Mensahe sa ika-53 Anibersaryo ng BHB Biguin ang pagdurog ng armadong pakikibaka sa Panay! Mas palakasin ang digmang bayan!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Hiligaynon

Pulang saludo at pinakamaalab na pagbati sa lahat ng Pulang kumander at mandirigma sa rehiyon ng Panay at buong bansa na nagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng pagkatatag ng Bagong Hukbong Bayan! Kasama ng mga kadre at kasapi ng PKP, mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon, mga alyado at malawak na masang Pilipino, nagagalak at marangal nating ipinagdiriwang ang araw na ito dahil sa mga tagumpay na nakamit sa loob ng nakalipas na isang taon sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at magiting na paglaban sa pinatinding pasistang atake at panunupil ng rehimeng US-Duterte. Pinakamatikas na pagsaludo at pinakamataas na parangal ang ating iginagawad sa lahat ng mga rebolusyonaryong martir na nag-alay ng kanilang galing at buhay para sa paglilingkod sa sambayanan at pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Nitong nakalipas na taon ay humarap ang rebolusyonaryong pwersa at mga mamamayan ng Panay sa matinding terorismo ng pasistang rehimen sa pamamagitan ng AFP, PNP at NTF-ELCAC. Naging mas malaki, malawak at masinsin ang mga inilunsad na operasyong combat ng pinagsamang tropa ng 3ID,PA at mobile forces ng PNP-PRO-6 sa loob ng mga larangang gerilya ng BHB. Gumamit din ito ng mas modernong armas at kagamitan tulad eroplanong pambomba, kanyon, helicopter, eroplanong pang surbeylans at mga drones. Sinabayan din ito ng pagpakat ng tropang RCSP sa umaabot 100 na baryo para sa kanilang kampanya ng saywar at pwersahang pagpasurendir sa mga sibilyan.

Patuloy na ipinagkakait ang hustisya para sa mga biktima ng Tapaz massacre noong Disyembre 2020. Sa halip ay pinatindi at pinalawak pa ang pagkakalat ng lagim nito ng mga mersenaryong tropa ng 3ID,PA at PRO-6. Dinagdagan pa ang ipinakat na mga tropa, detatsment at mga operasyong militar para lalong sindakin ang masa. Sa kabila ng mga pananakot ay matapang na ipinaglaban ng mga biktima ang kanilang mga karapatan at pagka- inosente at matagumpay na nakamit ang pagpawalang-sala ng korte sa mga inaresto.

Maliban sa pananakot ay gumagamit din ang mga pasista ng panlilinlang sa pamamagitan ng pangakong pera, “kabuhayan” at proyektong imprastruktura, katulad ng pang-aakit ng diumano’y 20 milyong peso para sa mga barangay na magdeklarang “malinis na sa NPA”. Maagang nabunyag ang kalupitan kahungkagan, kasinungalingan at kurapsyon ng NTF-ELCAC-AFP-PNP sa mga pakana nitong “persona non grata”, “e-clip” at “barangay development program”. Ang mga pangakong benipisyo ay naging palabas at propaganda lamang sa media ng NTF-ELCAC habang naibulsa na ang pondo ng mga kurap na opisyal nito.

Sa katunayan, nililimitahan ng militar ang mga sibilyan maging sa kanilang araw-araw na pamumuhay at paghahanap ng pagkain, inuokupa ang kabahayan at mga pampublikong gusali at pasilidad ng barangay, isinasailalim sa surbeylans ang kilos ng mga residente, kinokontrol ang pagbili ng bigas at mga batayang pangangailangan, inoorasan ang pagpunta sa mga sakahan, pinagbabantaan ang mga pinaghihinalaang may ugnay sa NPA, binabawalan ang pagsali sa mga protesta at sapilitang pinalilipat ang mga tao sa sentro ng baryo para daw hindi mahagip ng kanilang mga bomba at kanyon.

Sa mga sentrong bayan at lungsod naman ng rehiyon ay mas tumindi at hayagan ang terorismo ng NTF- ELCAC sa pamamagitan ng pagpapakalat ng itim na propaganda, paninira, redtagging at pagbabanta sa mga lider- masa at aktibista ng mga hayag na progresibo’t demokratikong organisasyon kung hindi tumigil sa kanilang pagkilos.

Pinakamatingkad na tahasang paglabag ng pasistang AFP sa pandaigdigang makataong batas sa digma ang pagbomba gamit ang dalawang fighter jet at pagkanyon sa isang yunit ng NPA na pansamantalang nakahimpil sa Brgy Alimodias, Miag-ao, Iloilo noong Disyembre 1, 2022 na ikinasawi ng walong Pulang mandirigma. Upang pagtakpan sa publiko ang matinding pinsala na idinulot sa kabuhayan ng mga sibilyan at kapaligiran ay pinagbawalan ng militar ang mga magsasaka at taga-media na pumasok sa binombang lugar. Noong umaga ng Enero 25, 2022 naman ay mahigit sa 30 bala ng howitzer ang pinaputok ng 3ID sa loob ng isang oras sa mga bulubunduking bahagi ng mga hangganan ng Tapaz, Capiz, Calinog, Iloilo at Libacao, Aklan, kahit na walang NPA doon. Karamihan sa mga bomba ay tumama malapit sa mga sakahan, at nagdulot ng matinding takot at pangamba sa mga tumanduk na nakatira at nagsasaka sa lugar.

Matatag na paglaban ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa Panay

Sa harap ng napakatinding pang-aatake ng 3ID,PA at PRO-6 sa pagkasa ng mas masinsin at malaking operasyong militar, pambobomba at paggamit ng modernong kagamitan sa paniniktik at surbeylans, magiting nalumaban ang BHB-Panay sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba at mga punitibong aksyon laban sa tropa ng kaaway, mga galamay at kagamitan nito. Hindi bababa sa 35 ang kabuuang kaswalti sa kaaway at nakasamsam ang BHB ng 2 armas sa 25 opensibang aksyon nito. Walang yunit ng BHB sa rehiyon ang nadurog ng AFP-PNP. Patuloy na nagpupunyagi ang mga Pulang kumander at mandirigma na mas palakasin ang Hukbo at armadong pakikibaka sa rehiyon lalo na ngayong nahaharap sa masidhing kahirapan ang masa dahil sa tumitinding panunupil at pandarambong ng pasistang rehimen. Bagama’t nalagasan ng 8 mandirigma, nanatiling buo at matibay ang kapasyahan ng BHB-Panay na patuloy na lumaban para bigyang hustisya ang mga kasamang nasawi at mga masang biktima ng pagsasamantala at pang-aapi.

Patuloy na umaani ng suporta ng malawak na masa ang BHB at PKP sa rehiyon. Sa harap ng lumalalang krisis sa ekonomiya at kapabayaan ng reaksyonaryong rehimen ay pinalalakas ng BHB ang kampanya para sa pagpapaunlad ng lokal na produksyon pangunahin para sa pagkain, at mga produktong mas madaling ibenta para sa pangangailangan ng mga magsasaka. Kasabay nito ang pagpapaunawa sa masa ng kawastuhan at pangangailangan sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang pangmatagalang solusyon sa malubhang krisis na idinudulot ng neoliberal na programa at mga patakaran ng mga reaksyonaryong rehimen. Tinuturuan din sila ng BHB sa pangangalaga ng kalusugan sa pamamaraang simple at gamit ang mga likas na yamang matatagpuan sa kanilang lugar. Ang mga kampanyang ito ay lalong nagpapatibay sa ugnayan at suporta ng mga masang magsasaka sa Hukbo.

Sa kabila ng mga paninira at pagbabanta ng AFP at PNP ay hindi napigilan ang mga hayag at ligal na pagkilos ng mamamayan upang ibunyag, tuligsain at singilin ang rehimeng Duterte sa kapabayaan, kapalpakan, kurapsyon at panunupil nito sa gitna ng pananalasa ng pandemya at sumasahol na kahirapan.

Mga pangunahing nga tungkulin ng BHB sa rehiyon

Tinatanggap at tatalima ang BHB-Panay sa mga panawagan ng Komite Sentral ng PKP sa okasyon ng pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng Partido, lalo na ang mga gawaing pangunahing nakaatas sa BHB.

Dapat ubos-kayang labanan ang ibayong terorismo ng rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng pagpalawak at pagpaigting ng pakikidigmang gerilya batay sa lumalawak at lumalalim na baseng masa. Mas paramihin ang mga taktikal na opensiba ng mga yunit para birahin ang mga tropang naghahasik ng terorismo sa kanayunan at makapagkumpiska ng armas. Kasabay nito ay dapat panatilihing mapagmatyag at mataas ang alerto ng mga yunit para makaiwas sa mga depensibang labanan at pambobomba ng kaaway.

Patuloy na pukawin at himukin ang maraming kabataan para buong panahong maglingkod sa bayan at sumapi sa BHB. Ang tumitinding kahirapan at kapabayaan ng reaksyonaryong rehimen sa kapakanan ng kabataan ay lalong nagdidiin sa kanila sa matinding pagsasamantala at pang-aapi. Dapat likhain ang maraming paraan para madaling maunawaan nila ang kawastuhan at pangangailangan ng armadong pakikibaka para makamit ang kanilang minimithing maaliwalas na bukas.

Sikapin nating palawakin ang mga larangang gerilya, magpaunlad ng mga bagong base upang mas lumuwag ang erya ng operasyon ng BHB at para biguin ang kampanya ng kaaway na kubkubin o durugin ang mga yunit ng BHB.

Dapat palawakin at patatagin ang baseng masa sa pamamagitan ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo at mga kampanyang masa na sasagot sa pangmatagalan at kagyat na pangangailangan ng mga magsasaka.

Mas paunlarin ang kasanayan ng mga kumand ng BHB sa balansyadong pagpakat ng pwersa para sa pagpapalawak at konsolidasyon, at para sa gawaing masa at gawaing militar. Mas pasiglahin ang mga pagsasanay sa pulitika at militar ng mga Pulang mandirigma at kumander upang magkaroon ng sapat na kakayahan sa pagharap ng dumarami at mas kumplikadong mga gawain sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.

Dapat panatilihing mataas ang rebolusyonaryong diwa at determinasyon ng lahat ng Pulang mandirigma at aktibistang masa sa paglaban sa pasistang terorismo ng kaaway, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pag-aaral sa mga rebolusyonaryong teorya, aktibong paglahok sa armadong pakikibaka at pagsasagawa ng mga kinakailangang pagsasanay.

Dapat ipatupad ang mga tuntunin at patakaran ng rebolusyonaryong gobyerno tungkol sa reaksyonaryong eleksyon. Pangalagaan ang interes ng masa para sa malayang pagpapahayag ng demanda at pagboto, at laban sa pananakot, panlilinlang at pandarahas. Kasabay nito ay dapat patuloy na ibunyag ang tunay na katangian ng reaksyonaryong eleksyon bilang isang palamuti at kasangkapan ng mga naghaharing uri upang ipagpatuloy ang kanilang pagsasamantala at pang-aapi sa mga mamamayan.

Mabuhay ang NPA!
Magpunyagi sa landas nga armadong rebolusyon!
Ibagsak ang teroristang rehimeng-US Duterte!

Biguin ang pagdurog ng armadong pakikibaka sa Panay! Mas palakasin ang digmang bayan!