BOMBO NEWS ANALYSIS: October 21, 2018. Reaksyon kaugnay ng paggamit ng NPA ng “KARAHASAN”
Isang magandang bagay na tumataas ang ating talakayan hinggil sa digmang bayang isinusulong ng sambayanan. Pinapatotohanan nitong sa pagtindi ng mga sosyoekonomiko at pampulitikang tunggalian sa bansa, hindi maiiwasang usapin ang digmang bayan. Nagpapasalamat din kami sa pagkakataong makapagpalalim sa naturang usapin, partikular sa punto ng “karahasan” at ano ang mapapala ng mamamayan dito.
Sa unang tingin, animo magkatumbas ang magkasimbigat ang karahasan ng estado at ang ‘karahasang’ bunsod ng paglaban ng mamamayan. Ngunit kung uunawain, napakalaki ng pagkakaiba. Ang estado ay sadyang marahas na instrumento ng naghaharing-uri. Simula’t sapul nagsisilbi ang estado (ang mga sangay nito sa lehislatura, ehekutibo at hudikatura) para sa pagpapanatili ng kaayusan kung saan malayang makakamkam ng naghaharing-uri ang ating lakas-paggawa at ang bawat butil at yamang magmumula rito. Walang pag-asang maalis ang kurapsyon at karahasan sa loob ng gubyerno. Walang pag-asang kusang-loob nilang ibibigay sa atin ang ating mga kahingian. Ang kabulukan ng burukrata kapitalismo ay hindi lamang bunga ng tiwaling gawain ng ilang indibidwal. Ito ay sistematikong bahagi ng isang estadong walang tunay na demokrasya at hindi tunay na naglilingkod sa interes ng sambayanan.
Balikan ninyo ang mga kaso ng masaker sa mga magsasaka at karaniwang mamamayan. Ang lahat ng iyan ay nag-uugat sa pagnanais ng masang bumalikwas at labanan ang ganitong sistema. Ang nais lamang nila ay iprotesta ang kawalan ng lupang masasaka, trabaho at masisilungan, kakapusan ng sahod, kawalan ng seguridad sa pagkain at mga batayang serbisyo tulad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Ngunit mayroon ba sa mga usaping ito ang tapat na hinarap ng gubyerno at hindi pandarahas ang isinukli sa masa? Kung totoong ang intensyon ng gubyerno ay ang pagsilbihan ang masa, bakit sumasahol pa nga ang ating kalagayan?
Noong nakaraang araw lamang, siyam na magsasaka na naman ang pinaslang sa Negros. Bahagi sila ng kampanyang bungkalan – inisyatiba ng mga magsasaka upang matamnan ang mga nakatiwangwang na lupain ng mga panginoong may-lupa. Kapiranggot na bahagi lamang ang kanilang tinamnan, sapat upang tustusan ang kanilang araw-araw na buhay, ngunit ano ang isinukli sa kanila? Kamatayan. Iyan ang tunay na atrocity at hindi ang makatarungang paglaban ng sambayanan.
Sa ganitong kaayusan, hindi masisisi ang sambayanan kung tahakin nila ang landas ng armadong pakikibaka. Ito ang tanging paraan upang makamit nila ang kanilang mga kahingian nang hindi pinapaslang ng estado. Wasto at makatarungan ang pag-aarmas ng sambayanan dahil ito lamang ang tanging masasandigan nila laban sa pang-aapi at pagsasamantala.
Ito rin ang dahilan bakit sa kabila ng pagbuhos ng pondo at makabagong armas ng AFP-PNP-CAFGU nananatiling malakas at malawak ang rebolusyonaryong kilusan. Tunay na matamis at yinayakap ng masa ang ‘matatamis na salita’ ng rebolusyonaryong kilusan. Dahil nakabatay ito sa obhetibong kundisyon at lapat sa kanilang reyalidad. Patuloy na dumarami ang narereklutang baseng masa sa lahat ng panig ng bansa -mula kanayunan hanggang kalunsuran dahil tumitindi rin ang mga dahilan upang sila ay magbalikwas. Mula sa abanteng bahagi ng baseng masang ito narerekluta ang mga kasapi ng NPA.
Ang rebolusyonaryong kilusan ay binubuo ng masang mula sa uring magsasaka, manggagawa, petiburgesya at iba pang uri at sektor na pinagsasamantalahan na hindi tumatanggap ng sweldo kapalit ng pagkilos. Dahil sila ay masa rin, kailanman ay hindi inatake ng CPP-NPA-NDFP ang masa. Tulad nang nauna na naming ipinadala sa inyo, may malinaw at lehitimong mga target ang mga opensiba ng pulang hukbo. Samantala ang estado, sa pamamagitan ng mga bayaran nitong sundalo at pulis, ay walang pakundangan kung magwasiwas ng karahasan sa sinumang tumutol sa kanilang mapagsamantala at mapang-aping patakaran.
Kung hindi magsusulong ng digmang bayan ang mamamayan, gugutumin at papatayin sila ng estadong naglilingkod sa naghaharing-uri. Ang tanging paraan upang wakasan ang pang-aatake sa masa ay ang talunin ang kaaway ng mamamayan at itaguyod ang isang lipunang maglilingkod para sa ating lahat. Kami ay para sa kapayapaan. Ngunit malinaw na makakamit lang natin ito sa pamamagitan ng pagtangan ng armas at pagsusulong ng makatarungang digma ng sambayanan.
Masakit isiping hanggang sa kasalukuyan, ang sangkatauhan at ang sambayanang Pilipino ay nabubuhay pa rin ngayon kakambal ang kaguluhan at digmaan. Mula sumulpot ang mga mapangsamantala at mapang-aping uri sa lipunan ng mga tao kasabay ding pinairal nila ito upang higit pang mapalawak ang kaniyang ari-arian at yaman at panatilihin ito. Upang makamit ang tunay, ganap at matagalang kapayapaan, kailangang itong maging makatarungan at makatwiran sa pagwawakas ng sistema at lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi. Ang namumulat na bahagi ng mamamayan ay nagsasakripisyo at ilinalaan ang kanilang buhay para sa makatarungang kapayapaan at ito ang batayan ng pagiging makatarungan ng digmang bayan. Ito ang motibo ng rebolusyonaryong dahas.