Bilanggong pulitikal, palayain! – NDFP-ST

Nananawagan ang National Democratic Front of the Philippines—Southern Tagalog na agarang palayain ang mga bilanggong pulitikal sa bansa. Makatwiran at sinusuportahan ng NDFP-ST ang panawagan ng UNCHR na palayain ang mga bilanggong pulitikal kasabay ng pagpapatupad ng pandaigdigang tigil-putukan ng mga nagdidigmaang mga partido at estado. Sa harap ng panganib ng Covid-19, nasa peligro at bulnerable ang mga bilanggong pulitikal sa pagkahawa sa Covid-19 dahil sa masikip at malubhang kalagayan ng mga bilangguan sa Pilipinas. Ang mga bilanggong pulitikal ay hindi nararapat ikulong dahil sa kanilang pampulitikang paniniwala. Sila’y biktima ng pagmamalupit ng rehimeng US-Duterte na ngayo’y pinapabayaan sa gitna ng krisis ng Covid-19.

Kailangang tumugon ang gubyernong Duterte sa panawagan ng United Nations High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet na palayain ng mga bansa sa daigdig ang mga bilanggong pulitikal upang maibsan ang pagsisiksikan sa loob ng mga kulungan. Batay sa pag-aaral, sa Pilipinas, umaabot sa 450% ang congestion ng mga bilangguan sa Pilipinas. Ang panawagan ni Bachelet ay makatarungan lamang upang higit na maiwasan ang pagdami pa ng kaso ng Covid-19 sa bansa.

Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, naging tampok ang pagdakip sa mga aktibista at mga lider ng mga progresibong organisasyon sa Timog Katagalugan tulad nina Norly Bernabe, Alexandria Pacalda, Reynaldo Malaborbor, Jr at Edisel Legaspi. Pinaratangan silang mga kasapi ng NPA upang patuloy na ipiit at sampahan ng mga gawa-gawang kaso. Samantala, si Jaime “Ka Diego” Padilla naman ay isang hors de combat na iligal na dinakip habang nagpapamot sa Cardinal Santos Medical Center noong 2019.

Dapat patunayan ni Duterte ang kaseryosohan niyang resolbahin ang krisis na kinakaharap ng bayan sa Covid-19. Marapat niyang agarang tugonin ang panawagan ni Bachelet at dapat nang palayain ng rehimen ang 609 bilanggong pulitikal na patuloy na napiit kahit na walang batayan ang pagkakadakip sa kanila.

Samantala, patuloy na ipanawagan ng mamamayan ang pagpapatigil sa militaristang lockdown ng administrasyon na pinalawig pa hanggang katapusan ng Abril. Magkapitbisig ang bayan para ipanawagan ang libre at dekalidad na serbisyong pangkalusugan laban sa Covid-19. ###

Bilanggong pulitikal, palayain! - NDFP-ST