Biktima ng walang batayang red-tagging si Jun Hisarza
Nasa peligro ngayon ang buhay at kalayaan ni Pedro “Jun” Hisarza Jr, 47, residente ng Barangay San Ramon, Barcelona at kasapi ng Sorsogon People’s Organization (SPO), ligal na samahang nagtatanggol sa karapatang-tao sa probinsya.
Ito ang ipinarating sa amin ng ilang concerned citizen matapos tukuying “lider ng NPA” ang isang Jun Hizarza sa resolusyon ng probinsyal na piskalya para sampahan ng kaso ang mag-asawang sina Ruel Llamera at Annie Jean Castillo na mga myembro rin ng SPO.
Sina Llamera at Castillo ay dinakip ng mga elemento ng 1st Provincial Police Mobile Force Company nitong Hulyo 8 sa bayan ng Gubat habang bumibiyahe sila patungong Sorsogon City. Ang mag-asawa ay galing noon sa tirahan ni Hisarza sa Barcelona. Tinamnan sila ng ebidensyang rebolber at granada at sinampahan si Llamera ng kasong illegal possession of firearms at si Castillo, ng illegal possession of explosives.
Inimbento ng mga pulis ang kwentong NPA ang mag-asawa at nagtungo umano sila sa Barcelona para mag-report sa umano’y lider nilang si Hisarza. Nakagagalit naman ang mabilis pa sa alas-kwatrong pagdedesisyon ng reaksyunaryong piskalya na magsampa ng kaso batay sa gawa-gawang kwento at ilagay sa alanganin ang buhay ng mga taong walang sala.
Kahayupan ang mga hakbang na ito ng mga reaksyunaryong awtoridad. Militar o sibilyang ahensya man ng gobyerno ay wala nang galang sa karapatang sibil at nagsisilbi lamang na mga kasangkapan para sa pasistang tiranya.
Natatakot at naghahanap ngayon ng masusulingan si Hisarza. Umaapela kami sa Commission on Human Rights-Bicol, sa International Committee of the Red Cross at iba pang may malasakit sa kapakanan ng mga sibilyan sa gitna ng nagpapatuloy na gyera sibil sa bansa na siyasatin ang kasong ito at tumulong sa pagtiyak sa kaligtasan ni Hisarza. Umaapela rin kami para sa anumang asistensya na maibibigay sa mag-asawang Llamera at Castillo at sa iba pang biktima ng maruming gyera ng rehimeng Duterte.