Biguin ang hungkag na localized peace talks, lumaban para sa tunay at makatarungang kapayapaan
Sa harap ng lumalalang krisis pangekonomya at panlipunan, ang pagtalikod ni Rodrigo Duterte sa usapang pangkapayapaan ay patunay na wala siyang balak na dinggin ang panawagan ng mamamayang Pilipino para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriya, at pambansang kasarinlan.
Hindi niya maikakaila na ang muling pagkalas niya sa usapang pangkapayapaan noong Hunyo ay pagluhod sa inaayo niya na Armed Forces of the Philippines (AFP) upang makabuwelo ang pinaigting na operasyong kombat ng AFP sa gitna6hhh ng paglakas at paglawak ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka.
Bahagi nito ang pag-ooperasyon ng 81st Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. Tamboan, Besao, Mt. Province, na matagumpay na tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng New People’s Army – Antonio Licawen Command (NPA-ALC) noong Hulyo 14-15, 2018.
Kapalit ng pambansang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP), itinutulak ngayon ni Duterte at ng kanyang mga alipores ang “localized peace talks”.
Mabibigo ang localized peace talks
Lumang tugtugin na ang mga pakanang localized peace talks na ipinagtutulakan ni Duterte at ng AFP sa kasalukuyan, at tiyak na mabibigo ito.
Huwad ang mga pangako ni Duterte at ng mga berdugong opisyales ng AFP na ang localized peace talks ay magdudulot ng kapayapaan, gayong walang-humpay ang paghahasik nila ng lagim sa ilalim ng “gera kontra-droga” at “gera kontra-krimen” sa kalunsuran, Martial Law sa Mindanao, at Oplan Kapayapaan sa kanayunan.
Sa tabing ng localized peace talks o mga usapang pangkayapaan na “pinangangasiwaan sa antas-nasyunal at ipinatutupad sa antas-lokal”, pinipilit ni Duterte na pagtakpan ang dahas ng kanyang all-out war at sa halip, hatiin at wasakin ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang makibaka at labanan ang kanyang tiraniya at ang bulok na sistema.
Bulag at bingi ang mga naglalako ng localized peace talks sa kinasasadlakang kalagayan ng mamamayan na hindi ekslusibo sa isa o iilang komunidad kundi dinaranas sa buong bansa.
Hindi mareresolba ng localized peace talks ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na pinalalala pa ng mga patong-patong na buwis, malawakang gutom at disempleyo, kawalan ng lupa, tahanan, at serbisyong panlipunan.
Higit pa rito, kabi-kabila ang buladas ni Duterte ukol sa “kapayapaan” gayong buong-buo niyang ibinubukas ang mga kabundukan, kagubatan, katubigan, at lupang ninuno ng mga katutubo sa panghihimasok at pandarambong ng mga naglalakihang dayuhang korporasyon sa enerhiya, minas, at pagtotroso, kaakibat ang pagtatanggol sa mga ito ng mga nag-ooperasyong tropa ng AFP.
Sa Tubo, Abra, ipinagtutulakan ng magkakuntsabang pamahalaan ng probinsya at ng 24th IBPA ang localized peace talks at ang “8-Point Dap-ay di Tubo Peace and Development Agenda” kung saan ipinamamarali ang pagiging “peace zone” ng munisipyo.
Gayunpaman, hindi nito napigilan ang malawak na operasyong kombat ng 24th IBPA noong Nobyembre ng nakaraang taon, bukod pa sa patuloy na panghihimasok at panggigipit ng mga kumpanya katulad ng Pan Pacific Renewable Power Philippine Corp. at Sta. Clara-Philnewriver Hydropower Companies sa lupang ninuno ng mga Maeng.
Labanan ang all-out war ni Duterte
Higit na lumalakas at lumalawak ang pagtulak ng mamamayan para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP.
Sa paglustay ng pondo ng bayan sa mga pakanang katulad ng localized peace talks at pagsasawalang-bahala sa panawagan ng mamamayan, tiyak na makikipag-usap si Duterte sa kanyang sariling anino.
Sa ilalim ng pamumuno ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang mga Pulang mandirigma ng NPA-ALC at ang mga rebolusyonaryong puwersa ng Ilocos at Cordillera ay kaisa ng buong rebolusyonaryong kilusan sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sa pagtataguyod ng tunay at makatarungang kapayapaan.
Sinusuportahan ng NPA-ALC ang Negotiating Panel ng NDFP bilang kinatawan ng buong rebolusyonaryong kilusan sa usapang pangkapayapaan sa GRP.
Mahigpit din itong tumatalima sa mga pinagkasunduang dokumento ng dalawang panig, kagaya ng the Hague Joint Declaration, ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), at ang Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Sa gitna ng pagkasuklam ng sambayanang Pilipino sa rehimeng US-Duterte, umiigting ang pakikibaka at paglaban para sa tunay at makatarungang kapayapaan. #