Biguin ang terorismo ng tigreng papel na estado! — KM-Datako
Noong ika-3 ng Hunyo, 2020, irinatsada sa kamara ang RA 11479 o mas kilala bilang “Anti-Terrorism Bill ”. Pinirmahan ito ni Duterte bilang isang batas noong ika-3 ng Hulyo at ngayong ika-18 ng Hulyo, inaasahan ang opisyal nitong implementasyon. Sa batas na ito, nakasaad ang mga probisyong umaapak sa mga karapatang pantao, hindi lang ng mga aktibong bumabatikos sa pamahalaan kung hindi ng lahat ng mamamayang Pilipino. Halimbawa nito ay ang probisyon na nagsasawalang bahala sa RA 4200 o “Anti-Wire Tapping Law”, kung saan maaaring kalkalin o hindi kaya ay tiktikan ng kahit na sinong ahente ng militar o ng mga tagapagpatupad ng batas ang mga impormasyon (e-mail, texts, calls, etc.) sa pamamagitan ng wiretap, surveilance at pagrekord gamit ang kahit na anong teknolohiya, ng mga pinaghihinalaang “terosista” (Sec 16). Nakasaad din dito ang pagkontra sa probisyon ng artikulo 125 ng Revised Penal Code kung saan maaaring makulong ang mga pinaghihinalaang “terorista” kahit walang Warrant of Arrest mula sa korte ng labing-apat na araw kahit wala pa itong kaso. Maaari rin itong madagdagan pa ng sampung araw kung kinakailangan (Sec 29).
Malabnaw ang depinisyon ng terorismo sa batas na ito. Ayon dito, terorismo nang maituturing ang mga aktibidad na: a) maaaring maging dahilan sa kamatayan o seryosong pagkasugat ng kahit na sinong tao, b) maaaring magdulot ng malaking pagkasira ng mga pampublikong pasilidad, c) maaaring pumigil o sumira sa mga kritikal na imprastruktura, d) gumagawa, nagmamay-ari, nagta-tranport o gumagamit ng mga sandata o kahit na anong bomba, e) nagpapalabas ng mga mapanganib na kemikal o nagdudulot ng sunog, baha o pagsabog (Sec 4). Sa unang tingin, maaring sabihing walang mali sa depinisyong ito ngunit kung ating titignan, sa aktwal ay maari nang bansagang “terorista” ang mga kabataang nagpapanawagan para sa sa karapatang pantao ng mamamayan na nakasakit sa isang pulis dahil marahas silang dinidispersa. Maaari na ring bansagang “terorista” ang mga manggagawang nagwewelga para sa tamang sahod at maayos na kondisyon sa trabaho, na pumipigil sa takbo ng mga imprastruktura at pasilidad para sa produksyon. Maaari na ring bansagang “terorista” ang mga magsasakang nagmamay-ari ng mga matatalim na kagamitan na kanilang ginagamit sa pagsasaka. Maaari na ring bansagang “terorista” ang kahit na sino upang pagtakpan ang mga kamalian ng mga pulis at militar, tulad ng ginawa nila noong kampanya kontra-droga noong 2016. Maari na ring bansagang “terorista” ang mga katutubong aktibong lumalaban para sa kanilang ipinamanang lupain.
Sa kalabnawan ng mga depinisyon nito ay nabibigyan ng kapangyarihan ang Anti-Terrorism Council o ATC na siyang magtatakda kung terorismo ba ang mga aktibidad na ito o hindi (Sec 25). Kung titignan ang mga kasapian ng ATC, karamihan ay mula sa gabineteng nagsisilbi sa kagustuhan ng pangulo (Executive Secretary, Sec for foreign Affairs, Sec for National Defense, Sec for Interior and Local Government, Sec for Finance, Sec for Justice at Sec for Information and Communications technology) kasama ang National Security Adviser at ang Executive Director ng AMLC o Anti -Money Laudering Council na mga dating miyembro ng militar na may utang na dugo sa mamamayan.
Hindi nakakagaan ng loob ang mga mapanlinlang na probisyon ng batas na ito na ibinabandera ng mga inutil na mambabatas at mga militar at pulis. Kahit na nakasaad sa batas na ito ang mga karapatan ng mga nahuli (Sec 30) o ang pagsasaad na “hindi kasama ang pagproprotesta o pagwewelga sa mga aktibidad na maituturing na terorismo”, hindi maitatangi ang katotohanan na gagamitin ng pamahalaan ang batas na ito para patahimikin, pigilan at igapos ang mga mamamayang namumulat sa tunay na adhikain ng estadong pagsilbihan ang makasariling interes ng naghahairng-uri.
Kahit noong wala pa ang batas na ito, sunud-sunod na ang atake ng estado sa mamamayan. Sunud-sunod ang pag-aresto at pagkulong sa mga nagpoprotesta para sa ayuda kahit walang malinaw na rason ang kapulisan para gawin ito. Tuluy-tuloy ang pagpatay sa mga lider-masa, mambabatas, propesyunal na kilalang bumabatikos sa karahasan ng estado. Tuluy-tuloy pa rin ang pambobomba sa kanayunan, at pagpaslang sa mga magsasaka at katutubong binabansagan ng mga berdugong militar na miyembro ng NPA kahit na hindi ito totoo. Tuluy-tuloy din ang red-tagging sa mga ligal na progresibong organisasyon na nagpapahamak sa mga miyembro nito mula sa paniniktik at harasment ng militar at pulis. Patunay ito na hindi nakatuon ang batas na ito para sugpuin ang terorismo kundi ay gawing makatwiran ang terorismo ng estado.
Malinaw ang katangian ni Duterte bilang isang diktador. Malakas ang kanyang loob dahil sinusuportahan siya ng kanyang among instik na nagsulong din ng katulad na batas “panseguridad” sa Hongkong. Hindi rin maitatanggi na malaki ang makukuha ng imperyalistang Amerika, na dati nang malakolonya ang Pilipinas, kapag naipatupad na ang batas na ito dahil mas magkakaroon ng rason ang estado para papasukin ang mga sundalong kano para sa pagsasanay upang sugpuin ang “terorismo”. Sa katunayan, isa ang pagpapasa ng batas laban sa terorismo bilang rekisito para payagang makautang ang bansa sa World Bank at International Monetary Fund. Walang pagtatangging ginagaya ni Duterte ang kanyang idolong si Marcos sa pagsuot niya ng kamay na bakal na pintado ng dugo ng mga mamamayan. Hindi na kailangan ni Duterte na magdeklara ng Martial Law dahil sapat na ang batas na ito at ang mga itinalaga niyang mga dating militar sa matataas na posisyon ng gobyerno upang maghasik ng lagim sa bansa.
Desperadong sinusubukang pigilian ng estado ang pag-abante ng rebolusyunaryong kilusan. Sinasabayan nito ang tono ng mga kapitalista na “kalaban ng sambayanan ang komunismo”. Pilit nitong binabansagang “terorista” ang kahit na sinong sumandig sa prinsipyo ng nagpapatuloy na rebolusyon. Pinapatunayan ng malawak na suporta ng mamamayan na tama ang prinsipyong isinusulong natin na nakabatay sa materyal na paggalaw ng ating lipunan. Natatakot ang mga kapitalista na pinagsisilbihan ng estado sa muling pagbangon ng mga mamamayan na sa matagal na panahon ay inaapakan nila.
Sa kabila ng lahat ng ating pagbatikos at panawagan na ibasura ito kahit noong nasa kamara pa lamang , minadaling ipatupad ito ng estado. Malinaw na hindi nila tayo pinapakingan kaya malinaw din ang ating sagot sa harap harapang magtratrato nila sa atin na parang isang mangmang. Sa ating sama-samang pagkilos lamang natin mapipilit ang nagbibingi-bingihang estado para pakingan tayo.
Hindi dapat tayo matakot sa estadong nag-aastang halimaw ngunit sa katunayan ay isa lamang tigreng papel. Nasa atin ang tunay na lakas ng libu-libong mamamayang nakararanas sa pagpapahirap nila. Ito na ang panahon upang i-abante ang Digmang bayan upang tapatan ang mga pwersa ng pasistang estado! Ang tanging sagot para sa pagbabago ay ang malakas na daluyong ng matagalang rebolusyon ng nagkakaisang pwersa ng mga pinagsasamantalahang uri. Ang rebolusyong isinusulong ng ating hukbong bayan kasama ang mamamayan sa pamumuno ng Partido. Hamon sa atin na kabigin at makiisa sa pwersa ng mamamayan para sa rebolusyon!
IBASURA ANG TERROR LAW!
ISULONG ANG DIGMANG BAYAN!
SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!