Binago ng FQS ang buhay ko

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ang pagdaluyong ng kilusang kabataan at estudyante sa unang kwarto ng 1970 ay ginamit ng diktador na si Ferdinand Marcos bilang isa sa mayor na pagdadahilan para ipataw ang batas militar sa buong bansa at palawigin ang kanyang monopolyong sa kapangayarihan at yaman.

Nang mag-enrol ako sa Central Mindanao University sa Musuan, Bukidnon noong 1968, nagsisimula pa lamang ang aktibismong pampulitika sa Mindanao sa hanay ng mga estudyante at sa mga magsasaka, manggagawa at relihiyoso at ibang sektor ng panggitang pwersa. Ang pambansang krisis sa lipunan, ekonomya at pulitika na nasalamin din sa Mindanao ay nagsilbing batayan ng manining na aktibismong pampulitika ng mga kabataan noon.

Ang kilusang magsasaka laban sa monopolyo sa lupa ng malalaking panginoong-maylupa, korporasyon ng mga plantasyon at kumpanya sa pagtotroso noo’y dominado ng repormistang asosasyon pangmagsasakang nagngangalang Federation of Free Farmers (FFF) sa ilalim ng islogang “lupa sa mga walang lupa.” Lumaganap ang kilusang ito sa buong isla, mula Zamboanga Peninsula at mga prubinsya ng Cotabato sa Southern Mindanao, Agusan-Surigao at Misamis Oriental, Bukidnon at mga prubisnya ng Lanao sa Northern Mindanao, at mga prubinsya ng Davao sa Eastern Mindanao.

Samatantala, ang kilusang manggagawa na lumaban para sa karapatan ng mga manggagawa at makatarungang sahod ay kapwa masigla sa hanay ng mga manggagagawa sa mga kumpanya sa kahoy, malalaking plantasyong agrikultural, sektor ng serbisyo at iba pang kumpanyang semi-processing.

Ganito ang pangkalahatang pampulitikang klima sa isla nang ang kilusang progaganda ng kabataan sa National Capital Region ay magsimulang impluwensyahan ang mga estudyante sa mga kampus sa lahat ng prubinsya at syudad ng Mindanao – nagtatalakay ng mga isyung pangkampus, gayundin ang isyu ng mga magsasaka at manggagawa, at pag-ugnay at pagtataas nito bilang mga isyung pampulitika at pang-ekonomya. Ang pinakamalaking kilusang kabataan noon sa Mindanao ay isang repormistang relihiyosong organisasyon ng kabataan nagngangalang Kilusang Khi-Rho ng Pilipinas, habang ang pinakamilitante ay ang Kabataang Makabayan at ang Samahan ng Demokratikong Kabataan (SDK).

Sa ikalawang taon ko sa kolehiyo, ang pakikisangkot sa kilusan para sa panlipunang pagbabago ay nagsimula nang makaimpluwensya sa malaking bilang ng mga estudyante, kabilang na ako, sa mga kampus sa buong Mindanao. Malaking karangalan na masangkot sa aktibismong estudyante. Labis na nakaimpluwensya ang konserbatibong pagpapalaki sa akin sa naging desisyon kong sumapi sa repormistang Khi-Rho at hindi sa militanteng KM at SDK. Sa ika-apat kong taon sa kolehiyo, labis na popular sa mga mag-aaral ang pampulitikang aktibismo na sa panahon ng eleksyon ng konseho ng mag-aaral, kung saan nagsilbi akong pangkabuuang tagapamahala sa kampanya, ay nagkamit kami ng malawakang pagkapanalo. Ang lahat ng mga nanalo ay mula sa Khi-Rho, KM o SDK, at natalo ang lahat ng hindi aktibista.

Sa ikalima kong taon sa kolehiyo (1972), nagkaroon ng kalitatibong pagbabago sa pampulitika at panlipunang kilusan sa buong bansa. Ang kilusang proganda ng kabataan sa buong bayan ay matagumpay na napopularisa at nailinaw na ang batayang suliranin ng magsasaka ay pyudalismo, na ang panlipunang batayan ng pasismo ay burukratang kapitalismo, at na nagpapatuloy na ang pampulitika, pang-ekonomya at panlipunang pagkubabaw ng imperyalismong US sa bansa. Sa panahong ito rin siyentipikong ipinaliwanag ni Amado Guerrero sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (unang inilimbag noong 1971 sa UP Philippine Collegian) ang buong makasaysayang detalye at kongkretong panlipunang konteksto ng pundamental na malapyudal at malakolonyal na katangian at ang tatlong batayang suliranin ng lipunang Pilipino, at ang pambansa-demokratikong rebolusyon bilang solusyon sa mga ito. Ang pangangailangan para sa panlipunang pagbabago ay malinaw, ngunit nanatili ang tunggalian sa kung anong paraan ang magkakamit ng tunay na panlipunang pagbabgao. Ito ba ay sa payapang reporma o armadong rebolusyon?

Lalong umigting ang krisis sa ekonomya at pulitika sa buong bansa, at naging malinaw na si Marcos ay hayok na kumakapit sa kapangyarihan sa pamamagitan ng kahit anong paraan nang tantsahin ang reaksyon ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsuspinde sa writ of habeas corpus. Bilang reaksyon dito, mayroong paglawak sa hayag na paglaban mula sa mga magsasaka, manggagawa, kabataan at panggitnang pwersa. Pinakakapuri-puri at militanteng ipinamalas ng mga estudyante ang hayag na paglaban sa ngayo’y kilala bilang Sigwa ng Unang Kwarto, na kung saan ang UP Diliman Commune ay nagbigay inspirasyon sa pambansang pagdaluyong ng mga protestang pangmag-aaral na dumagundong mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao.

Naging ligalig ang mga magsasaka sa Mindanao. Ang repormistang FFF ay nagsimula nang mag-armas ng kanilang mga sarili, na nilahukan ng maraming kasapi ng Khi-Rho. Ibayong lumawak at naging militante ang kilusang manggagawa sa buong isla. Bagaman mayroong mahigpit na pagkakaisa sa mga mag-aaral para biguin ang pasistang rehimeng Marcos at maghanda para sa posibilidad ng batas militar, nagpatuloy ang debate sa pagitan ng reporma at rebolusyon.

Walang katapusan ang pampublikong pakikipagdebate namin ni Engineer Ben Boiser (ngayo’y retiradong dekano ng Xavier College of Agricultural Engineering) sa mga lider ng KM at SDK na sina Raoule Geollegue (ngayo’y retiradong DENR director) at Orly Ravanera (ngayo’y pambansang tagapangulo ng Cooperative Development Authority) sa mga pulong namin sa konseho ng mag-aaral, at maging sa aming mga pribadong talakayan bilang magkakaibigan at kasamang mga aktibista.

Pero magkakasama pa rin kaming nagmartsa sa maagang bahagi ng Setyembre 1972, nang ilunsad namin ang tatlong araw na 42-kilometrong Martsa ng Kabataan mula Musuan, Bukidnon tungong Malaybalay City para ipamalas ang aming protesta at galit laban sa pagsira ng kalikasan ng mga malawakang-saklaw na pagpuputol ng puno at kumpanyang mina at higanteng mga pangkorporasyong dam sa buong bansa. Tugon ito sa apela ng nasirang si Edgar Jopson (dating tagapangulo ng National nanawagan para sa isang “protesta ng pakikisimpatya” matapos bayuhin ang Central Luzon ng mapanirang pagbaha.

Noong Setyembre 22, 1972, idineklara ng diktador na si Marcos ang batas militar, na malinaw na nagtapos sa debate ng “reporma o rebolusyon.” Sa mismong gabing iyon, higit isandaang aktibong kasapi ng KM, SDK at Khi-Rho ang nagkita sa kampus ng aming pamantasan, at sa tabing ng kadiliman ay sumumpa kami na ipagpapatuloy ang laban sa pasistang diktadura at laban sa pyudalismo at imperyalismo sa pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) para maglunsad ng armadong rebolusyon. Nang sumunod na araw, ilandaang mga estudyante na bigong makaalis sa kampus ng pamantasan sa Musuan ang maramihang tinipon ng militar at dinala sa Malaybalay City at idinetine nang walang takdang panahon.

Kami namang mga nakarating sa kanayunan ay naghanap ng gabay kung paanong ilulunsad ang armadong pakikibaka dahil wala pa noong yunit ng BHB para tatanggap sa amin. Napilitan akong bumaba mula sa magubat na bahagi ng Davao at Upper Pulangi River para ipagpatuloy ang pag-oorganisa sa lihim na kilusan sa urban hanggang 1975. Tapos, isang madaling araw ng Disyembre 1975, nagising ako mula sa isang gabi ng mahaba at mahirap na paglalakbay sa kabundukan ng Agusan del Norte na nag-iisip kung nasaan ako, bago ko napagtanto, “Ito na, narito na ako sa pusod ng armadong rebolusyon sa piling ng mga kasamang gerilya at ng masa.”

Kaya bakit mahalagang balikan ang FQS sa panahon at konteksto ngayon?

Dati, tulad sa ngayon, ang rebolusyonaryong kamalayan sa mga kampus ng UP, CMU at ibang unibersidad sa buong bansa ay hindi kailanman bunga ng patakaran ng administrasyon ng paaralang mag-udyok ng rebolusyon. Ang terorismo ng estado at batas militar ang nagtulak sa amin na dalhin ang aming pakikibaka sa kanayunan. Sa ganoon ding paraan, itinutulak ng Duterterorismo ang mahuhusay na mga mag-aaral mula sa UP at ibang premyadong unibersidad na ipagpatuloy ang pakikibaka sa kanayunan dahil wala nang ibang iniiwang landas ang terorismo ng estado kundi ang sa armadong paglaban. Kaya bakit sisisihin ang UP?

Malinaw na ang pagsisi sa UP at pagbawi sa mga tagumpay ng kilusang kabataan at estudyante laban sa diktadurang Marcos (ang makaisang-panig na pagbabasura sa kasunduang UP-DND) ay isang mahinang rason para imilitarisa ang mga kampus dahil sa takot ng isang nagbabadyang panibagong FQS. Napakatanga ng rehimeng US-Duterte, tulad ng lahat ng reaksyunaryong rehimen, na kaligtaan ang aral: ang pasismo ay nagbubunsod ng paglaban, at ang terorismo ng estado at batas militar ay mananatiling numero unong rekruter ng mga rebolusyonaryo sa hanay ng kabataan.

Sina Edgar Jopson, Lorena Barros, Antonio Tagamolila, Julius Giron, Eugenia Magpantay, Randall Echanis at iba pa ay gumawa ng panghabambuhay na desisyon na lumahok sa rebolusyon sa panahon ng kanilang kabataan at namatay bilang mga martir at bayani ng masang api at pinagsasamantalahan. Sa parehong konteksto, sina Myra “Mayang” Algarme, Recca Noelle Monte, Daniel Imperial, Rona Jane “Rjei” Manalo at iba pang mga Iskolar ng Bayan ng nakababatang mga henerasyon ay hindi mga “terorista”, taliwas sa desperado at malisyosong black propaganda ng rehimeng US-Duterte, kundi mga martir at bayani ng sambayanan na nararapat pagpugayan at tularan.

Sa Mindanao, maraming namatay na mga martir at bayani tulad nina Ben Esparagosa, Joel Zaragosa, Alvin Luque, Leonido Nabong, Samuel Ampo, Lolong Cayanong, para pangalanan ang ilan. Kabilang sa mga kilalang mga pangalang mula sa Luzon na namatay sa Mindanao sina Edjop, Eman Lacaba, Magtanggol Roque, bukod sa iba pa. Bagaman tinalikuran na ng iba ang mga pagsubok ng paglilingkod sa mamamayan sa iba’t ibang dahil, karamihan ng mula sa mga nakatatandang henerasyon, kasama ngayon ang mga bagong dugo ng kabataang rebolusyonaryo mula sa UP at iba pang kampus sa buong bansa, ay patuloy na tumatangan sa sumpang paglingkuran ang sambayanan.

Natatandaan ko pa kung paanong mahigpit akong pinayuhan ng aking mapagmahal na ama na tapusin ang kursong agricultural engineering sa CMU sa pag-iisip na ihahatid nito sa akin ang oportunidad na makapagtrabaho sa USA at tuparin ang “American dream” para sa kanyang anak. Nagpapasalamat ako sa kanya na pinag-aral niya ako sa CMU. Nagpapasalamat ako sa CMU at sa FQS sa buu-buong pagbabago sa aking buhay — hindi para maging “American dreamer” na may isip kolonyal kundi isang taong nagmamalaki at masayang naglalaan ng mga taon ng kasiglahan at pagtanda, HINDI BILANG TERORISTA, tulad ng nais isalarawan nina Duterte, Lorenzana, Parlade at kanilang mga bayarang alipures, KUNDI BILANG ISANG TAONG TUNAY NA NAGLILINGKOD SA MAMAMAYAN.

At gustuhin man nila o hindi, ang kasalukuyang mga kabataan at estudyante at ang susunod pang mga henerasyon ay patuloy na hahalaw ng aral, magsasabuhay at magtataguyod sa tradisyon at pamana ng FQS.

Binago ng FQS ang buhay ko