Bibiguin ng BVC-NPA Palawan at mamamayang Palaweño ang atas ni AFP Chief Centino sa WESCOM
Hindi magtatagumpay at tinitiyak ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan na mabibigo ang atas ni AFP Chief Andres Centino sa Western Command na durugin ang kilusang rebolusyonaryo sa isla bago magtapos ang termino ni Duterte. Buong pagmamalaking iniutos ito ng pasistang pinuno sa pananalita sa ika-46 taong anibersaryo ng WESCOM noong Marso 4 kung saan tinukoy niya ang dalawang mahahalagang atas ng AFP sa tropa ng WESCOM: ang durugin ang kilusang rebolusyonaryo sa isla sa pamamagitan ng pagdakip o pagpapasuko sa isa sa mga lider nito at tiyakin ang maayos na eleksyon sa Mayo 9. Nakapadron ito sa itinakdang target ni Centino sa sarili at pangako sa tiranikong si Duterte na dudurugin nila ang buong rebolusyon sa Pilipinas bago matapos ang termino ng among pasista sa Hunyo ng taon.
Ang imbing pakanang durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya at supilin ang paglaban ng mamamayan ay sinimulan ng WESCOM sa ilalim ng rehimeng Duterte noon pang 2017 sa pagkakabuo ng Joint Task Group sa dalawang bahagi ng Palawan. Pero mula noon hanggang ngayon, nananatiling pangarap na gising at ilusyon lamang ang target na ito ng AFP at ng WESCOM. Inakala nilang sa pagkakapaslang sa ilang lider ng Hukbo at Partido noong 2020 at 2021 ay masusupil nila ang rebolusyonaryong paglabang malaon nang nakaugat sa buong probinsya. Hindi nila batid na ang marubdob na pagnanais ng mamamayang Palaweno para sa tunay na kalayaan at demokrasya ay nakatatak na sa kanilang diwa at puso oras na mamulat sila sa pang-aapi’t pagsasamantala ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.
Mangmang si Centino, ang WESCOM, buong AFP at maging si Duterte sa kasaysayan ng rebolusyonaryong paglaban sa Palawan at buong bansa. Itinatatwa nila ang katotohanang ang mamamayan ang nagtatag sa Partido at Hukbong bayan, hindi ang kabaligtaran. Ang pagnanasa ng masang anakpawis na humulagpos sa tanikala ng habambuhay na pagkaalipin ang nagtutulak sa kanilang ipagpatuloy ang rebolusyon at lumaban sa sinumang mapanupil na instrumento ng imperyalismo at lokal na naghaharing uri at pangkatin. Kaya naman kahit ano’ng pagsisikap ng reaksyon at armadong pwersa ng estadong durugin ito ay hindi sila magtagumpay, at matatag ang Partidong namumuno sa rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa at sa Palawan sa nagdaang 52 taon.
Tulad ng mga nagdaang dedlayn at atas ng AFP sa WESCOM, tiyak na bibiguin ng mamamayang Palaweño sa pangunguna ng BVC-NPA Palawan ang pangarap na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla. Patuloy na nagpapatatag ang rebolusyon sa Palawan para muling patawan ng malalakas na bigwas ang mga reaksyunaryo at pasistang tropa sa isla na patuloy na naghahasik ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga Palaweño!###