Bigo ang 5-taong digma ni Duterte na durugin ang rebolusyong bayan
Read in: English | Hiligaynon
Ngayong araw ang ikalimang taon ni Rodrigo Duterte sa poder at ng pagdurusa ng mamamayan sa ilalim ng kanyang tiranikong rehimen ng pagtataksil at terorismo, at krimen at korapsyon. Ngayon higit kailanman, nagpupuyos sa determinasyon ang mamamayan na makibaka para wakasan ang kinamumuhiang rehimen.
Sa loob ng limang taon, naging susing patakaran ni Duterte ang maramihang pagpaslang para itatag ang kanyang tiraniya, at saklutin ng lagim at lumpuhin ang mamamayan. Sa kanyang huwad na “gera kontra droga,” gera laban sa mamamayang Moro, at kanyang gera para “wakasan ang lokal na komunistang armadong tunggalian,” ang pangunahing taktika ay atakehin ang di armadong mamamayan at isailalim sila sa iba’t ibang anyo ng pang-aabuso ng armadong mga galamay ng estado.
Laksang libong mamamayan na ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang, pagdukot, tortyur, iligal na pag-aresto, red-tagging, “narco-listing,” pagbabansag na “terorista,” okupasyong militar ng mga sibilyang komunidad, walang humpay na pagharas sa mga sibilyan, sapilitang rekrutment sa CAFGU, pwersahang “pagpapasuko,” pambobomba mula sa himpapawid at walang puknat na panganganyon.
Binangkarote ni Duterte ang kaban ng bayan sa kanyang korapsyon, walang katapusang pangungutang, at pambubundat sa mga pwersang militar at pulis. Ganap niyang binalewala ang kapakanan ng mga manggagawa, magsasaka at masang walang trabaho, gayundin ang mga guro, nars, empleyado ng gubyerno, at mga kabataan. Sa halip na tugunan ang pangangailangan ng taumbayan sa pampublikong kalusugan at sosyo-ekonomiko, ginamit niya ang pandemya simula 2020 para ibayong ipailalim ang gubyerno at lipunan sa kontrol ng pulis at militar at isabatas ang mabagsik na “anti-terrorist law.”
Mabilis na bumulusok ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng Duterte dulot ng mga dagdag buwis nito, liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas at baboy, pambabarat sa sahod, pang-aagaw at pagpapalit-gamit ng lupa, ekonomikong agresyon at pandarambong ng mga multinasyunal na korporasyon sa pagmimina, mga plantasyon, proyektong pang-enerhiya at iba pang mga operasyon ng mga burgesya kumprador. Milyun-milyong mamamayan ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan kapwa sa mga syudad at kanayunan.
Sa limang taon, walang katulad ang paglala ng kawalan ng pambansang soberanya sa harap ng lantarang pagtataksil ni Duterte sa pagpapahintulot sa China na kamkamin ang exclusive economic zone at extended continental shelf ng bansa, at pagkalakal sa karapatan ng bansa kapalit ng mga armas at iba pang kagamitang pandigmang benta o bigay US.
Sa ilalim ni Duterte, malayang nakagawa ng artipisyal na isla China para itatag at palawakin ang mga pasilidad militar nito at angkinin ang mga nakapalibot na dagat at rekurso dito. Itinaboy nito ang mga Pilipino mula sa kanilang mga dagat para sarilinin ang pagdambong sa suplay ng isda at ibang lamang-dagat. Sa kabilang banda, patuloy na itinuturing ni Dutere bilang kalakal ang soberanya ng bansa, sa paghingi ng mas malaking ayudang militar mula sa US bilang “bayad” sa tagibang na Visiting Forces Agreement (VFA) na simula pa nakaraang taon ay kunwari’y ipawawalambisa. Nagbingi-bingihan siya sa sigaw na ibasura ang Mutual Defense Treaty, Enhanced Defense Cooperation Agreement at iba pang hindi pantay na tratadong militar na sanhi ng panghihimasok militar ng US sa bansa.
Tiyak na lalagpasan ng Partido at ng demokratikong rebolusyong bayan si Duterte, kahit pa magtagumpay siyang manatili sa kapangyarihan sa pamamagitan man ng pagpataw ng pasistang diktadura o pandaraya sa eleksyong 2022 para iluklok ang kanyang anak na babae o itatalagang alipures.
Matapos ang limang taon, malinaw na bigung-bigo ang inilulunsad na maruming gera ng rehimeng Duterte para durugin ang demokratikong rebolusyong bayan. Isa itong patalong gera. Sa halip na pahinain ang rebolusyon ng mamamayan, nagawa lang ng gera ni Duterte na ibayong udyukin ang rebolusyonaryong determinasyon ng bayan. Lalong napanday ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na lumaban nang may higit pang lakas para ipagtanggol ang mamamayan laban sa mga pang-aabuso ng mga pwersang militar at pulis ni Duterte.
Inilantad lamang ng digma ni Duterte ang kabulukan ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema na maipagtatanggol at mapananatili lamang sa pamamagitan ng armadong pagsupil sa mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi. Inilantad ng maruming gera ni Duterte sa mamamayan ang kawastuhan at pangangailangang maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka para wakasan ang kanilang pagdurusa.