BHB, tunay na hukbo ng mamamayan! Kakampi ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan!
Hanggang ngayon, hindi pa rin tapos si Camarines Norte Provincial Police Director Julius Guadamor sa pagsisinungaling kahit wala naman nang nakikinig sa kanya. Ipinagpipilitan pa rin niyang pinatutunayan ng taktikal na opensiba ng Armando Catapia Command (ACC)– BHB Camarines Norte nitong Marso 19 na may kaugnayan ang anim na sibilyang pinaslang ng PNP noong Pebrero sa rebolusyonaryong kilusan – kahit pinabubulaanan ito ng mga panayam at paglabas sa publiko ng mga kaanak at kababaryo ng mga biktima.
Walang anumang kaugnayan ang naturang mga sibilyan sa rebolusyonaryong kilusan, pero, hindi naman mali ang sinasabi ni Guadamor na kakampi nila ang NPA. Hindi nga lang sa malisyosong paraang nais palabasin ng PNP Camarines Norte kundi gaya nang kung paanong ang CPP-NPA-NDFP ay kakampi rin ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan sa Pilipinas at iba pang mamamayang lumalaban sa buong daigdig – anuman ang kanilang katayuan sa buhay, maging yaong iba ang paniniwala.
Bilang tunay na hukbo ng mamamayan, sadyang tinuturing ng masa ang Bagong Hukbong Bayan bilang maaasahan nilang kakampi laban sa mga atake ng reaksyunaryong estado. Alam nilang bitbit ng BHB ang kanilang interes at kagalingan sa lahat ng panahon. Alam ng masang iba ang BHB sa traydor at walang malasakit na AFP-PNP-CAFGU. Maging ang pamilya ng mga napaslang na pulis sa taktikal na opensiba ng BHB Camarines Norte ay nagpahayag nang kanilang pagtinging pinabayaan ng kanilang mga kabaro ang mga kapwa nila pulis sa naturang labanan.
Naghahabol lamang ng simpatya si PD Guadamor sa pilit pa ring pag-uugnay ng mga biktima ng kanilang Synchronized Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) sa NPA. Tinatangka niyang ikundisyon ang isip ng madla bago pa magpatupad ang PNP nang higit na mabagsik at brutal na mga operasyon sang-ayon sa atas ng kanilang punong mamamatay-taong si Duterte. Ipinipilit nila ang kanilang militaristang estratehiyang whole of nation approach na isinusuka na ng masa. Kamakailan lang, muling inutos ni Duterte na ‘walang bubuhayin’ sa mga NPA. Samantala, nanawagan din si PNP OIC Guillermo Eleazar ng ‘hit hard’ laban sa Pulang hukbo at rebolusyonaryong kilusan.
Ngunit, alam naman ng publikong ang sibilyang populasyon ang tunay na target ng pasista at teroristang pang-aatake ng mersenaryong AFP-PNP-CAFGU. Sa loob pa lamang ng tatlong buwan, 15 na ang pinaslang at minasaker na sibilyan sa buong rehiyon. Katumbas ito ng isang pinapatay kada limang araw. Sa buong bansa, umaapaw na ang galit ng mamamayang nasaid na ang luha sa walang humpay na paglilibing ng kanilang mga mahal sa buhay at kakilalang pinaslang ng teroristang rehimeng Duterte.
Nananawagan ang Romulo Jallores Command-BHB Bikol sa masang Bikolano at lahat ng mamamayang inaapi’t pinagsasamantalahan na patuloy na tangkilikin at suportahan ang kanilang tunay na hukbo. Kasabay ng pagsisikap ng BHB na bigwasan ang mga kaaway ng mamamayan, marapat lamang na ibayo pang pahigpitin ng masa ang kanilang pagkakaisa at kapasyahang tuluyan nang wakasan ang diktaduryal na paghahari ng rehimeng Duterte. Makakaasa ang sambayanang Pilipinong sa bawat nilang hakbang sa landas ng makatwirang digma ng mamamayan, lagi’t lagi nilang kasabay ang kanilang lingkod na BHB.