Batikusin ang pag-aresto sa “potensyal na suicide bombers” na mga kababaihang Moro
Read in: English
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Pilipino at Moro sa pagkundena sa di makatwirang maramihang pag-aresto sa siyam na kababaihang Moro sa mga bayan ng Patikul at Jolo sa prubinsya ng Sulu sa hibang na dahilang sila’y “potensyal na suicide bombers.” Bitbit ng marami sa mga inarestong kababaihan ang mga sanggol at bata nang sila’y damputin ng mga pwersang militar.
Atake sa demokratikong karapatan ang mga pag-aresto. Hindi kapani-paniwala ang sinasabi ng militar na nakadiskubre sila ng mga bomba at kagamitan sa paggawa ng bomba sa tahanan ng mga inarestong kababaihan sa harap ng gawi ng mga pulis at militar na magtanim ng ebidensya laban sa diumano’y mga pinaghihinalaang terorista. Hindi naniniwala ang mga tagamasid na magtatago ng mga pasabog ang mga kababaihan sa kanilang tahanan kasama ang kanilang mga anak.
Malinaw na may kontra-Islam na pagkilos ang paninibasib kung saan ang mamamayan ay tinatatakan ng militar na “suicide bomber” o sa kasong ito, “potensyal.” Tinarget ng AFP ng pag-aresto at pagsupil ang mga babae dahil lamang sila’y mga asawa, kapatid o anak na babae ng mga lider ng Abu Sayaff.
Hinihikayat namin ang mamamayang Moro na magprotesta laban sa mga pag-aresto sa Jolo. Titindi pa ang mga atakeng ito sa ilalim ng Anti-Terror Law.