Bukas na liham in Comrade Kathryn para kay Jaime “Ka Diego” Padilla
Ka Diego,
Rebolusyonaryo at maalab na pagbati sa iyo kasama! Nawa’y ligtas na dumating ang aking sulat sa iyo sa harap ng umiigting na operasyon ng kaaway at rehimeng US-Duterte.
Ngayon ang Pandaigdigang Araw ng mga Bilanggong Pulitikal. Tiyak akong sinisigaw ng mamamayan ang iyong paglaya sa reaksyunaryong piitan ng pasista at tiranikal na rehimeng-US Duterte. Marami ang nananawagan sa iyong paglaya lalo’t dinakip ka sa harap ng iyong malubhang kalagayang medikal at sa proseso ng iyong paggagamot. Batid naming nagpahinga ka na dahil sa iyong kondisyon bagama’t nais mo pang magpatuloy sa paggampan ng mga gawain. Nagsilbi kang inspirasyon sa maraming kabataan para tumahak sa landas ng pakikibaka hanggang sa tumatag, umedad at umabot kahit tarangkahan ng pagkapatas o tagumpay. Huwag kang mag-alala, hanggang ngayon kahit piniit ka, inspirasyon ka pa rin sa laksa-laksang hanay ng kabataan, kabilang ako. At dahil doon, marami kaming mga kabataan ang handang tanggapin ang mga naiwan mong gawain sa rebolusyon.
Magpakatatag ka riyan. Sa kabila ng iyong kondisyong medikal at kadusta-dustang kalagayan sa piitan, patuloy mong pag-alabin ang pakikibaka at panawagan sa loob ng bilangguan. Kapiling mo pa rin diyan ang malawak na masa na pinagsamantalahan ng bulok na estado, reaksyunaryong korte at mga mersenaryong AFP-PNP. Katawan mo lamang ang dinakip at piniit ngunit hindi ang iyong diwa at prinsipyo. Asahan kong marami kang maoorganisa at patuloy mong itatambol ang pambansa-demokratikong rebolusyon kahit sa loob ng bilangguan. Nagkakamali ang rehimeng US-Duterte at ang AFP-PNP sa pag-aakalang mapapatahimik at mabubusalan ka nila.
Huwag kang mag-alala dahil patuloy na dadagundong ang Tinig ng Rebolusyon sa ating rehiyon at sa buong bansa kahit ika’y nakapiit. Sapagkat ang Ang Tinig ng Rebolusyon ay ang buong kasapian at mga kadre ng Partido at rebolusyonaryong mamamayan na patuloy na magmumulat, magtuturo at magpapalaganap ng rebolusyon laban sa isang marahas, bulok at naaagnas na estado tulad ng rehimeng US-Duterte. Ang lumalakas na tinig ng mamamayan para pabagsakin ang rehimeng US-Duterte ang walang-kamatayan at nagpapatuloy na Tinig ng Rebolusyon sa ating rehiyon at buong bansa.
Sige, hanggang dito na lamang ang aking liham.
Hanggang sa tagumpay,
Comrade Kathryn