Bihag ng Digma sa Mindoro, pinalaya na
Inanunsyo ng Lucio de Guzman Command, New People’s Army – Mindoro (LdGC- NPA) ang matiwasay na pagpapalaya kay Raymando R. Malupa. Si Malupa ay 17 araw na hawak bilang bihag ng digma o prisoner of war (POW) ng isang yunit ng LdGC-NPA Mindoro. Isa siyang aktibong kagawad ng Citizens Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa ilalim ng 203rd Brigade ng Philippine Army.
Naisagawa ang ligtas na pagpapalaya sa gitna ng walang tigil na operasyong militar ng mga batalyon at pwersa ng 203rd Brigade at ng PNP-MIMAROPA sa kabila ng panawagan sa kanila na pansamantalang itigil ang operasyong militar para bigyang daan ang ligtas na pagpapalaya kay Malupa. Ipinapaabot namin ang pasasalamat sa lahat ng mamamayang tumulong at naging daan upang maging ligtas ang pagpapalaya.
Inaresto noong Abril 5 ng gabi si Malupa kasama ang kapitan ng Brgy. Malo, Bansud, Oriental Mindoro na si Peter Delos Santos at ang hepe ng tanod ng parehong barangay na si Rocky Bueta. Nauna nang pinalaya sina Delos Santos at Bueta noong Abril 6 matapos sumailalim sa hudisyal na proseso ng imbestigasyon. Samantalang si Malupa ay bininbin upang isailalim sa proseso ng paglilitis ng Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB) kaugnay ng pagiging aktibong CAFGU at kontra-rebolusyonaryo.
Sa proseso ng imbestigasyon, kusang-loob na inamin ni Malupa ang mga kasong nakasampa sa kanya kabilang ang pagsasagawa ng operasyong panghuhuli sa mga sibilyan na pinaghihinalaan nilang may kaugnayan sa CPP-NPA-NDFP at pagsasagawa ng operasyong paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.
Bilang bihag ng digma, ginarantiyahan ng arresting unit ng NPA na igagalang ang karapatan ni Malupa bilang arestado at itinuturing na POW. Sa loob ng 17 araw ng kanyang pagiging POW ay inilagay siya sa kustodiya ng isang yunit ng LdGC – NPA sa Oriental, Mindoro at trinato bilang bihag ng dima ng DGB. Habang nasa kustodiya ay tinamasa niya ang kanyang mga karapatan bilang POW batay sa umiiral na mga pandaigdigang batas ng digmaan, mga patakaran ng DGB at nang Kumprehensibong Kasunduan Hinggil sa Paggalang sa Karapatang-tao at Internasyunal na Makataong Batas sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Gayunpaman, walang inutang na dugo sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan si Malupa para igawad ang parusang kamatayan at nangakong magbabago at magbabayad ng danyos perwisyo sa kanyang mga biktima. At batay sa makataong konsiderasyon, pinagpasyahan ng DGB sa pamamagitan ng Hukumang Bayan sa Isla ng Mindoro ang pagpapalaya kay Malupa ngayong ika-22 ng Abril 2019.
Sa ilalim ng DGB, makakamit ang rebolusyonaryong hustisya, isang tunay na hustisya na gumagalang sa karapatang tao at nagsisilbi sa interes ng pinagsasamantalahan at inaapi. Sa kabilang banda, nilalapastangan naman ang karapatang tao ng duguang kamay ng gubyernong Duterte. Naglulunsad ito ng “tripleng gyera” — gyera kontra-droga, Martial Law sa Mindanao at kontramamamayang Oplan Kapayapaan — na may ilampung libong pinaslang, minasaker, arbitraryong inaresto at tinortyur, daan-daanlibong pwersahang pinalikas, at napakaraming iba pang sinupil kabilang ang mga kalaban sa pulitika, aktibista, taong simbahan at alagad ng masmidya at alternatibong midya maging mga kritikong akademiko at netizens sa social media.
Para sa mga katanungan, makipag-ugnayan sa LDGC press relations sa 09653856739 / 09499705635 o [email protected]