Batikusin ang walang-awang pagpatay ng Duterte death squad kay Randall Echanis

Translation: English

Sukdol-galit na binabatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang walang kaabog-abog na pagpaslang kay Randall Echanis, Tagapangulo ng Anakpawis party-list at konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)
sa usapang pangkapayapaan. Si Ka Randy, 72, ay pinatay kaninang umaga ng mga armado sa kanyang inuupahang bahay sa Novaliches, Quezon City. Naiulat na siya’y pinagsasaksak.

Ang pagpaslang kay Echanis ay walang dudang kagagawan ng pasistang rehimeng Duterte, ipinag-utos ng kampon ng mga kriminal na terorista sa National Task Force at isinagawa ng mga death squad ni Duterte sa militar at pulis.

Ipinag-utos mismo ni Duterte sa kanyang militar at pulis na tugisin ang mga konsultant ng NDFP matapos niyang tapusin ang negosasyong pangkapayapaan noong 2017.

Ang ekstrahudisyal na pagpatay kay Echanis ay malupit na pagsalakay sa mga demokratikong pwersa na patuloy na naninindigan sa harap ng walang-habas na pag-atake ng tiranikong rehimen laban sa bayan at sa kanilang mga karapatang sibil at pulitikal. Buong-taksil na isinagawa ito ng mga pwersa ng estado sa walang saysay na layong sindakin sa terorismo at paluhurin ang bayan. Bahagi ito ng nagpapatuloy na iskema ng rehimeng Duterte na konsolidahin ang pasistang rehimen sa pamamagitan ng pamamaslang at iba’t ibang anyo ng terorismo ng estado.

Pinaiigting ng rehimen ang mga pagsalakay nito sa desperasyong tabunan ang kumukulong galit ng bayan sa harap ng papalalim na krisis sa lipunan at ekonomya, at sa kalusugang pampubliko, at sa harap ng sumisidhing diskuntento
ng bayan kapwa sa kalunsuran at kanayunan.

Dapat magkaisa at kundenahin ng lahat ng demokratikong pwersa ang pagpaslang kay Ka Randy. Dapat nilang igiit na pagbayarin si Duterte mismo sa pagpatay kay Echanis at sa pagpatay sa kapwa mga konsultang pangkapayapaan tulad ni Julius Giron at Randy Malayao. Dapat wala silang lubag sa paggiit ng katarungan para sa libu-libong iba pang pinatay, ikinulong, tinortyur at biniktima ng terorismo sa ilalim ng huwad na drug war, madugong counterinsurgency, gera laban sa mga
Moro at todo-largang pampulitikang panunupil at terorismo ng estado.

Sa ngalan ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa, ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lubos na pakikidalamhati sa asawa ni Echanis, sa kanyang mga anak, pamilya, kaibigan at mga kasama sa pambansa-demokratikong kilusan. Sa pag-aalay niya ng kalakhang bahagi ng kanyang buhay sa layunin ng pambansa at panlipunang paglaya, sadyang si Ka Randy ay isang bayani ng sambayanang Pilipino. Isa siyang matatag na tagapagtaguyod ng pakikibaka ng mga manggagawa at magsasaka, at isang pwersang tagapagbuklod ng iba’t ibang mga uri at sektor.

Nagpupugay ang Partido kay Ka Randy bilang isang walang-kupas na rebolusyonaryong mandirigma. Kabilang siya sa libu-libong kabataang aktibista na lumahok sa rebolusyonaryong kilusan noong katapusan ng dekada 1960 at matapang na lumaban sa diktadurang US-Marcos. Nang idineklara ang batas militar
noong 1972, lumahok siya sa armadong pakikibaka at kabilang sa mga unang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa maagang panahon ng paglawak at paglago noon sa mga rehiyon sa hilagang Luzon.

Siya ay dinakip, pinahirapan at ibinilanggo ng diktadurang Marcos. Muli siyang inaresto at ikinulong sa ilalim ng rehimeng Aquino at Arroyo. Nagpatuloy siya sa pagsulong ng pambansa-demokratikong layunin sa pamamagitan ng pagsusulong ng layunin ng reporma sa lupa sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka. Nakilala siyang isa sa gulugod ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, pati na ng partidong
Anakpawis.

Dahil sa pagsusulong niya ng pakikibaka ng uring magsasaka at masang anakpawis, hiningi sa kanya ng National Democratic Front of the Philippines na maging isa sa konsultant nito sa usapang pangkapayapaan, partikular na sa usapin ng reporma sa lupa. Ibinigay niya ang kanyang kaalaman sa NDFP sa pagsisikap nitong buuin ang borador ng Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms (CASER) na nagbalangkas ng mga kinakailangang hakbangin para lutasin ang mga susing usapin na nasa ubod ng kasalukuyang gera sibil sa Pilipinas, kabilang ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, na inihanay bilang mga sentral na programa.

Sa piling ng mga Pulang mandirigma sa kanyang kabataan, nakilala si Ka Randy sa pangalang sa pakikibakang si Ka Makar, na aniya’y hindi lamang pagpupugay kay Macario Sakay, noo’y rebolusyaryong Pilipino na nagpatuloy ng armadong paglaban sa mga kolonyal na pwersang Amerikano noong unang bahagi ng siglo 20, kundi’y pagdugtong rin ng salitang “Maso” at “Karit.” Bilang isang rebolusyonaryong mandirigma, talagang mahigpit na hinawakan ni Ka Randall ang maso sa isang kamay, at ang karit sa kabila, nagpunyaging sa pagbubuo ng alyansang manggagawa at magsasaka, at itinaguyod ang layunin ng proletaryado hanggang sa kanyang huling hininga.

Habampanahon na itataguyod ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan ang alaala ni Ka Randall Echanis. Gawin siyang huwaran ng walang pag-iimbot at walang sawang paglilingkod sa masang anakpawis at sambayanan.

Katarungan para kay Randall Echanis!

Wakasan ang tiraniya at terorismo ng pasistang rehimeng Duterte!

Mabuhay ang alaala ni Ka Randy!

Batikusin ang walang-awang pagpatay ng Duterte death squad kay Randall Echanis