Black Hawk helikopter ng SOLCOM, inambus ng NPA Mindoro
Pulang saludo ang ipinaaabot ng Melito Glor Command sa Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa matagumpay nitong pamamaril sa ipinagmamalaking S-70i Black Hawk helicopter ng SOLCOM sa Sitio Mantay, Barangay Monte Claro, San Jose, Occidental Mindoro noong Enero 9. Ipinagbubunyi ng mamamayan ng TK ang taktikal na opensibang (TO) ito na nagpatalilis sa ipinagmamayabang na sasakyang pandigma ng rehimen sakay ang mga nangungunang pasista sa rehiyon.
Naging matunog ang TO dahil lulan ng helikopter ang matataas na opisyal ng SOLCOM na dadalo sa isang programang magkakalat na naman ng kasinungalingan sa Mindoro. Panauhin sa nasabing programa ang tagapagsalita ng NTF-ELCAC at kumander ng SOLCOM na si Gen. Antonio Parlade.
Dinayo ng mga pasistang opisyal at mga kinatawan ng LGU ang Sitio Mantay upang saksihan ang presentasyon ng mga pekeng suko at pangakuan ng mga pakitang-taong proyekto ang mga residente. Tiyak ang pagbaha ng black propaganda at paninira sa rebolusyonaryong kilusan sa programa lalupa’t nandun ang sagad-sa-butong anti-komunistang si Parlade.
Napurnada ang plano ng mga pasistang opisyal ng SOLCOM, 203rd Brigade at LGU bunsod ng pag-atake ng NPA-Mindoro. Napigilan nito ang pagkakalat nila ng mga anti-komunistang paninira. Nagmadaling umuwi at maglakad nang malayo at hindi na nagawa ng mga pasista na sumakay ulit ng helikopter pabalik. Wala nang mukhang maihaharap ang hambog na si Parlade sa mga Mindoreño na nauna nang ipinagmayabang sa mga taga-Calapan City ang S-70i Black Hawk helicopter noong ng Enero 8 bago pa ito pumunta ng Sitio Mantay kinabukasan.
Nakamit ang tagumpay na ito sa tulong ng mamamayang nagtataguyod at sumusuporta sa NPA. Sa kanilang pakikipagkaisa, naeksakto ang dating ng helikopter kung kaya mahusay na naiplano ang operasyon. Determinado silang turuan ng leksyon ang mga militar at pinsalain ang helikopter na nanliligalig sa kanilang lugar. Pinatutunayan ng pangyayaring ito na higit na superyor ang digmang bayan sa anupamang modernong kagamitan o sasakyang pandigma ng pasistang rehimen. ###