Bigo ang ATA at ang buong pasistang makinarya ni Duterte na gapiin ang sambayanang lumalaban
Nauubos na ang bala ni Duterte. Ginawa na niya lahat mapaluhod lamang ang mamamayan sa harap ng kanyang pasistang dambana. Sinubukan na niyang magpataw ng batas militar, ipailalim ang sibilyang burukrasya sa militar, ipag-utos ang madudugo at brutal na operasyong militar at pulis hanggang sa magpasa ng mga batas na tahasang umaatake sa mga demokratikong karapatan. Sinamantala na niya maging ang pandemya upang marahas na supilin ang masa. Ngunit bigo pa rin siya.
Isang taon matapos ilusot ang Anti-Terror Act 2020 na siyang korona ng kanyang teroristang paghahari, bigo siyang supilin ni pahinain man lamang ang lahatang-panig na paglaban ng mamamayan. Nagkakamali si Duterte sa pag-aakalang masisindak ng ATA 2020 ang mamamayan, mabubusalan sila sa paghiyaw ng kanilang mga panawagan at matutuldukan ang kanilang pakikibaka. Sa bawat isang organisasyong inaatake, kaliwa’t kanan ang pag-usbong ng mga panibagong samahan at alyansang nagtatakwil sa pasismo at sukdulang kainutilan ng rehimen. Sa bawat isang aktibista at progresibong ginigipit, inaaresto o pinapatay, laksa-laksang iba pa ang namumulat at naitutulak na kumilos at organisadong linalabanan ang karahasan ng estado. Higit lamang silang dumarami, higit lamang silang nakokonsolida.
Pinaigting ng taumbayan ang anti-pasistang panawagan. Ngayon, hawak na ng ATA 2020 ang rekord sa pinakatinutuligsang batas sa kasaysayan ng bansa. Maging ang kilusang anti-pasismo ng internasyunal na komunidad at mga migranteng Pilipino ay ibayo pang lumakas.
Higit sa lahat, ibinunga ng ATA 2020 at ng pagtindi ng pasistang atake ng rehimen ang lalong paglinaw ng kaibahan ng bulok-sa-kaibuturang estado ng naghaharing-uri at ng rebolusyonaryong kilusang tunay na nagtataguyod sa karapatan ng nakararami. Lalo lamang ilinapit ni Duterte ang loob ng taumbayan sa landas ng rebolusyon. Pinakipot niya nang pinakipot ang burgis-demokratikong espasyo hanggang sa mawalan na ng puwang maging ang kalayaang mag-isip at magsalita. Kinaladkad niya ang demokrasya ng bansa pabalik sa katayuang higit pang atrasado kaysa sa diktadurang Marcos at sa panahon ng kolonyalismo. Ibayong tumingkad sa malawak na hanay ng mamamayan – mula sa masang anakpawis hanggang sa mga intelektwal at pambansang burgesya, na ni gahibla ng tunay at makabuluhang pag-unlad at kapayapaan ay hindi kailanman matatagpuan sa isang lipunang sakmal ng terorismo alang-alang sa interes ng iilan. Yinayakap nila ngayon ang pambansa demokratikong rebolusyon bilang kanilang pinakamakapangyarihang armas at panangga.
Ang problema sa mga diktador gaya ni Duterte ay hindi sila natututo sa karanasan. Ilang ulit nang napatunayan sa kasaysayan ng Pilipinas at ng daigdig na walang antas ng pasismo ang makapananaig laban sa mapagpasyang mamamayan. Hindi nito kailanman mapipigilan ang pagsiklab ng pakikibaka, ang tuluyang pagkawasak ng dating kaayusan at ang pagpupunyagi ng nagrerebolusyong mamamayan na makapagtayo ng panibago. Ang pasismo ay ang desperasyon ng naghihingalong tirano at ng bulok na sistemang pinaglilingkuran nito. Ang rebolusyon ay ang pag-asa ng mamamayang naghahangad ng isang tunay na malaya, maunlad at makatarungang lipunan.