Biguin ang malupit na kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte! Magpunyaging isulong ang digmang bayan!
I. Sadlak pa rin sa resesyon ang pandaigdigang kapitalistang sistema
III. Nagpupunyagi ang BHB sa gitna ng todong kontrarebolusyonaryong panunupil
IV. Magpunyaging isabalikat ang mga tungkulin sa paglaban ng BHB
Download here: PDF | EPUB | MOBI
Download discussion guide here: PDF
Audio: Pilipino
Read in: English | Bisaya | Spanish | Hiligaynon | Catalan
Mahigpit na sinasaluduhan ng Komite Sentral ang lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa okasyon ng ika-52 anibersaryo nito. Sa araw na ito, taos naming kinikilala ang matatag at ubos-kayang mga pagsisikap, ang mga nakamit at sakripisyong ginawa ng BHB sa pagtatanggol sa mamamayan at pagsusulong ng digmang bayan sa harap ng malupit at maruming kontra-rebolusyonaryong gera ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Binibigyan namin ng pinakamataas na pagpupugay ang lahat ng Pulang mandirigma at kadre ng Partido na nagbuwis ng kanilang buhay habang nagsisilbi sa mamamayan at rebolusyonaryong layunin. Ang mga pangalan nila ay habampanahon nang nakaukit bilang mga bayani at martir sa kasaysayan ng dakilang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Sa araw na ito, marapat lamang na bigyan ng espesyal na parangal ng Partido, kasama ng buong BHB, si Antonio Cabanatan (Ka Manlimbasog), dating kasapi ng Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap, na dinukot noong nakaraang taon kasama ng kanyang asawa na si Florenda Yap (Ka Osang), lihim na ikinulong, tinortyur nang ilang buwan bago brutal na pinaslang ng duwag na mga mamamatay-tao ni Duterte.
Si Ka Manlimbasog, na nagretiro noong 2017 mula sa pang-araw-araw na gawaing rebolusyonaryo, ay kabilang sa matatapang na tagahawan ng landas na nanguna sa pagpapalawak ng hukbong bayan sa Visayas at Mindanao. Malaki ang naging kontribusyon niya sa pagpapalakas at pagpapatibay ng rebolusyonaryong kilusan.
Nagpupugay din ang Partido kay Rosalino Canlubas (Ka Yuni), panrehiyong kumander ng BHB sa Cagayan Valley at pangalawang kalihim ng komite ng Partido sa rehiyon, na nasawi sa isang engkwentro noong Marso 15 sa Isabela. Si Ka Yuni ay kabilang sa mga nakababatang kadreng nahalal sa Ikalawang Komite Sentral dahil sa kanyang maningning na mga ambag sa pagsusulong ng digmang bayan sa Southern at Western Mindanao.
Gamitin natin ang okasyon na ito para timbangin ang ating lakas sa pamamagitan ng pagtukoy kapwa sa ating mga nakamit at pagkukulang sa nagdaang taon. Sikapin nating ibayong paunlarin ang ating mga kalakasan at pangibabawan ang mga kahinaan para maging mas mahusay sa pagsusulong ng digmang bayan sa pamamagitan ng masaklaw at maigting na paglulunsad ng pakikidigmang gerilya sa papalawak at papalalim na baseng masa. Dapat din nating pag-aralan ang mga kalakasan at kahinaan ng kaaway upang makabuo ng mga plano, estratehiya at taktika para biguin ang walang puknat at brutal nitong gera laban sa mamamayan.
Ang digmang bayan na inilulunsad ng BHB, sa ilalim ng absolutong pamumuno ng PKP, ay bahagi ng 500-taong nagpapatuloy na armadong paglaban ng mamamayang Pilipino laban sa mga dayuhang manlulupig at mang-aapi, na may unang tagumpay noong Abril 27, 1521 sa Battle of Mactan kung saan ginapi ni Datu Lapu-Lapu ang kawan ng mga mananakop ng Espanya sa pangunguna ni Ferdinand Magellan. Sa loob ng limang siglo, sa ilalim ng 300-taong kolonyal na paghaharing Espanyol at mahigit isang siglo na kolonyal at malakolonyal na pagsasamantala ng US, ang mamamayang Pilipino ay mapagpunyaging naglunsad ng rebolusyonaryong armadong paglaban para makamit ang tunay na pambansang kalayaan.
Ang lalong lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mamamayang Pilipino ay nananatiling napakapaborable para sa pagsusulong ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya. Sa pamamagitan ng korapsyon, kontra-mamamayang mga patakaran, at pasistang panunupil, pinalala ng rehimeng US-Duterte ang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at nagpataw ng mas matinding pagdurusa at pang-aapi sa malawak na masa ng mamamayang Pilipino.
Hatid ng nagdaang taon ang walang kapantay na paghihirap sa malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka, malaproletaryado at mga petiburges sanhi ng palpak na pagharap sa pandemyang Covid-19. Sa pagsalig nito sa mga restriksyong militar at pulis imbes na magpatupad ng kinakailangang mga hakbang pangkalusugan, winasak ng reaksyunaryong rehimen ang ekonomya at kabuhayan ng mamamayan habang bigong pigilan ang nagpapatuloy na pagkalat ng mga impeksyon.
Imbes na tugunan ang pandemya sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat sa rekurso sa mga hakbanging pangkalusugan, mas pinili ng rehimeng US-Duterte na bumili ng mas maraming bomba at kanyon para sa todong opensibang militar nito sa mabibigong layuning gapiin ang BHB bago magtapos ang upisyal nitong termino. Sa paghahangad na gapiin ang BHB, layon ng naghaharing pangkating Duterte na pilayin ang lahat ng anyo ng paglaban ng demokratiko at progresibong mga pwersa para bigyang daan ang pagpapalawig lampas 2022 ng dinastiya nito ng korapsyon, pasismo at pambansang pagtataksil.
Ang walang patid na mga operasyon ng kaaway ay tumatarget sa masang magsasaka at nagdudulot ng malulubhang pag-abuso laban sa kanila. Layon ng kaaway na pagwatak-watakin ang mamamayan at durugin ang kanilang paglaban sa pamamagitan ng pagpataw ng paghaharing garison ng militar sa mga komunidad, na ang pinakalayunin ay ihiwalay ang hukbong bayan at itulak ito sa sitwasyong lantay-militar kung saan bulnerable ito sa malakihang mga atake.
Kasabay nito, layon ng kaaway na wasakin ang hayag na demokratikong kilusang masa at maging ang konserbatibong oposisyon na nakabase sa kalunsuran.
Ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay patuloy na nakapagpupunyagi sa harap ng brutal na kontra-rebolusyonaryong gera ng kaaway. Ang mga yunit ng BHB ay puspusang nagsusumikap para pangibabawan ang mga kahirapan at kagipitan na idinudulot ng malulupit na opensiba ng kaaway. Determinado silang palakasin ang kanilang ugnay sa masang magsasaka, ipagtanggol at tulungan silang lumaban at isulong ang kanilang mga antipyudal at antipasistang mga pakikibaka. Sa pamamagitan ng pangingibabaw sa mga kahinaan at kahirapan, determinado ang BHB na biguin ang todong opensiba ng kaaway at magpalakas.
Sadlak pa rin sa resesyon ang pandaigdigang kapitalistang sistema
Nilamon ang pandaigdigang sistemang kapitalista ng isang pandaigdigang resesyon noong nakaraang taon kung saan ang pandemyang Covid-19 ay bigong hinarap ng mga gubyernong hindi handa at kulang sa kapasidad dahil sa mahihinang sistemang pangkalusugang binulok ng ilang taon nang neoliberal na mga kaltas sa badyet. Bumaling ang kalakhan ng mga gubyerno sa pagpapataw ng mga lockdown at restriksyon sa produksyon, pakikipagkalakalan at paggalaw ng mga tao. Ang mga hakbanging ito ay nagpabagsak sa buu-buong mga ekonomya, nagwasak sa maliliit na negosyo at malalaking kumpanya, at ibayong nagkonsentra ng kapital sa kamay ng iilang monopolyong kapitalista.
Umabot sa 33 milyon ang permanenteng nawalan ng trabaho at 81 milyon pa ang pansamantalang nadisempleyo. Sumadsad nang 42% ang direktang dayuhang pamumuhunan mula $1.5 trilyon noong 2019 tungong $859 bilyon noong nakaraang taon, at inaasahan na lalo pang babagsak nang 5-10% ngayong taon. Sa buong mundo, ang mga ekonomya ay pinalulutang na lamang ng malakihang dayuhang pangungutang na nagtambak ng $24 trilyon sa gabundok na $281 trilyon na pandaigdigang dayuhang utang, o mahigit 355% ng pandaigdigang gross domestic product (GDP).
Nagsimula noong Disyembre ang paglalabas ng dambuhalang mga kumpanya sa parmasyutika ng bakuna laban sa Covid-19. Para sa sangkatauhan diumano ang produksyon, pagbebenta at distribusyon ng mga bakuna, subalit, lalo lamang naglantad sa kapitalistang katakawan sa tubo at sa makasariling interes ng mga imperyalista. Tagibang ang distribusyon ng mga bakuna at pumapabor sa malalaking kapitalistang bansa. Noong unang bahagi ng Marso, umabot na sa 380 milyong bakuna ang naiturok sa buong mundo, kung saan mahigit kalahati (55%) ay konsentrado sa United States, China, European Union at United Kingdom, habang ang iba pa ay pinaghatian ng 125 bansa.
Maliban sa inaasahang bilyun-bilyong dolyar na ibubulsang tubo ng malalaking kumpanya sa parmasyutika (na marami’y tumanggap ng pondong pampubliko sa produksyon ng bakuna), wala pa ring katiyakan ang napapanahon at sapat na pamamahagi ng mga bakuna. Hindi pa rin tiyak kung sasapat ba ang suplay ng bakuna sa lahat ng bansa, at kung epektibo ba nitong mapahihinto ang pagkalat ng bayrus at ng iba’t ibang nagsisilitaw na mga baryant. Dalawang buwan matapos ang mga distribusyon, muling nagpatupad ang ilang mga bansa ng mga hakbang sa lockdown sa harap ng mga pagsirit sa bilang ng mga bagong kaso.
Ang pandaigdigang resesyon ng 2020 ay nagpalubha sa matagal nang istagnasyon sa ekonomya mula pa 2008 na humambalos sa pangunahing mga sentro ng kapitalismo na di makaahon sa bigat ng problema ng kapitalistang sobrang produksyon at bumabagsak na tantos ng tubo. Kahit nakasadsad ang mga ekonomya at tumigil ang produksyon, nanatiling mataas ang produktibong kapasidad na sanhi ng patuloy na sobrang suplay sa mayor na mga kalakal, partikular na ang asero, mga butil, krudong langis at mga produktong petrolyo, laluna nang tumigil ang internasyunal na kalakalan at bumagsak ang bentahan.
Walang kapantay ang antas ng produksyon at di nabentang imbentaryo ng asero sa China noong nakaraang taon. Para pigilan ang pagbaba ng presyo ng krudong langis, nagkaisa ang Saudi Arabia, Russia at OPEC noong nakaraang buwan na palawakin pa ang pagbabawas ng produksyon. Gayunpaman, sobra-sobra ang mga produktong petrolyong nirerepina sa China, na nagpababa sa tantos ng tubo at nagtulak sa pagsasara o pagbabawas sa operasyon ng mga planta sa pagrerepina ng langis sa Singapore, Australia at iba pang mga bansa.
Matapos ang ilang taong sobra ang suplay, mayroon pansamantalang kakulangan sa suplay ng mga semiconductor sa harap ng di inasahang malakihang pagtaas ng demand para sa mga kompyuter, tablet, smartphone, camera at iba pang elektronikong gadyet para sa komunikasyon, kaayusang work-at-home, distance learning at aliwan sa bahay na idinulot ng mga hakbangin sa pandemya. Walumpung porsyento ng pandaigdigang produksyon ng mga chip ay konsentrado sa South Korea and Taiwan.
Nag-uunahan ngayon ang mga monopolyo kapitalista sa US at China sa pagbuhos ng bilyun-bilyong dolyar na puhunan sa produksyong ng mga electronic chip. Sa partikular, sa ilalim ng bagong batas na National Defense Authorization Act, itinutulak din ng gubyernong Biden ang suporta at puhunan ng estado para itaguyod ang lokal na produksyon ng semiconductor sa layong makuha ang malaking bahagi ng lumalaking bentahan nito. Kasabay ito ng pamumuhunan ng estado sa pananaliksik at produksyong militar. Tulad ng US, idineklara kamakailan ng China na isa sa prayoridad ng 5-taong programa nito ang pananaliksik at produksyon ng semiconductor, kasama ang artificial intelligence, quantum computing, biotechnology, space research at iba pang mga bagong teknolohiya.
Ilang trilyong dolyar ang ibinubuhos ng mga abanteng kapitalistang bansa sa mga programang pampasikad para pabilisin ang muling pagbuhay sa kanilang mga ekonomya, ngunit lumilikha rin ng panganib ng sobrang pag-init ng ekonomya at ng bula ng utang na maaaring sumabog sa mga darating na taon. Sa hakbang na magtataas sa utang ng US sa dobleng laki ng kanilang ekonomya, inaprubahan kamakailan ng gubyernong Biden ang isang US$1.9 trilyong programang pampasikad sa ekonomya na mamamahagi ng salapi sa halos lahat ng Amerikano para hikayatin ang pamimili, at pamimigay ng subsidyo sa lokal na produksyon. Daan-daang bilyong dolyar din ang planong gastusin ng ibang mayor na kapitalistang bansa para pasiglahin ang kani-kanilang ekonomya, tulad ng Japan (US$710 bilyon), Germany (US$250 bilyon), United Kingdom (US$210 bilyon) at France (US$210.5 bilyon). Target naman ng China na abutin ang 6% paglawak ng ekonomya sa pamamagitan ng pagpondo sa operasyon ng mga korporasyong pag-aari ng estado.
Pagdurusahan ng mayorya ng mga atrasadong ekonomya ang matagalang epekto ng pandaigdigang resesyon sa ekonomya. Wala pang kapantay ang 124 milyong dagdag sa mga nasasadlak sa labis na kahirapan (nabubuhay sa kulang sa US$2 kada araw) noong nakaraang taon, at inaasahang aabot pa sa 150 milyong ngayong 2021. Lalong lumala ang hindi pagkakapantay-pantay kaakibat sa pagdanas ng mga manggagawa at magsasaka sa pinakamalalalang epekto ng mga lockdown sa ekonomya. Sa desperasyong iahon sa pagkabangkarote, mapupwersa ang mga atrasadong ekonomya na lalong mangutang at magpatupad ng ibayong liberalisasyon sa mga ekonomya at ipako ang sahod ng mga manggagawa sa pakikipag-unahang akitin ang dayong kapital at pamumuhunan.
May paunang palatandaan na mas magiging agresibo sa militar ang bagong gubyernong Biden sa US sa harap ng tumitinding ribalang inter-imperyalista. Nagdeklara si Biden na mas buong-lakas niyang titiyakin ang pang-ekonomya at pampulitikang interes ng US sa harap ng lumalaking paghamon ng imperyalistang karibal nitong China. Nag-ehersisyong militar ito kamakailan gamit ang dalawang carrier strike group sa South China Sea at Taiwan Strait na tuwirang hamon sa pag-aangkin ng China sa mga internasyunal na karagatang ito. Muli nitong binuhay ang pagtatatag ng Quadrilateral Security Dialog sa pagitan ng US, Japan, India at Australia sa hangaring maipusisyon ang mga pwersa at sandatang militar ng US sa mga bansang ito at lalong gipitin ang China sa ekonomya, militar at pulitika.
Sa Middle East, halos isang buwan pa lamang nakaupo si Biden nang ipag-utos ang atakeng misayl sa Syria, labag sa soberanong teritoryo nito, laban diumano sa transportasyon ng armas mula sa Iran. Bagaman pinalawig ng US ang kasunduan sa Russia na New Start, na naglilimita sa produksyon ng estratehikong mga sandatang opensibo, wala pa itong inanunsyo na planong umatras sa pagpapaunlad at produksyon ng mga armas nukleyar at mga intermediate-range na misayl na pinasigla sa ilalim ng gubyernong Trump. Kahit may naunang pangako, hindi pa ibinabalik ng US ang kasunduang nukleyar sa Iran at hindi pa inaalis ang panggigipit kontra rito sa kabila ng pahayag ng Iran na handa itong tumalima sa naunang mga kasunduan.
Mas agresibong itinutulak ng China ang kontrol nito sa Hong Kong at Taiwan at ipinagpapatuloy ang armadong presensya nito sa South China Sea para kontrahin ang hamon ng US sa karagatan. Sumiklab ang sagupaan sa hangganan nito sa India na nagbabantang umigting pa. Nagbukas ang Russia ng bagong baseng nabal sa Sudan upang imantine ang presensya nito sa Red Sea, na katugma ng paliparang base nito sa Syria at baseng nabal sa Yemen, para imantine ang kakayahang kontrolin ang estratehikong mga ruta sa Middle East at lagusan patungong Africa.
Sa harap ng pag-init ng ribalang inter-imperyalista, lumalaki ang gastos militar ng magkakaribal sa kabila ng masidhing krisis sa pandaigdigang ekonomya. Noong nakaraang taon, lumaki nang 3.9% tungong US$1.83 trilyon ang gastos sa militar, dalawangkatlo’y sa US at China. Nananatiling nasa pinakamataas na antas sa nakalipas na 30 taon ang eksport ng mayor na mga sandata, kung saan ang bahagi ng US ay tumaas nang 37%.
Ang lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko at paninibasib sa mga karapatang sibil ay gumagatong sa mga paglaban ng mamamayan sa iba’t ibang panig ng daigdig sa harap ng pandemyang Covid-19. Patuloy na sumisiklab ang mga welga sa US at Europe ng mga manggagawa sa transportasyon, mga pabrika, restawran at mga tindahan na humihingi ng dagdag na sahod at ligtas na lugar sa pagtatrabaho. Mula Pebrero, walang humpay ang mga aksyong masa ng daan-daang libong mamamayan sa Myanmar kontra sa kudetang militar. Nagpapatuloy din ang malawakang protesta ng mga magsasaka sa India. Inilulunsad din ang mga protestang masa sa Brazil, Greece, Thailand, Russia at iba pang bansa na nagtutulak ng kahilingan ng mamamayan sa gitna ng pandemya at lumalaban sa tumitinding paniniil ng militar at pulis.
Sa gitna ng pandaidigang krisis ng kapitalismo, lumilitaw ang tahasang mga pasistang rehimen sa dumaraming bansa. Walang habas ang mga pag-atake sa mga demokratikong karapatan. Ang malubhang kalagayang sosyo-ekonomiko at panunupil ng estado ay lumilikha ng kundisyon kundisyon para sa kinakailangan at kagyat na armadong paglaban. Ang sagadsaring pagsasamantala sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng walang-pigil na katakawan, paniniil ng terorismo ng estado at pasismo, at mga gerang agresyon ay nag-uudyok ng iba’t ibang anyo ng paglaban sa buong mundo. Ang mga pakikibakang masang anti-imperyalista at demokratiko at ang mga armadong rebolusyonaryong kilusan ay mga paghahanda sa muling pagdaluyong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon.
Tumitindi ang terorismo ng estado kasabay ng iskema ni Duterte na palawigin ang pasistang paghahari lagpas sa 2022
May humigit-kumulang 450 araw na lamang ang rehimeng Duterte bago magtapos ang upisyal na termino, kaya lalong nagiging desperado at brutal ito sa pagsagasa sa lahat ng balakid sa iskema nitong ipataw sa bayan ang pasistang diktadura at palawigin sa poder ang dinastiyang pampulitika nito. Ang korapsyon, pagwawaldas sa militar at pulis at sagadsaring mga patakarang neoliberal ay nagbangkarote sa reaksyunaryong estado, nagbaon sa bansa sa gabundok na utang, nagpalubha sa krisis at naglantad sa bulok na kaibuturan ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.
Sa nakalipas na taon, tumanggi ang rehimeng Duterte na ilaan ang rekurso ng estado sa kinakailangang mga hakbangin para sa pampublikong kalusugan tulad ng mass testing at matuling contact tracing para kontrolin ang pandemya. Tumanggi itong palakasin ang sistema ng pampublikong kalusugan na binayo ng ilang taong pagkakaltas sa badyet. Sa halip, sinamantala nito ang krisis sa kalusugan para ipataw ang anti-demokratikong mga restriksyon, isagasa ang Anti-Terror Law at lalong bigyang laya ang pulis at militar sa walang pakundangang maramihang pagpatay.
Lumala ang burukratikong korapsyon sa pag-angkin ni Duterte ng hindi karaniwang kapangyarihan para ilipat ang salapi ng bayan sa bulsa ng kanyang pamilya at mga kroni at para sa labis na gastos militar. Nabara maging ang pagbili ng bakuna sa mga negosasyong sangkot ang magkakaribal na burukratang naghahabol ng suhol at kikbak. Hinusgahan ng mga siyentista ang Pilipinas bilang isa sa may pinakamasamang tugon sa pandemyang Covid-19. Dahil dito, nananatiling bulnerable ang mga Pilipino sa impeksyong Covid-19. Hinaharap ngayon ng bansa ang panibagong pagsirit sa bilang ng impeksyon pangunahin dahil nananatiling walang mga hakbanging pangkalusugan habang bukas na ang mga pabrika, mall at iba pang empresa, at lumitaw ang mas nakahahawang baryant ng bayrus.
Ang pinakamasasamang aspeto ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay pinalubha ng bigong tugon sa pandemyang Covid-19. Sa pagsalalay sa mga lockdown para pigilin ang pagkalat ng pandemya, isinadlak ni Duterte ang ekonomya ng Pilipinas sa masidhing krisis. Bumagsak nang 9.5% ang GDP ng bansa noong 2020. Habang nabangkarote at nagsara ang ilampung libong maliliit at panggitnang negosyo, mabilis namang nabawi ng malalaking burgesyang kumprador ang inisyal na pagkalugi at nagkamal ng bilyun-bilyong pisong tubo, habang nagtatamasa ng mga kaltas sa buwis at iba pang isentiba.
Dahil tumanggi ang rehimeng Duterte na ilipat ang pondong pangkorapsyon at para sa sobrang gastos militar, bumaling ito sa malaking dayong pangungutang para diumano sa pagharap sa pandemya. Noong 2020, humiram ito ng dagdag na ₱2.1 trilyon kaya umabot ang kabuuang pampublikong utang sa ₱9.8 trilyon noong katapusan ng taon. Lalo pa itong natulak sa ₱10.33 trilyon dahil walang awat ng pangungutang. Higit kailanman, hindi na kayang mabayaran ang pampublikong utang.
Ang malawak na masang Pilipino ang pangunahing hinambalos ng mga lockdown at hakbanging mapaniil. Labis na sumadsad ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga manggagawa, magsasaka, mala-proletaryado at mababang petiburgesya. Noong Enero, mahigit 10.5 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho na dahilan sa pagsirit ng tantos ng disempleyo at kulang sa trabaho sa istorikong antas. Dumanas sila ng mga pagkaltas sa sahod, pagkawala ng kita, nagtataasang presyo, mas pabigat na buwis at iba pang mapang-aping hakbang sa harap ng matinding krisis sa ekonomya.
Itinutulak ng mga maka-liberalisasyon na mga masugid na utusan ni Duterte ang ibayong liberalisasyon ng ekonomya sa pamamagitan ng pagbabago sa konstitusyong 1987 upang pahintulutan ang mga mga dayuhan na ariin nang buo ang mga rekursong likas at pang-ekonomya, at mga empresa, at para sa posibilidad na ilusot ang pag-aalis sa takdang taon sa poder. Layon nilang ganap na pawiin ang mga elemento ng pambansang kapital at gawing ekslusibong kaharian ang ekonomya ng mga dayong monopolyo kapitalista at mga katuwang na malalaking komprador.
Noong Pebrero, isinagasa rin ng reaksyunaryong kongreso ang Create Law upang kaltasan ang buwis ng mga korporasyon mula 30% tungong 25% pabor sa mga dayong empresa at kasosyo nitong malalaking burgesyang kumprador. Inaasahang mababawasan nang ₱251 bilyon ang kinukulektang buwis na tiyak ipababalikat sa mga manggagawa at mga may mababang kita sa anyo ng bagong mga buwis o dagdag na pasaning dayong utang.
Ipinagmamalaki ang Create Law na susi sa pag-akit ng mga dayong mamumuhunan, na maling inilalarawan na makina ng pag-unlad ng ekonomya, kahit sa panahong ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay humihina sa buong mundo. Noong nakaraang taon, ang aplikasyon para sa dayong pamumuhunan sa Pilipinas ay sumadsad nang 71% mula ₱370.11 bilyon tungong ₱112.12 bilyon. Ang totoo, ang mga dayong pamumuhunan, kalakhan sa mga empresang pang-eksport, ay di nag-aambag sa pagpapalakas ng pundasyon ng ekonomya, at nagsasamantala lamang sa murang lakas paggawa at likas na yaman ng bansa.
Dahil sa korapsyon, militarismo at pagsalalay sa dayong utang, tiyak na magdurusa ang bayan sa lalong pagsidhi ng krisis sa ekonomya at ng nagpapatuloy na hambalos ng pandemya sa darating na mga taon. Ang malupit na mga lockdown at laganap na kawalan ng trabaho ay nagdudulot ng matinding paghihirap sa masa, gumagatong sa laganap na galit, nag-uudyok sa kanilang lumaban at humihimok sa paparaming mamamayan na sumanib sa armadong pakikibaka para labanan at patalsikin ang rehimeng US-Duterte.
Kinukuha ni Duterte ang suporta ng bagong gubyernong Biden ng US sa kanyang pasistang rehimen. Inalok niya ang pagbawi ng “terminasyon” ng Visiting Forces Agreement (VFA) o pagbuo ng ibang kasunduan na magbibigay sa US ng ganap na karapatang maglabas-masok sa bansa kapalit ng mas malaking ayudang militar. Idineklara niyang payag siyang mag-imbak ang US ng sandata sa bansa para maging estratehikong outpost nito sa rehiyon. Para ipakita ang suporta ng US, nangako ang Pentagon ng US na itataas ang ayudang militar at benta ng mga helikopter at iba pang kagamitang militar, na ikatutuwa ng militar ng Pilipinas.
Habang nagbibigay ng ayudang militar sa rehimeng Duterte, papalakas na itinutulak ng US ang gubyerno ng Pilipinas na paatrasin ang lumalaking impluwensya sa pulitika, interes sa ekonomya at panghihimasok militar ng China. Habang patuloy na yumuyuko ang rehimen sa dikta ng China, may mga maka-US na upisyal na lumalaban sa China, gaya ng ipinakita ng kanselasyon ng proyektong paliparan sa Sangley Point at ang tahasang pagprotesta sa batas ng China na nagpapahintulot na paputukan ang mga sasakyang pandagat na hindi Chinese.
Subalit bigo pa sila sa pagkontra sa pitong artipisyal na islang itinayo ng China bilang mga base militar sa West Philippine Sea at laban sa pagtatayo ng mga tore ng cellphone ng hawak ng China na Dito-Telecom sa loob ng mga kampong militar ng AFP, kahit mahigpit itong tinutulan ng maka-US na mga upisyal. Pinalalakas ng China ang mga pang-militar at diplomatikong kontra-hakbang sa pamamagitan ng pag-iipon ng pwersang militar nito sa South China Sea kasama ang pag-angkla ng mahigit 220 sasakyang milisya sa Juan Felipe Reef, na nasa loob ng ekslusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas.
Dahil sa sidhi ng krisis ng naghaharing sistema, lumiliit ang rekursong pang-ekonomya at pampulitika para sa hatian ng iba’t ibang paksyon ng mga naghaharing uri. Gaya sa nakaraan, naghahangad ang naghaharing pangkating Duterte na palawigin ang sarili sa poder upang patuloy na magkamal ng yaman at kapangyarihan sa pamamagitan ng mga operasyong burukratang kapitalista. Dahil sa krisis, lalong lumalakas ang tulak na monopolisahin ang kapangyarihang pampulitika na kumokombina sa awtoritaryanismo ng tiranong si Duterte.
Ang iskema ni Duterte na ipataw ang pasistang diktadura sa mamamayan at palawigin sa poder ang kanyang dinastiyang pampulitika at naghaharing pangkat ay kinabibilangan ng pagbabago sa konstitusyon o ng tahasang deklarasyon ng batas militar o “rebolusyonaryong gubyerno” (isang pag-agaw sa absolutong kapangyarihan). Pwede rin nitong piliin na ituloy at dayain ang halalang pampangulo sa 2022 para iupo ang anak na babae o pampulitikang alipures ni Duterte. Ang kasosyong TIM partner ng Smartmatic ay naiulat na nabili na ng kanyang tau-tauhan na si Dennis Uy para makontrol ang bilangan ng boto sa eleksyong 2022 tulad ng ginawa noong 2019.
Kritikal na bahagi ng iskema ni Duterte na maghari bilang pasistang diktador o palawigin ang kanyang paghaharing dinastiya ay ang pagsupil sa ligal na demokratikong kilusan at pagpapatindi ng kontra-rebolusyonaryong digma nito. Layunin nitong pilayin ang mga pwersang pambansa-demokratiko at gayo’y pahinain ang malawak na hanay ng mga pwersang demokratiko na lumalaban sa kanyang tiranikong rehimen. Layunin din nitong konsolidahin ang kanyang kontrol sa militar at pulis sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng dagdag na kapangyarihan.
Lalong nagiging brutal at nakamamatay ang gerang panunupil ni Duterte. Dinidirihe ito ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang kanyang huntang sibil-militar, na ngayo’y kumokontrol na sa buong burukrasya at armadong makinarya ng estado. Dahil sa Anti-Terror Law at pang-uupat ni Duterte na “patayin lahat,” lalong lumakas ang loob ng mga pwersang pulis at militar na isagawa ang tuluy-tuloy na paniniil, na kinatatangian ng koordinadong mga reyd, maramihang pag-aaresto at mga masaker. Sa nagdaang mga buwan, nilusob ng AFP at PNP ang mga bahay at upisina ng mga lider masa at aktibista ng mga ligal na hindi komunistang organisasyon sa Panay, Southern Tagalog, Bicol at Northeast Mindanao, matapos ang kasunod na mga reyd sa Negros at National Capital Region na tinaguriang Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO). Lahat ng biktima ay ni-red-tag ng NTF-ELCAC. Habang lalong lumilinaw ang mga iskema ni Duterte na panatilihin ang sarili at kanyang dinastiya sa poder sa mga darating na buwan, malamang na mas madalas at mas malulupit na paninibasib ang isasagawa sa mas maraming rehiyon.
Halos apat na taon nang palupit nang palupit ang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte na may layuning supilin ang masang magsasaka at gapiin ang BHB. Ginagamit nito ang pinakamarumi at pinakabrutal na mga taktika ng panunupil laban sa masang magsasaka sa ilalim ng pinagsanib na Oplan Kapanatagan ng AFP at PNP. Buu-buong mga baryo at komunidad ang ipinaiilalim sa paggagarison ng militar at estilong hamlet na pagkontrol. Ipinaiilalim ang mga magsasaka sa ekstrahudisyal na pagpaslang, iligal na paghahalughog at pag-aaresto, mga interogasyon, pagboblokeyo sa pagkain at ekonomya, sapilitang pagrerekrut, karpyu, paghihiganti at kolektibong pagparusa matapos ang mga taktikal na opensiba ng BHB, at walang-humpay na mga kampanyang intimidasyon at saywar (“community support program,” sapilitang “maramihang pagsurender,” E-CLIP, BDP) sa bigong pag-asang putulin ang ugnayan ng BHB at baseng magsasaka nito.
Patuloy na pinabibilis ng rehimeng Duterte ang pagpapalawak ng makinarya ng AFP at pagbili ng bagong mga sandatang militar habang naglulunsad ito ng walang-humpay na pambansang mga opensiba laban sa BHB. Sa kabila ng kakapusan sa badyet at kagyat na pangangailangang pondohan ang mga programa para sa pampublikong kalusugan at pagpapasigla ng produksyong pang-ekonomya, bilyun-bilyong piso ang nilustay ng rehimeng Duterte para sa dagdag na mga helikopter, drone, eroplanong pandigma, misayl, bomba, kanyon at armas na pangkombat. Naglaan ito ng mahigit ₱19 bilyon para sa NTF-ELCAC bilang pork barrel.
Naglunsad ang kaaway ng sunud-sunod na malawakang mga opensibang militar mula 2018. Ang mga “nakapokus na operasyong militar” na ito, na nagsasangkot kapwa sa mga operasyong kombat at saywar, karaniwa’y sumasaklaw ng ilang bayan, puu-puong mga barangay sa mga hangganan ng mga bayan o prubinsya, at pinakikilos ang ilandaang tropang katihan ng pinagsanib na dalawa o ilang batalyon ng AFP at mga tropang pangkombat ng PNP. Ang mga ito ay suportado ng paniktik na drone at ang labis at walang pakundangang paggamit ng pambobomba mula sa himpapawid at panganganyon ng magagaan at mabibigat na artileri, na tahasang bumabalewala sa kaligtasan ng mga sibilyang nakatira sa kalapit na mga komunidad. Kakumbina ito ng walang humpay na kampanyang saywar at panunupil laban sa masang magsasaka at mga komunidad ng minorya sa layuning dumugin at sindakin ang mamamayan.
Sa desperadong pagtatangkang makamit ang deklaradong layunin nitong durugin ang BHB bago magtapos ang termino ni Duterte, naglulunsad ang AFP ng todong pambansang opensiba na nagpapakilos sa halos 150 batalyon ng AFP at mga tropang pangkombat ng PNP, kung saan mahigit 80% ay nakakonsentra sa walong prayoridad na rehiyon, na may 14 hanggang 20 batalyon bawat isa. Mula noong nagdaang taon, nilayon ng AFP na makapagrekrut ng di bababa sa 9,000 karagdagang pwersang paramilitar bilang pandagdag sa 70,000-tauhan na CAFGU.
Gayunpaman, mabibigo ang kontra-rebolusyonaryong digma at todong mga opensiba ng kaaway habang nagpupunyagi ang Bagong Hukbong Bayan sa landas ng digmang bayan, nagpapalawak at nagkokonsolida ng baseng masa nito at nagpapalakas ng sarili sa militar at pulitika. Lalupang nilalantad ng pagkabrutal ng gera ng kaaway ang kabulukan ng malakolonyal at malapyudal na sistema at pinupukaw ang malalim na galit ng masa sa mga pasista at sa naghaharing sistema.
Nagpupunyagi ang BHB sa gitna ng todong kontrarebolusyonaryong panunupil
Sa harap ng kontra-rebolusyonaryong gera at malawakang opensibang militar ng AFP at PNP na suportado ng US, patuloy na nagpupunyagi ang Bagong Hukbong Bayan sa landas ng matagalang digmang bayan na tumatamasa ng malalim at malawak na suporta ng masang magsasaka at ng mamamayang Pilipino. Binigo nito ang taunang deklarasyon na plano ng rehimeng US-Duterte na “gapiin ang BHB.” Determinado itong biguin ang plano ng rehimen na wakasan ang armadong rebolusyon bago magtapos ang termino nito at isulong ang demokratikong rebolusyon upang ibagsak ang makauring paghahari ng imperyalismong US, malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.
Nang itatag ito noong Marso 29, 1969, mayroon lamang 60 mandirigma ang BHB na may siyam na ripleng awtomatik at 26 na mababang-klaseng baril at may baseng masa na 80,000 sa palibot ng ikalawang distrito ng Tarlac. Sa pagsasanib ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa, umunlad ang BHB tungo sa isang pambansang hukbo na may ilanlibong kabataang Pulang mandirigma na hinugot mula sa hanay ng api at pinagsasamantalahang masa. Nasasandatahan sila ng matataas na kalibreng riple na nasamsam mula sa kaaway, gayundin ng sariling-gawang mga eksplosibo at katutubong sandata. Sa baseng masa nito na bumibilang sa milyun-milyon, nakakikilos ang BHB sa mahigit 110 larangang gerilya na layong dagdagan pa.
Itinayo at pinatatatag ng Partido ang BHB upang gampanan ang pangunahing rebolusyonaryong tungkulin na agawin ang pampulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagdurog sa reaksyunaryong estado at pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan. Para paunlarin ang BHB mula sa pwersang maliit at mahina, tungo sa hukbong malaki at malakas, ipinatupad ng Partido ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Pinanghawakan at ipinatupad nito ang prinsipyo ng sentralisadong pamumuno at desentralisadong operasyon bilang paraan ng paglulunsad ng rebolusyonaryong digma sa pulu-pulong Pilipinas. Uunlad sa tatlong yugto ang matagalang digmang bayan: estratehikong depensiba, estratehikong pagkapatas at estratehikong opensiba. Malamang sasaklawin ng yugto ng estratehikong depensiba ang pinakamahabang panahon kung kailan kailangan ng BHB na mag-ipon ng armadong lakas sa pamamagitan ng paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa.
Sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, pinagsasanib ng BHB ang tatlong sangkap ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa. Sa armadong pakikibaka, naglulunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba, na pinipili lamang ang mga labanang tiyak nitong maipagtatagumpay na tumatarget sa nahihiwalay at mahihinang bahagi ng armadong pwersa ng kaaway. Gumagamit ito ng mga pamamaraang gerilya ng pagkonsentra ng pwersa para bumira, pagdispers upang pagkaitan ang kaaway ng maaasintang target at paglilipat ng erya upang umiwas sa pagkubkob ng kaaway. Sa lahat ng panahon, iniiwasan ng BHB na matunton ng kaaway gamit ang pisikal na kalupaan at pagsalig sa masa.
Sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo, ipinapatupad ng BHB ang Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa ng Partido. Sa yugto ng estratehikong depensiba, pinupukaw, inoorganisa at pinakikilos ng BHB ang masang magsasaka sa mga pakikibakang masa at kampanyang masa para sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapababa ng interes sa mga pautang, pagtaas ng sahod ng manggagawa sa agrikultura at manggagawang bukid, pagtataas ng presyo ng ani, pagpapababa ng upa sa mga kasangkapang pansaka, pagtatayo ng mga kooperatiba at grupong tulungan upang mapataas ang produksyon at kita mula sa mga trabahong saydlayn. Sa nakalipas na mga taon, ang mga lupaing iniwan o ibinigay ng mga panginoong maylupa ay inokupa at pinangasiwaan ng mga organisasyong magsasaka sa tulong at gabay ng BHB at lokal na mga sangay at nakatataas na komite ng Partido.
Sa pagtatayo ng rebolusyonaryong baseng masa, inoorganisa ng Partido at BHB ang lokal na mga sangay ng Partido, mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng magsasaka, kabataan, kababaihan at mga bata, manggagawang pangkultura, at mga pambaryong yunit milisya ng BHB. Sa batayan ng organisadong lakas ng masa, idinadaos ang mga asembliya o kumperensyang masa upang maghalal ng komiteng rebolusyonaryo sa baryo na may tungkuling mangasiwa sa lokal na mga patakarang sumasaklaw sa reporma sa lupa at produksyon, patakaran sa kalusugan, edukasyon, usaping militar, kapayapaan at kaayusan, at iba pa. Nagsisilbi ang mga komiteng ito bilang binhi ng demokratikong gubyernong bayan na lubusang itatatag sa panahon ng pambansang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika.
Umunlad ang matagalang digmang bayan mula sa maagang subyugto ng estratehikong depensiba tungo sa gitnang yugto mula noong kalagitnaan ng dekada 1980. Gayunman, nagkaroon ng malulubhang pag-atras at pagkabigo sa huling bahagi ng dekada 1980 hanggang maagang bahagi ng dekada 1990 bunga ng mga kamalian ng adbenturismong militar at di napapanahong regularisasyon o pagbubuo ng mga pwersang bertikal nang walang katugmang laki ng mga pwersang horisontal. Pinahina ng labis na pagtitipon ng mga pwersa para sa gawain militar ang mga pagsisikap sa pagbubuo ng baseng masa at ginawa itong bulnerable sa mga atake ng kaaway at mga kabiguan sa labanan. Tinangka ng mga rebisyunista at traydor na sistematikong talikuran ang estratehikong linya ng digmang bayan sa pamamagitan ng pagbaluktot sa pagsusuri ng Partido sa lipunang Pilipino, mga uri at moda ng produksyon sa layuning dalhin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa landas ng pagkatalo.
Inilunsad ng Komite Sentral ng PKP ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992 upang muling pagtibayin ang batayang mga prinsipyo ng Partido, ang pagsusuri nito sa malakolonyal at malapyudal na kalagayan sa bansa at programa nito para sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng matagalang digmang bayan. Sa partikular, iwinaksi at binunot nito ang ugat ng insureksyunismo at di napapanahong regularisasyon at inatasan ang BHB na muling ipakat ang mga pwersa nito upang balansehin kapwa ang gawaing pangmilitar at pampulitika o gawaing masa.
Ang 5-taong plano ng Komite Sentral (2018-2022) ay naglalayong kumpletuhin ang mga rekisito ng gitnang yugto sa usapin ng pagtatayo ng platun bilang batayang pormasyon, ng bilang at latag ng mga larangang gerilya, ng balanse ng bertikal at horisontal na mga yunit sa istruktura ng pwersa ng BHB, ng pangunahi’y anihilatibong katangian ng mga taktikal na opensibang may kaakibat na malaganap na mga atritibong aksyon, wastong pagsasanib ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa, at paglutas sa iba’t ibang tipo ng “Kaliwa” at Kanang kahinaan.
Nilalayon ng Partido na lutasin ang mga disbalanse sa pagitan ng mga gawaing militar at pampulitika na pumigil sa sustenidong paglaki sa nakaraang mga taon. Kabilang sa mga ito ang suliranin ng labis na pagdispers at labis na pagsaklaw ng mga yunit ng BHB sa isang panig, at ang suliranin ng labis na konsentrasyon at pagpapakitid sa kabilang panig. Sa ilang erya, nakapagpalawak at nagkamit ng mga tagumpay sa militar ang BHB ngunit bigong pakilusin ang mga magsasaka sa sustenidong antipyudal na mga pakikibaka. Sa ibang erya, ang mga yunit ng BHB ay labis na nakakalat para sa gawaing masa ngunit nabigo sa mahigpit na pagkumbina nito sa pagbubuo ng hukbo at sa armadong pakikibaka. Sa alinmang kaso, naging mahirap ang pagsustine sa mga tagumpay na nakamit sa mga larangang militar o pampulitika at ibinukas ang hukbong bayan at baseng masa sa mga kahinaan at pag-urong.
Sinisikap ng namumunong mga komite ng Partido at mga sentro sa kumand ng BHB na kamtin ang balanse sa pagtalaga ng kanilang mga pwersa, sa pagsagawa ng gawaing militar at pampulitika at sa pagpapalawak at pagkokonsolida. Kaalinsabay, mula katapusan ng 2017, hinarap nila ang walang humpay na mga atake at mabagsik na kampanya ng kontrarebolusyonaryong panunupil na inilunsad ng kaaway laban sa masang magsasaka at hukbong bayan. May ilang bahagi ng BHB at ng baseng masa ang nagtamo ng mga pinsala sa harap ng walang humpay at malaganap na mga atake ng kaaway na nagpalubha sa umiiral na internal mga kahinaan at bulnerabilidad. Gayunman, ang malaking mayorya ng mga kumand ng BHB sa buong bansa ay nasa katayuan pa rin na pamunuan ang hukbong bayan sa paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Nagpapaunlad sila ng mga pamamaraan at taktika upang ipreserba ang kanilang pwersa, ipagtanggol ang masa at birahin ang mga pasistang kriminal at mamamatay-tao.
Libong hibla ang nagbibigkis sa BHB at sa masang magsasaka. Nananatiling matibay ang mga ito sa kabila ng walang humpay na mga pagsisikap ng mga pwersa ng kaaway na putulin ang mga ito. Nagpatupad ang BHB at ang masa ng mga pamamaraan upang ipagpatuloy ang mga rebolusyonaryong gawain—pag-oorganisa, edukasyon, propaganda, kampanyang masa, pagbubuo ng Partido, pagpapasapi sa BHB—kahit pa sa tungki ng ilong ng kaaway. Sa paglaban at pangingibabaw sa garisong militar at kampanyang saywar ng kaaway, humahalaw ng mga aral at inspirasyon ang BHB at masang magsasaka sa karanasan ng mamamayan at rebolusyonaryong pwersang Byetnames upang labanan at pangibabawan ang mga pasistang hamlet.
Nagsisikap din ang mga yunit ng BHB sa gawaing pagpapalawak upang palaparin ang erya ng operasyon ng mga larangang gerilya at buuin ang bagong mga larangang gerilya. Sa pagsagawa nito, napalalapad ng BHB ang erya ng maniobra, napupwersa ang kaaway na lalupang banatin nang manipis ang mga pwersa nito at gawing mas mahirap at magastos ang mga pagkukubkob ng kaaway sa mga yunit ng BHB. Kahit sa mga eryang nasa ilalim ng prayoridad ng kaaway, matagumpay na nakapagpalawak ang mga yunit ng BHB sa bagong teritoryo o kaya’y nabawi ang lumang mga erya. Tuluy-tuloy na pinamamahalaanan ng mga kumand ng BHB at komite ng Partido ang pagtatalaga ng mga pwersa nito upang iwasan ang problema ng labis na pagdispers o pagpapakitid.
Hawak ang malawak na suporta ng masa at pagkabihasa sa kalupaan, patuloy na nagsisikap ang BHB na pangibabawan ang mga nakapokus na operasyong militar at maglunsad ng mga taktikal na opensiba, na bumibira sa mga nakabukod o nahihiwalay na mga himpilan ng kaaway. Determinado itong maglunsad ng mas marami pang anihilatibong mga taktikal na opensiba (ambus at reyd) na may pangunahing layunin na samsamin ang armas ng kaaway, at tinutugmaan ng mga atritibong aksyong militar (haras, isnayp at demolisyon sa mga pasilidad ng kaaway).
Ang pagpupunyagi ng BHB na maglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay nagbibigay-inspirasyon at nagpapalakas sa loob ng masa na maglunsad ng mga anti-imperyalista, antipyudal at antipasistang mga pakikibakang masa at labanan ang pasistang rehimeng US-Duterte at ang paghahari nito ng terorismo ng estado sa gitna ng malubhang sosyo-ekonomikong krisis at lumalalang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema.
Sa kanayunan, lumalakas ang loob ng masang magsasaka at minoryang mga komunidad na maglunsad ng mga pakikibakang antipyudal at labanan ang pang-aagaw ng lupa at pagpasok sa mga lupaing ninuno ng malalaking panginoong maylupa, malalaking kumpanya sa pagmimina, ekoturismo at enerhiya. Ang mahihirap na mangingisda ay napupukaw na ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan laban sa pagkamkam ng malalaking komersyal na mga pangingisda at pagpasok ng mga Chinese na suportado ng kanilang estado sa mga pangisdaan ng bansa.
Sa kalunsuran, patuloy na lumalawak ang mga demokratikong pwersang nakahanay laban sa tiranikong rehimen. Itinatag ang alyansa ng konserbatibong oposisyon at mga progresibo at demokratikong pwersa para hamunin ang dinastiyang Duterte sa eleksyong 2022. Kasabay nito, patuloy na naglulunsad ang aping mga uri at demokratikong sektor ng mga kampanya at pakikibakang masa para ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan. Nananawagan sila ng dagdag-sahod, ligtas na lugar-paggawa, bayad peligro, kagyat na ayudang pang-ekonomya para mapunan ang nawala nilang kita dulot ng mga lockdown at restriksyon, dagdag na sweldo para sa mga manggagawang pangkalusugan, guro at kawani, dagdag-badyet para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan, libreng mass testing at libreng malawakang pagbabakuna laban sa Covid-19, at iba pa. Nagpapakita sila ng tibay at tapang sa paglaban sa todong teroristang mga atake ng mga pwersa ng estado. Marami sa kanila ang napukaw na sumali sa BHB o magpakanlong sa mga baseng gerilya ng BHB.
Magpunyaging isabalikat ang mga tungkulin sa paglaban ng BHB
Sa darting na mga taon, dapat magpunyagi ang Bagong Hukbong Bayan na isulong ang kritikal at mahihirap na tungkulin para isulong ang interes at kapakanan ng masang magsasaka at ipagtanggol sila laban sa mga abuso at atake ng mga pwersa ng estado, palakasin ang BHB, biguin ang malupit na kontra-rebolusyonaryong digma at patuloy na isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas. Hinihingi ng sitwasyon sa bawat Pulang mandirigma at kadre ng Partido ang malalaking sakripisyo at disiplinang bakal, gayundin ang determinasyon, kapangahasan, pagkamapanlikha at walang hanggang pagtitiwala sa masa.
Sa paglaban sa kaaway, pinanghahawakan ng BHB ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan at mahigpit na binubuklod ang masa at buong lakas na lumalaban kaagapay nila. Tinitiyak nito ang pambansang latag ng armadong paglaban, gayundin ang latag nito sa kada rehiyon at subrehiyon. Ang Partido at ang BHB ay gumagamit ng Marxista-Leninista-Maoistang pananaw at mga pamamaraan para lutasin ang kagyat na mga problema sa pagsusulong ng digmang bayan, matututo sa mga karanasan ng ibang bansa, gayundin sa kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas.
Dapat palalimin at palakasin ng BHB ang rebolusyonaryong baseng masa. Ito ang susi sa pagbigo at pangingibabaw sa kontra-rebolusyonaryong gera ng kaaway. Dapat ibayong pahigpitin ang ugnay ng BHB sa masa sa pamamagitan ng puspusang pagsusulong sa antipyudal na kilusang masa bilang susi sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang magsasaka sa kanayunan. Dapat laging bigyang atensyon ng BHB ang kagalingan ng masang magsasaka at pinakamataas na prayoridad ang pagsusulong at pagsasakatuparan sa kanilang mga kahilingang antipyudal alinsunod sa linya ng minimum sa programa ng Partido sa reporma sa lupa. Dapat sikapin ng BHB at mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan na maramihang pakilusin ang masang magsasaka para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan at igiit ang pagwawakas sa kontra-magsasakang mga patakaran, regulasyon at mga batas; at maglunsad ng mga kampanya para itaas ang produksyong agrikultural at kita laluna sa gitna ng malubhang krisis sa ekonomya. Dapat walang kapaguran ang gawaing propaganda at edukasyon sa hanay ng masa para itaas ang kanilang kamulatang pampulitika, pukawin ang kanilang galit at patibayin ang kanilang determinasyon na lumaban. Ang lahat ng yunit ng BHB ay dapat nakaugnay sa masang magsasaka at gumagampan ng kanilang gawain bilang mga giyang pampulitika, brigadang pamproduksyon, doktor at dentista, guro, manggagawang pangkultura at iba pa nilang tungkulin bilang hukbo ng mamamayan.
Dapat na laging sikapin ng BHB na makipagkaisa sa masang magsasaka, pangunahing sumasalig sa mahihirap at mababang panggitnang mga magsasaka at manggagawang bukid, kinakabig ang mga gitnang-panggitnang magsasaka, at ninunyutralisa ang mayayamang magsasaka at naliliwanagang mga panginoong maylupa, sinasamantala ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga naliliwanagan at despotikong panginoong maylupa para ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng mga pyudal na mga despotiko.
Dapat gitgitang labanan ng BHB at masang magsasaka ang mga atake ng kaaway, at ang okupasyon at paggagarison sa mga baryo. Dapat walang kapaguran at mapanlikhang maglunsad ng pampulitikang mga gawain sa hanay ng masa para pataasin ang kanilang determinasyon na labanan ang kampanya ng todong panunupil ng kaaway. Dapat batikusin at labanan ang presensya ng abusadong mga tropang militar at pulis sa mga sibilyang komunidad na walang tigil sa panggigipit at pang-aabuso sa masa. Tiyaking walang-patid ang rebolusyonaryong propaganda, edukasyon at kampanya kahit pa may mga pwersang militar sa mga baryo. Dapat pangibabawan ang ipinapataw nilang mga pasistang restriksyon sa pamamagitan ng angkop na mga pamamaraan ng lihim na komunikasyon at mga pagtitipon, gayundin ng taktika sa tahasang pagsuway, paglaban at pakikibaka. Dapat patuloy na itayo at palakasin ang lokal na mga sangay ng Partido, rebolusyonaryong mga organisasyong masa at mga yunit ng milisyang bayan. Dapat magbalangkas ang masa ng iba’t ibang taktika ng paglaban para isulong ang kanilang mga pakikibakang sosyo-ekonomiko at magprotesta laban sa armadong presensya at pang-aabuso ng kaaway sa kanilang mga baryo. Dapat ikumbina ang mga ito sa armadong mga aksyong inilulunsad ng mga yunit ng BHB, kakoordina ang mga yunit ng milisyang bayan. Ang kalupitan ng mga pwersa ng AFP at PNP sa kanayunan ay dapat aktibong ilantad sa midya at social media.
Dapat patuloy na palakasin ng Bagong Hukbong Bayan ang pagrerekrut sa bagong mga Pulang mandirigma mula sa masang magsasaka, gayundin sa mga manggagawa at petiburges na intelektwal sa kalunsuran. Tungkulin ng mga sangay ng Partido na hikayatin ang mga kadre at kasapi ng Partido, masang aktibista, mga kasapi ng mga yunit milisya na sumapi sa BHB, at maglista ng mga rekomendado para sa hukbong bayan. Katuwang ang mga yunit ng BHB, responsable rin sila sa pagtiyak na ang pamilya ng mga Pulang mandirigma ay mahusay na naaasikaso at regular na nabibigyan ng suportang materyal at pinansyal. Maaaring magkaroon ng tatlo o anim na buwang tour-of-duty o integrasyon sa hukbo ang mga kasapi ng yunit milisya para dagdagan ang pwersa ang mga lokal na yunit sa mga larangang gerilya ng BHB. Dapat bigyan ng partikular na diin ang rekrutment ng mga manggagawa at kabataang intelektwal para makatulong sa pang-ideolohiya at pampulitikang pagsasanay sa BHB. Ang mga masang aktibista sa kalunsuran at sentrong bayan, laluna yaong mga ginigipit ng pasistang rehimen, ay dapat hikayating sumapi sa BHB o magpakanlong dito.
Dapat lahatang-panig na palakasin ng BHB ang kanyang sarili. Dapat regular na maglunsad ang mga yunit nito ng pulitiko-militar na pagsasanay para itaas ang kakayahan ng mga Pulang mandirigma. Dapat nitong itaas ang kanilang kamulatang pampulitika at kahandaan sa ideolohiya sa pamamagitan ng walang-pagod na propaganda at edukasyon sa kanilang hanay. Dapat tiyakin ang pamamahagi ng Ang Bayan at kolektibong pagtalakay nito at ng mga pahayag ng Partido at panrehiyong mga publikasyon sa lahat ng mga yunit ng BHB. Dapat abutin ang 100% literasi ng lahat ng Pulang mandirigma. Dapat tiyakin ang kanilang kalusugang pisikal at mental. Dapat magsagawa ang bawat yunit ng BHB ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili para pangibabawan ang mga kahinaan at palakasin ang pagkakaisa at pagsalig sa isa’t isa. Dapat itaas ang kakayahan ng bawat yunit ng BHB na magmulat, mag-organisa at magpakilos ng masa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang kapasidad sa pagsasagawa ng panlipunang pagsisiyasat, propaganda, edukasyon, at mga kampanyang masa. Ang lahat ng mga yunit ay dapat regular na maglunsad ng ehersisyong pisikal, pagtudla, pagsasanay pangkombat at mga war game para itaas ang kanilang pagkaalisto, at kakayahang sabayang kumilos.
Dapat paalon-along magpalawak ang BHB ng teritoryo o erya ng mga operasyon nito, habang binabalanse ang pagpapalawak at konsolidasyon. Sa isang panig, hindi nito dapat hayaang matagalang matali ang mga yunit nito sa limitadong erya ng operasyon; at, sa kabilang panig, hindi dapat nito labis na banatin o ikalat ang mga yunit ng BHB. Dapat regular na irebyu ng mga namumunong komite ng Partido at kumand ng BHB ang pagpapakat ng mga pwersa ng BHB alinsunod sa prinsipyo sa istruktura ng mga pwersa ng BHB at mga batas ng pag-unlad ng pakikidigmang gerilya. Dapat planuhin ng mga kumand at komite ng Partido sa antas rehiyon, subrehiyon, at larangan ang kalendaryo at programa para sa pagpapalawak ng BHB para ikoordina ang iba’t ibang mga yunit ng BHB at ang kondukta ng digma. Dapat mayroong plano para pagdugtungin ang mga interyor na erya sa kapatagan, lambat ng mga daanan at tabing-dagat. Dapat pakilusin ang mga lokal na kasapi ng Partido, mga masang aktibista at kasapi ng milisyang bayan para tumulong sa pagpapalawak ng BHB sa mga kalapit na barangay at bayan.
Dapat ilunsad ng BHB ang masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya. Dapat maglunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba na tiyak nitong mabilis na maipagtatagumpay. Dapat piliin nito ang mga nakahiwalay, nahihiwalay at mahinang pwersa ng militar, pulis at paramilitar bilang target ng anihilasyon para makasamsam ng mga armas at suplay. Dapat pagplanuhan din ng BHB ang mga detatsment ng paramilitar ng kaaway, taktikal na outpost, at linya ng suplay. Dapat planuhin din nilang atakehin at sirain ang mga helikopter, drone, bomber plane at iba pang kagamitang panghimpapawid ng kaaway. Maaaring paramihin at paigtingin ng mga yunit panlaban ng BHB ang kanilang mga taktikal na opensiba at sumagupa sa kaaway na maiiksi lamang ang panahon ng pahinga. Dapat din silang magtalaga ng mga yunit o pangkat ng mga Pulang mandirigma para magsagawa ng mga atake laban sa mga linya sa transportasyon at komunikasyon ng kaaway. Dapat masaklaw na mapakilos ang mga yunit milisya ng BHB para maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa abot ng makakaya. Dapat ideploy ang mga yunit partisano ng BHB sa mga syudad at sentrong bayan para sa pag-aresto o pagparusa sa mga pasistang kriminal na responsable sa kampanya ng maramihang pagpaslang at terorismo ng estado laban sa masa.
Dapat biguin ng BHB ang mga nakapokus na operasyong militar at todong opensiba ng kaaway, mga operasyong kombat at saywar at panunupil laban sa masa. Dapat ubos-kayang ipawalang-saysay ang mamahaling mga kagamitang pansarbeylans at higit na malakas na mga armas sa pamamagitan ng pagkakait sa kaaway ng mga target. Dapat panatilihin ng mga yunit ng BHB ang mataas na antas ng disiplinang militar at ipatupad ang mga istriktong hakbangin ng paglilihim sa pansamantalang mga kampo (bakas, usok, ilaw at ingay) at sa pagkilos para iwasang matiktikan ng kaaway gamit ang mga iskawt, espiya, sarbeylans ng drone, pagsagap sa elektronikong kagamitan at paggamit ng mga instrumentong geotracking. Dapat itong magpaunlad ng bagong lihim na mga ruta ng suplay. Dapat maglunsad ito ng kontra-paniktik at buwagin ang mga lambat ng espiya ng kaaway. Dapat masinsin na bantayan at suriin ng BHB ang mga plano at kilos ng kaaway, at maglunsad ng mga gerilyang maniobra para lumayo sa pokus ng kaaway, umiwas sa pagkubkob ng kaaway at pwersahin ang kaaway na sumuntok sa hangin at magsayang ng rekurso.
Dapat magtalaga ang mga platun ng BHB ng mga iskwad at pangkat ng mga Pulang mandirigma para umatake mula sa mga likuran o tagiliran ng kaaway para idiskaril ang mga plano at kilos nito. Kasama ang BHB, ang mga lokal na sangay ng Partido at rebolusyonaryong organisasyong masa ay dapat magplano at magbuo ng mga taktika at pamamaraan sa pulitika at militar para ilantad, harapin, labanan at daigin ang kampanyang panunupil ng kaaway sa antas ng mga komunidad at interkomunidad. Dapat pakilusin ang mga yunit milisya at komite sa pagtatanggol sa sarili para maglunsad ng masaklaw na mga atakeng militar at armadong aksyon para idiskaril ang mga planong opensiba ng kaaway.
Dapat palakasin ng Partido ang pamumuno nito sa BHB sa lahat ng antas. Dapat regular na ilunsad ang mga kumperensyang militar para makapagpalitan ng impormasyon ang mga kadreng militar, magtasa at magsuma ng mga karanasan, magkoordina at mabuo ng mga taktika at mga plano sa erya ng kanilang operasyon. Dapat organisado ang mga sangay ng Partido at regular na makagana sa loob ng mga kumpanya at platun ng BHB. Responsibilidad ng mga sangay ng Partido na itaas ang pampulitikang kamulatan at rebolusyonaryong determinasyon ng mga Pulang mandirigma ng BHB at palakasin ang kanilang pagkakaisa, manguna sa pagpuna at pagpuna sa sarili at sa pagpapanibagong-hubog.
Ang malubhang krisis sa pulitika at ekonomya ng naghaharing sistema ay pabor sa pagsusulong ng digmang bayan. Ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino ay napupukaw na lumaban para wakasan ang matinding pagdurusa, kahirapan, gutom at pang-aabuso sa ilalim ng tiranikong rehimen. Ang pambansa-demokratikong rebolusyon ay mas nagiging kailangan at kagyat sa harap ng tumatalas na krisis at hindi mabatang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Para sa mamamayang Pilipino, walang ibang paraan kundi ang paglulunsad ng rebolusyonaryong mga pakikibaka para ibagsak ang mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila.
Wakasan ang pasistang rehimeng Duterte!
Magsumikap na palakasin at palawakin ang Bagong Hukbong Bayan at ang baseng masa nito!
Paigtingin ang pakikidigmang gerilya at biguin ang malupit na kontrarebolusyonaryong digma ng kaaway!
Isulong ang digmang bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
⬆ Back to top