamagitan ng desperadong pagkapit at pagpapakita ng kanyang kapangyarihan hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino. Asahan na ng mga Bikolano at iba pang mamamayan ang paghambalos muli ng walang imbing kalupitan mula sa rehimeng US-Duterte.
Naninindigan ang NDF-Bikol na hindi dapat magpagapi ang mamamayan Bikolano sa sukdulang pasismo ng berdugong rehimen. Dapat walang kapagurang silang magbantay upang mapigilan ang mga pagtatangka ng pinagkumbinang pwersa ng AFP-PNP-CAFGU na sila ay harasin, hulihin, sampahan ng mga gawa-gawang kaso at higit sa lahat, paslangin upang tuluyan nang mapatahimik. Tama lamang na pahigpitin ng mga Bikolano ang kanilang pagkakaisa at pakikibaka. Magpatuloy sa paglaban upang ipagtanggol at itaguyod ang mga karapatan at interes ng sambayanan. Walang kakayahan ang reaksyunaryo at inutil na rehimen na pumigil sa lalo pang pagtatag at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan. Dahil sa panahong harapin nila ang daluyong ng galit at poot ng taumbayang magmimistula silang mga tutang bahag ang buntot na tatakbo palayo upang magtago at iligtas ang mga sarili.
Itaguyod at ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan!
Duterte, pabagsakin at panagutin!