BDP, proyekto para sa pangungurakot at pasismo ng NTF-ELCAC
Taliwas sa ipinagmamalaki ng NTF-ELCAC at rehimeng US-Duterte, hindi kaunlaran ang hatid ng huwad na Barangay Development Program. Palamuti lang ang P16.4 bilyong programa para sa idineklara nilang “cleared barangays” na diumano’y nalinis na sa presensya ng CPP-NPA.
Ipinipresenta ng NTF-ELCAC ang BDP bilang maningning na solusyon upang mawala ang suporta ng masang magsasaka sa New People’s Army. Diumano’y titiyakin nito ang mga farm-to-market roads, mga kagamitan sa pagsasaka, eskwelahan, sistema ng patubig, at iba pang proyektong pangkabuhayan at panlipunan. Bukod sa hindi pa ito ibinibigay, magiging artipisyal ang kaunlarang hatid ng mga imprastraktura at kagamitan kung mananatili ang monopolyong pag-aari sa lupa, na ugat ng pagsasamantala at pang-aapi sa masang magsasaka.
Magsisilbing bagong pork barrel fund ang bilyun-bilyong BDP na magpapadulas sa mga proyektong imprastraktura na tiyak na ginagawang palabigasan ng mga burukrata-kapitalista at mga opisyal ng militar. Tiyak ring pakikinabangan ito pangunahin ng mga alipures ni Duterte para sa nalalapit na eleksyong 2022.
Sa Rizal, walang natatamasang kaunlaran ang Brgy. Puray, Rodriguez. Tanging paulit-ulit na pagpapasuko, iligal na pang-aaresto at pagsampa ng gawa-gawang kaso ang dinanas ng mga residente kahit hanggang sa mga karatig na barangay. Malinaw na perwisyo at hindi interes ng mga residente ng barangay ang pinaglalaanan ng pondong P20 bilyon.
Sa halip na pamamayagpag ng korapsyon at pasismo, dapat na tunay na magsilbi ang P20 bilyong pondo para sa kapakanan ng mamamayan. Higit na nangangailangan ang mga Rizaleño ng ayuda sa panahon ng pandemya at umiigting na krisis. Walang dudang mas pakikinabangan nila ang pondo para sa kanilang kabuhayan at araw-araw na pangangailangan kapag naipamahagi ito.
Nananawagan kami sa mamamayang Rizaleño na singilin ang rehimeng US-Duterte na ibigay ang P20 bilyong nakalaan sa mga “cleared barangays” bilang ayuda.
Nananawagan din kami sa mga tapat na upisyal ng gubyerno na busisiin ang pondong ito upang tiyaking hindi mauuwi sa bulsa lamang ng mga kurakot at pasista, at sa halip ay mapakinabangan ng mamamayan bilang ayuda ngayong panahon ng pandemya. Sa panahong papalubha ang dinaranas na krisis ay lalo’t higit na dapat sulingan ng mamamayan ang pagkakaisa at pagtutulungan para itaguyod ang kanilang demokratikong interes at kapakanan, at upang maging malawak na pwersang magwawakas sa kahirapang idinudulot ng rehimeng US-Duterte.###