BHB-Palawan: Bounty Hunting ng AFP – WesCom, nagresulta ng Paglabag sa Karapatang Tao ng mga Sibilyan!

Ang 18th Special Force Company (18th SFC) at 3rd Marine Brigade (3rd Mbde) ang
naghahasik ng terorismo ng estado sa mamamayan.

Mariing kinukundena ng Bienvenido Vallever Command ang mga serye ng paglabag sa karapatang tao ng mga katutubong Palaw’an at mga magsasaka sa Timog Palawan dahil sa walang tigil na mga operasyong militar na isinagawa ng 18th SFC at 4th MBLT. Labis na takot at perwisyo ang idinulot nito sa mga tahimik na komunidad ng mga katutubo ng Brooke’s Point, Rizal at Quezon kung saan nakasentro ang operasyong militar ng AFP-WesCom.

Ang maigting na mga operasyong militar na ito sa ilalim ng Joint Task Force Peacock ay tulak ng mapanlinlang na ’20-Million Bounty Jackpot’ na inilaan ng desperadong rehimen sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng nasa listahan nilangdiumanong matataas na lider ng CPP-NPA sa Palawan. Ang paglalagay ng bounty ng AFP-WESCOM ay palatandaan ng kabiguan ng inteligens at kawalang suporta nila sa mamamayan. Kaya’t nagpapakana silang silawin ang mamamayan ng milyon-milyong pondo para lamang makakuha ng impormasyon.

Samantala, takam na takam ang matataas na opisyal ng buong AFP-WesCom sa halagang ito, lalo na ang bagong commanding officer(CO) nito na si Lt. Gen. Erickson Gloria na pumalit kay General Rene Medina. Hindi katakataka na gagawin nilang lahat ng pamamaraan upang makasilo ng kahit isa man lang sa tinutukoy nilang 5 matataas na opisyal ng CPP-NPA Palawan.

Nakarating sa kaalaman ng BVC ang mga paglabag sa karapatang tao na ginawa ng 4th MBLT at 18th SFC sa kanilang operasyon na sumaklaw nang halos 3 linggo nitong buwan ng Hunyo. Pilit na ginawang guide si Merkel Mansuna, 17 taong gulang na isang katutubong Palaw’an mula sa So. Bayog Brgy. Aribungos, Brooke’s Point na halos ay 24 oras siyang binihag at ginawang giya ng mga nag-ooperasyong elemento ng 4th MBLT.

Bago ito, sapilitang pinasok ang 5 kabahayan sa nasabing sityo, sinira ang mga gamit at winasak ang mga pananim, kabilang ang pag-aari ng pamilya Mansuna. Napilitang lumikas ang higit 10 pamilya upang makaiwas sa interogasyong militar at pananakot. Habang sa Brgy. Cacawitan, Quezon naman binugbog si Ben Veloso, isang magsasaka na pinaratangang tagasuporta ng NPA. Sa Brgy. Iraan, Rizal naman, pilit pinag-armas at isinama sa operasyong militar ang 17 taong gulang na katutubong Palaw’an na nagngangalang Dipdip. Malaking kawalan sa hanapbuhay ng mga magbabagtik sa bahagi ng Quezon, at Rizal ang arbitraryong pagbabawal ng 18th SFC na pumunta sila sa kanilang mga lugar bagtikan upang mag-ani ng bagtik na pangunahin nilang pinagkukunan ng kabuhayan. Ang lahat ng ito ay sinasabayan ng mga media stunt na parada ng mga peke at recycled rebel returnees, na kasangkapan upang makakubra ng pondo mula sa ECLIP at LSIP.

Ilan lamang ito sa mga matitingkad na paglabag sa karapatang tao ng mga sibilyan na nakarating sa aming himpilan. Tiyak na mas dadami pa ito habang papalaki ang saklaw ng operasyong militar sa ilalim ng JTF-Peacock sa kumpas ng amo nitong si General Gloria at Gobernador Jose Chavez Alvarez (JCA). Sa kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimen at AFP na tumatarget sa mamamayang Palawenyo, hinding-hindi makakamit ng PTF-ELCAC ang layunin nitong durugin ang rebolusyunaryong kilusan sa Palawan. Sa halip, nagiging makatwiran sa mamamayan na magrebolusyon dahil sa pagtindi ng mga kundisyong likha ng mga karahasang militar na magpapabilis sa paglahok nila sa armadong rebolusyon. Ang pagyurak sa karapatang sibil, kultural at sosyo-ekonomiko ng mga mamamayan ang syang mitsang magtutulak upang itakwil ng mga Palawenyo ang korap, makadayuhan at reaksyunaryong gobyerno ni JCA at ng rehimeng US-Duterte.

Mabuhay ang Sambayanang Lumalaban!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

Mabuhay ang Rebolusyon!

BHB-Palawan: Bounty Hunting ng AFP - WesCom, nagresulta ng Paglabag sa Karapatang Tao ng mga Sibilyan!